KATANGI-TANGI ang Buwan ng Wika 2025. Tingnan natin kung bakit.
Agosto 2024 nang simulan ko ang kolum na ito. Nakaisang taon na pala ako ng lingguhang pagsusulat tungkol sa wika. Una kong tinalakay ang Agosto bilang Buwan ng Wika, na sinundan ng paglilinaw kung ano ang pagkakaiba ng wika at diyalekto. Binanggit ko rin na ang dating isang linggo lamang ay naging isang buong buwan ng pagdiriwang ng mga wika, alinsunod sa Proklamasyon 1041 na nilagdaan noong 1997 ng Pangulo ng bansa noon, na si Fidel V. Ramos. Nagsimulang maging isang buwan ang pagdiriwang noong Agosto 1998.
Isang hakbang na pasulong, ganito siguro ang pananaw ng marami, dahil mas humaba ang panahong iniuukol sa wika. Mas pinapahalagahan na nga ba ang wika ngayon? Pero alam ba ninyo na sa buong mundo, sa Pilipinas lamang may ganitong uri ng pagdiriwang?
Ito ay dahil sa totoo lang, 11 buwan ng taon na isinasantabi natin ang ating sariling mga wika (na hindi bababa sa 135 ang kabuuang bilang, ayon sa KWF ), at naaalala lamang itong pahalagahan kapag buwan ng Agosto. Kaya matagal ko nang nahihiling na sana, dumating ang araw na hindi na natin kailangan ang Buwan ng Wika, dahil isang buong taon na natin itong ginagamit at ikinararangal.
Puro paimbabaw ang mga gawain noong una – pagsusuot ng Filipiniana, paghahain ng mga kakanin, pagdaraos ng mga timpalak-kagandahan, timpalak sa sabayang bigkas, talumpatian, atbp.
Salamat na lamang at ngayon, marami nang makabuluhang gawain sa akademya tulad ng mga kumperensiya, talakayan tungkol sa mga paraan para lalong mapayaman at mapaunlad ang mga wika sa Pilipinas, mga patuluyang hakbang sa intelektwalisasyon ng wikang Filipino, at iba pang kaugnay na mga proyekto.
Pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mga gawaing ito. Ang tanggapang ito ang nagbubuo ng mga tema ng pagdiriwang taon-taon at nagmumungkahi ng iba’t ibang paraan upang pahalagahan ang mga wika sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), ipinapalaganap ng KWF sa mga paaralan, kolehiyo at unibersidad sa buong bansa ang tema ng taunang pagdiriwang at mungkahing mga gawain. Sa ganitong paraan, balana ay kasali at maláy sa buong buwang pagpaparangal sa mga wika sa Pilipinas.
At pansinin natin, hindi lamang ang pambansang wika ang tampok sa mga gawain, kundi pati na rin ang ibang mga katutubong wika sa Pilipinas – nakatadhana rin sa mandato ng KWF ang preserbasyon ng mga katutubong wika sa Pilipinas.
Ang pagkakatatag ng KWF
Ang KWF ay itinatag ng Batas Republika 7104 noong Agosto 14, 1991, batay sa tadhana ng Konstituyong 1987, Sek. 9 Art. XIV: “Dapat magtatag ang Kongreso ng isang Komisyon sa Wikang Pambansa na binubuo ng kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at pagpapanatili sa Filipino at iba pang mga wika.” (Implementing Rules and Regulations 2013)
Ang matagal nang umiiral na ahensiya ng gobyerno noon, ang Surian ng Wikang Pambansa, na itinatag noong 1937 at naging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas noong 1987, ay naging KWF.
Ang mga komisyoner
Ang KWF ay pinamumunuan ng Kalupunan ng mga Komisyoner, na binubuo ng 11 komisyoner, na kakatawan sa iba’t ibang mga wika sa Pilipinas, “tulad ng Tagalog, Sebwano, Ilokano, at Hiligaynon, sa pangunahing wika sa Muslim Mindanao, sa Kahilagaang Pamayanang Pangkultura, sa Katimugang Pamayanang Pangkultura, at sa iba pang mga wika sa Pilipinas o sa mga pangkating linggwistiko ayon sa maaaring ipasiya ng Komisyon. Kakatawanin din ng apat man lamang sa mga komisyoner ang mga akademikong disiplina na makabuluhan sa mga gawain ng Komisyon.” (IRR 2013)
Malinaw na itinakda ng RA 7104 ang mga kwalipikasyon ng mga komisyoner: katutubong mamamayan ng Pilipinas, hindi bababa sa 30 taong gulang, may mataas na katangiang moral, at kinikilala ang kadalubhasaan sa linggwistika/wika, panitikan, kultura, at disiplinang kinakatawan.
Panahon ng panunungkulan
Ang Tagapangulo at dalawa pang komisyoner ay maglilingkod nang full time sa loob ng pitong taon, samantalang ang walong iba pa ay part time; ang apat sa kanila ay sa loob ng limang taon at ang apat pa sa loob ng tatlong taon. Lahat sila ay maaaring hiranging muli ng Pangulo ng Pilipinas sa maksimum na isang termino lamang. Maaari silang matanggal sa posisyon kapag may paglabag at pagpapabaya sa kanilang tungkulin, malubhang pag-abuso sa kapangyarihan, at iba pang mabigat na dahilan.
Ang mga unang komisyoner
Ang unang Kalupunan ng mga Komisyoner na nagsimulang manungkulan noong 1992 ay may maningning at maipagmamalaking mga pangalan sa wika, linggwistika, panitikan at edukasyong pangwika ng rehiyong kinakatawan. Tagapangulo si Ponciano B. P. Pineda, isang Tagalog, na matagal nang direktor ng Surian mula 1971. Kinatawan ng wikang Iluko si Ernesto Cubar, propesor ng linggwistika at awtor ng aklat sa gramatikang Filipino. Kinatawan ng wikang Kapampangan ang linggwista at edukador na si Br. Andrew Gonzalez, FSC, dating pangulo ng De La Salle University. Kinatawan naman ng kahilagaang pamayanang kultural si Bonifacio Sibayan, dating pangulo ng Philippine Normal College (PNU ngayon) at kilalang sosyolinggwistiko. Si Teresita Maceda, Sebwano, ay edukador, tagasalin, at dalubhasa sa kanyang wika. Ang iba pa ay sina Angela Sarile, Hiligaynon; Rosario Maminta, Pangasinan; Nita Buenaobra, Bikol; at Abdulmari Imao, Muslim Mindanao. Mula sa UP Diliman sina Cubar, Maceda at Maminta; mula naman sa UP Manila si Sarile.
Karamihan ng mga naging tagapangulo ay kumatawan sa wikang Tagalog: Pineda, Jose Santos, Virgilio Almario, at Arthur Casanova. Dalawa ay Bikol: Buenaobra at Ricardo Ma. Nolasco. Lahat sila ay kinikilala at may kontribusyon sa wikang kanilang kinakatawan.
Sa kasalukuyan, ang mga komisyoner ay ang mga sumusunod: (full time) Casanova, Tagalog; Benjamin Mendillo, Ilokano; Carmelita Abdurahman, Samar-Leyte ; (part time) Hope Yu, Sebwano; Reggie Cruz, Kapampangan; Christian T. H. Aguado, Katimugang Pamayanang Kultural; Melchor Orpilla, Pangasinan; Ruth Tindaan, Kahilagaang Pamayanang Kultural; at Evelyn Oliquino, Bikol.
Bakit katangi-tangi ang Buwan ng Wika 2025?
Nito lamang Agosto 4, nabalita na tinanggal si Casanova bilang tagapangulo matapos tanggapin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang courtesy resignation. Matatandaan na lahat ng puno ng mga tanggapang pampamahalaan ay hiningan ng courtesy resignation. Nakatakdang matapos ang panunungkulan ni Casanova sa Enero 2027, kasabay ang dalawa pang full time na komisyoner na sina Mendillo at Abdurahman. Agad na ipinalit kay Casanova si Marites Barrios-Taran, ang direktor heneral ng KWF mula 2023.
Ayon sa RA 7104, kapag nabakante ang posisyon ng tagapangulo, ang dalawa pang full time na komisyoner ay pipili ng isa sa kanila upang magsilbing pansamantalang tagapangulo. Samantala, sa loob ng 30 araw, ang Kalupunan ng mga Komisyoner ay magnonomina sa Pangulo ng Pilipinas ng kapalit ng tagapangulo, mula sa listahan ng mga nominado na isinumite ng partikular na rehiyong apektado. Samakatuwid, dahil Tagalog ang posisyong nabakante, ang dapat ipalit ay kakatawan din sa Tagalog.
Ngunit hindi ganito ang nangyari. Agad hinirang ang kapalit ni Casanova, nang hindi batay sa nominasyon ng rehiyong kinakatawan niya. Walang nominasyong naganap at ang ipinalit ay hindi Tagalog kundi Akeanon. Mainam namang magkaroon ng kinatawan sa KWF ang wikang ito upang magkaroon ng representasyon ang iba’t ibang wika sa Pilipinas. Ngunit ang pinag-uusapan dito ay ang pagsunod sa mga tadhanang itinakda ng batas.
Maaalala na noong Buwan ng Wika 2022, ang KWF ay nayugyog din sa kontrobersiya ng red-tagging. Inakusahan nina Mendillo at Abdurahman si Casanova ng paglalathala ng mga subersibong aklat. Bagama’t hindi napatunayan ang akusasyon, hindi na nailabas ang mga aklat na binansagang subersibo; naluluma lamang ang mga ito sa imbakan ng KWF.
Reaksyon ng publiko
Dahil sa nangyari, naglabas ng mga pahayag ang iba’t ibang propesyonal na organisasyong pangwika at pampanitikan, tulad ng PSLLF Organization. Propesyonal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS), Sanggunian sa Filipino (SANGFIL), Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), Filipinas Institute of Translation (FIT), Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (UMPIL), Kapisanang Diwa at Panitik (KADIPAN – PNU). Nagpahayag din ang iba’t ibang departamento ng Filipino ng mga unibersidad tulad ng De La Salle University–Manila, Ateneo de Manila, Unibersidad ng Pilipinas, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Bulacan State University (BulSU), gayon din ang Sentro ng Wikang Filipino at Departamento ng Linggwistiks ng UP Diliman. Gayon din ang UP Rural High School.
Ang gurong si Ronnel Agoncillo ay nagsabing “pahirap nang pahirap ang magturo ng Filipino.”
Ang UMPIL ay nagsabi: “Eksperto, hindi sampay-bakod lamang, ang dapat maitalagang komisyoner para sa alinmang wika na nararapat magkaroon ng representasyon sa KWF.”
Ang PATAS ay humiling na maging PATAS sana si Pangulong Marcos sa pagtatalaga ng mga komisyoner at ng tagapangulo ng KWF.
Ayon sa PSLLF, “Sa konteksto ng kabi-kabilang atake sa wika sa sistemang pang-edukasyon at kritikal na papel nito sa pambansang patakaran, higit na kailangan ng KWF ang mga lider pangwika na may danas, kongkretong ambag sa larangan, at may subok na paninindigan para sa wika at kultura ng bayan. Tila repleksyon ang pagtatalagang ito ng patuloy na kawalang interes at malasakit ng naghaharing uri sa wika, kultura, at sektor ng edukasyon.”
Lahat sila ay nananawagan kay Pangulong Marcos Jr. na rebyuhin ang pagkakahirang sa bagong tagapangulo ng KWF at sana ay sundin ang nakatadhana sa batas na lumikha ng nasabing tanggapan. At sana, mangibabaw ang kwalipikasyon ng mahihirang, at hindi lamang ang pagpili sa kung sino ang “malapit sa kusina.”
Ayon naman sa makata at manunulat na si Jerry Gracio, ang pagtatalaga kay Barrios-Taran ay “insulto sa wika.” Higit pa rito, idinagdag niyang dapat na sigurong buwagin na lamang ang KWF total, nagagawa naman ng iba’t ibang kolehiyo at unibersidad ang mga saliksik at proyektong dapat sana’y maayos na naisasakatuparan ng KWF, bilang pag-alinsunod sa mandato nito.
Bakit nga hindi? Malaki ang suweldo ng mga full time komisyoner, P200K isang buwan. Kung ganyang napakahilig lamang nilang magbangayan, hindi kaya nasasayang lamang ang buwis ng bayan?
At ang pangyayaring ito ay buntot lamang ng iba pang mga pangyayaring nagpapatunay sa pagbalewala sa ating mga wika: ang pagtanggal sa unang wika bilang panturo, ang pagsasantabi sa MTB-MLE at ang paggigiit sa Ingles bilang wikang panturo. Ngayon, itanong natin uli, tunay ba nating pinapahalagahan ang ating mga wika?
Tunay na katangi-tangi ang Buwan ng Wika 2025!

