ANO ang kalagayan ng health finance sa Pilipinas? Umaakyat ba ito kasabay ng paglago ng ekonomiya? Anu-ano ang mga dahilan ng galaw ng paglago nito?
Ang paggasta ng isang bansa para sa kalusugan ay isang mahalagang indicator ng kagalingan ng isang bansa. Kapag tumataas ang health expenditure, napapabuti ang access ng mga mamamayan sa services na kailangan para sila ay malusog, matiwasay, magiging èpektibo at efficient sa kanilang trabaho, at sa kalaunan, makamtan nila ang mga pangarap nila para sa kanilang pamilya.
Mula 2015 hanggang 2024, umakyat ang total health expenditure ng Pilipinas sa P1.3 trilyon mula sa P650.9 bilyon , lumago ng 7.3% bawat taon. Ang pagratsadang ito ay mas mataas kaysa sa taunang 4.8% na paglago ng nominal Gross Domestic Product (GDP). Bilang bahagdan ng GDP, umakyat ang total health expenditure sa 5.9% noong 2014 mula sa 4.3% noong 2015. Ang kasama sa total health expenditure ay ang mga gastusin sa pagpapatayo at pamamahala ng mga ospital at klinika; ang mga bayad sa serbisyo ng mga manggagamot, nars at iba pang health personnel; at halaga ng mga gamot. (Table 1)
Pinakamataas ang growth rate noong 2021 nang umakyat ito ng 19.3% sa P1.2 trilyon noong kasagsagan ng pandemya. Noong taong iyon, lumikom ang bansa ng P92.5 bilyon na pondo para sa bakuna laban sa COVID-19 at karagdagang $1.7 bilyon para mapatakbo ang mga ospital at quarantine facilities, bumili ng mga equipment, ambulansya at iba pang pangangailangan ng mga medical frontliners para mapuksa ang pandemya.
Mataas din ang paglukso ng growth rate noong 2015 at 2024 nang umakyat ito ng 14.8% at 13.8%, respectively. Ang pag-akyat ng health expenditure ay kadalasang sumasabay sa malawakang outbreak ng infectious diseases gaya ng measles at dengue. Sumasabay din ito sa paglago ng ekonomiya at paglawak ng fiscal space ng pamahalaan.
Anu-ano ang mga dahilan ng malagong pag-akyat ng total health expenditure noong nakaraang sampung taon?
Una ay ang pagtaas ng government revenues na nagbibigay sa pamahalaan ng kakayahan para pondohan ang pagtatayo ng mga ospital at sebisyo ng mga manggagamot at nars sa mga pampublikong ospital at klinika. Sa Table 2, umakyat ang ponding galing sa pamahalaan ng 14.4% bawat taon. Ito ang dahilan kung bakit lumago ang bahagdan ng health expenditure mula sa 39.1% sa 44.4%. Ang dahilan nito ay ang pag-akyat ng buwis na nalilikom ng pamahalaan mula sa sin taxes na siyang ginamit para mapondohan ang Universal Health Care. Nagkaroon ng major sin tax reforms noong 2012, 2017, 2019, at 2020. Kasama sa general government health expenditure hindi lang ang badyet ng National Government (NG) kundi ang lahat na gastusing dumaan sa social security institutions gaya ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) , extrabudgetary entities gaya ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR), at mga health insurance na compulsory o minandato ng pamahalaan gaya ng PhilHealth.
Ikalawa, rumatsada ang kita ng mga tahanan dahil sa mas masiglang ekonomiya. Lumukso ang GDP growth ng 4.8% bawat taon sa nakalipas na dekada kahit na nagkaroon ng mga lockdowns na nagpababa sa paglago ng ekonomiya noong 2020. Dahil dito, gumanda ang kakayahan ng mga tahanan para madala nila ang kanilang mga pamilya sa mga pagamutan.
Ikatlo, dumami ang mga empleyadong pumapasok sa mga korporasyon at lumawak ang mga serbisyo para sa kalusugan ang mga korporasyon sa kanilang mga empleyado. Lumago ito ng 11.7% bawat taon. Base sa Labor Force Survey, noong 2024, umakyat sa 67.1% ang bahagdan ng labor force na nasa formal at stable employment gaya ng mga korporasyon, mula sa 53.7% noong 2013.
Lumago rin ang mga pagkakataon para mapinansiyahan ang gamutan sa bansa. Dumarami ang mga health insurance products na maaaring matakbuhan kapag nagkaroon ng trahedya sa kalusugan ng mga pamilya. Mas marami na sa populasyon ng bansa ang nasasaklaw ng mga microinsurance products na nakadisenyo para kaya ng kita ng mga low-income households. Ayon sa Insurance Commission (IC), umaabot na sa 56.6 milyon ang microinsurance coverage noong Disyembre 2023, 50.7% ng buong populasyon. Karamihan dito ay mga composite insurance products na saklaw ang mga peligro sa sunog, buhay, at iba pang sakuna.
| Table 1. TOTAL HEALTH EXPENDITURE, 2015-2024 | |||
| billion pesos, at constant 2018 prices | |||
| % of GDP | Growth Rate (%) | ||
| 2015 | 650.9 | 4.3% | 14.8% |
| 2016 | 713.4 | 4.4% | 9.6% |
| 2017 | 767.8 | 4.5% | 7.6% |
| 2018 | 848.7 | 4.6% | 10.5% |
| 2019 | 891.4 | 4.6% | 5.0% |
| 2020 | 991.8 | 5.7% | 11.3% |
| 2021 | 1,183.1 | 6.4% | 19.3% |
| 2022 | 1,109.2 | 5.6% | -6.2% |
| 2023 | 1,153.5 | 5.5% | 4.0% |
| 2024 | 1,312.9 | 5.9% | 13.8% |
| AVERAGE | 7.27% | ||
| Source: Philippine Statistics Authority | |||
| Table 2. CURRENT HEALTH EXPENDITURE BY FINANCING AGENT, 2014-2024 | |||||
| Levels (in billion pesos, at constant 2018 prices ) | |||||
| Financing Agent | 2015 | 2024 | Annual | 2015 | 2024 |
| Growth Rate (%) | % of Expenditure | ||||
| General government | 198.3 | 760.6 | 14.4% | 39.1 | 44.4 |
| Insurance corporations | 9.5 | 98.8 | 26.4% | 1.9 | 5.8 |
| Corporations (Other than insurance corporations) | 39.8 | 120.5 | 11.7% | 7.8 | 7.0 |
| Households | 259.5 | 731.4 | 10.9% | 51.2 | 42.7 |
| Source: Philippine Statistics Authority |

