30.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 20, 2026

Jinggoy: Mas mabigat na parusa dapat ipataw sa scammers na nagsasamantala sa mobile disaster alerts

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIS ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada na patawan ng hanggang limang taong pagkakakulong at multang aabot sa P1 milyon ang mga scammer at iba pang nagsasamantala sa emergency alert messaging system para makapanlamang sa kapwa.

Iminungkahi ni Estrada ang mga parusang ito sa kanyang inihaing Senate Bill No. 475 na naglalayong paigtingin ang mga proteksyong nakasaad sa ilalim ng Republic Act No. 10639, o ang “Free Mobile Disaster Alerts Act.”

“Itinatag natin ang mobile disaster alert system para makapagligtas ng buhay, at anumang maling paggamit o pagsasamantala nito ay maaaring maglagay sa peligro sa ating mga kababayan. Kailangang mapanatili natin ang integridad nito para patuloy na pagkatiwalaan at sundin ng publiko ang mga natatanggap nilang alerts o text messages,” paliwanag ni Estrada.

Sa kanyang panukalang amyenda sa RA 10639, ang sinumang gagamit ng mobile disaster alert mechanism para magpalaganap ng maling impormasyon o labag sa layunin nito – tulad ng pangangampanyang pampulitika at iba pang promotional materials – ay papatawan ng pagkakakulong ng dalawa hanggang limang taon at multang P100,000 hanggang P1 milyon.

“Layunin ng panukalang ito na pigilan ang pang-aabuso, mapanatili ang tiwala ng publiko sa ating disaster alert systems, at tiyakin na sa panahon ng krisis, bawat alert ay may saysay at bawat segundo ay mahalaga,” dagdag pa ni Estrada.

Isinulong ni Estrada ang panukala matapos magbabala ang Office of Civil Defense (OCD) laban sa mga pekeng text messages na diumano’y galing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nag-aalok ng ayuda at iba pang tulong ng gobyerno.

Binanggit ni Estrada na may nauna nang naiulat na paggamit noong nakaraang eleksyon ng Emergency Cell Broadcast System (ECBS) para sa ilang tumatakbong kandidato kung kaya’t napilitan ang Commission on Elections na maglabas ng show-cause order laban sa ilang tumatakbong kandidato sa Masbate. Ayon sa mga ulat, nakatanggap ng emergency alerts ang mga residente na may temang pangampanya.

Ang RA 10639 ay naisabatas noong 2014 upang tiyakin ang mabilis na pagpapakalat ng mahahalagang impormasyon sa panahon ng sakuna sa pamamagitan ng mga mobile alerts mula sa NDRRMC, Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), at iba pang kaugnay na ahensya kapag may nakaambang bagyo, tsunami, o iba pang kalamidad.

“Dapat may kalagyan sa ating batas ang mga kawatan na inaabuso ang emergency alert messaging system. Hindi natin dapat hayaan na pati mga mobile disaster alerts ay nagagamit na kasangkapan sa kanilang mapanglinlang na gawain,” ani Estrada.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -