36.1 C
Manila
Linggo, Hunyo 21, 2026

Lacson ipinaliwanag kung bakit hindi ligtas ang mga senador sa isyu ng anomalya sa flood control projects

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI pa maaaring sabihing ligtas ang mga senador sa kontrobersya ng mga maanomalya at “ghost” flood control projects sa ngayon, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Sabado, Agosto 23, 2025.

Ani Lacson, parehong mga senador at miyembro ng Kamara ang nagsisingit o sumusulong ng amyenda sa panukalang budget — kung  kaya’t paulit-ulit siyang nananawagan para sa transparency sa proseso ng pagbubuo ng budget.

“Hindi ko sinasabing taga-House lang… Posibleng meron ding senador na nag-insert at kabahagi din siya sa 25% share na tinatawag na funder or proponent o sponsor ng insertions,” ani Lacson sa panayam sa DZRH.

“Ganito na lang ang sasabihin ko, maaaring meron, maaari ring merong congressmen,” dagdag niya sa hiwalay na panayam sa DZMM, nang tanungin kung may mga senador ding sangkot sa mga kwestiyonableng proyekto.

Nang tanungin kung bakit wala pang senador na natutukoy na sangkot, iginiit ni Lacson na hindi tama ang magpangalan nang walang matibay na ebidensya. Sa kanyang kaso, tiniyak niya na ilalantad lamang niya ang mga natuklasan kapag may solidong basehan.

Binanggit ni Lacson na parehong mga senador at miyembro ng Kamara ay maaaring magsingit ng pondo sa budget, na may kanya-kanyang dahilan. Maaari itong mula sa pagtulong sa kanilang mga nasasakupan hanggang sa pagtupad ng mga pangakong pangkampanya — o  kaya’y para punuin ang sariling bulsa sa pamamagitan ng komisyon mula sa kanilang mga insertion, na sa batas ay tinatawag na amendments.

Aniya, ang mga mambabatas na gumagawa ng insertions para sa infrastructure projects ay maaaring nagkakaroon ng “karapatan” na pumili ng kontratista para rito.

“Pag nag-insert ka, parang meron kang claim, meron kang royalty, meron kang right mag-assert dahil ako nag-insert, baka pwedeng ako na pumili ng contractor niyan,” aniya.

Dahil dito, ipinaglaban muli ni Lacson ang transparency sa proseso ng pagbubuo ng budget, kabilang ang pagbibigay ng record ng mga pangalan ng mambabatas na nagmumungkahi ng amendments.

Ang ganitong transparency, kung saan hayagang natutukoy ang mga proponent ng insertions, ay hindi lamang nagbibigay-kaalaman sa publiko kung saan napupunta ang kanilang buwis kundi nagsisilbi ring panakot laban sa mga gumagawa ng kwestiyonableng proyekto.

“Madaling maturo kung pumalpak ang implementation — matutukoy  natin sino ang congressman o senador na nag-insert o nag-author o nag-propose ng amendments a.k.a. insertion,” aniya.

Kung wala ang transparency na ito, babala ni Lacson, magpapatuloy ang “hubris” na nagpasiklab sa sistematiko at organisadong korapsyon sa likod ng anomalya at ghost projects, gaya ng nakita sa unang engineering district sa Bulacan.

“Hubris. Sumobra ang kanilang self-confidence kung saan dinisregard nila ang public perception, disregard nila ang public opinion, and disregard nila ang public need. Lahat ng tungkol sa publiko sinarhan na nila ang kanilang mata dahil hindi na ma-control ang greed. Hindi na magkasya sa karaket na may porsyento dito, may porsyento doon. Sinagad na hanggang sa umabot sa ghost project para lahat kinita na,” aniya.

Gayunman, umaasa si Lacson na ngayong mas may kamalayan ang publiko sa isyu, magsusumbong ang mga tao ng anomalya sa mga awtoridad, kabilang ang sa SumbongSaPangulo website. Ito raw ang mas malaking hamon matapos ang kanyang privilege speech noong Agosto 20.

“Ang dulo nito sana we are all hoping na sana may managot. Sana may malalaking tao na makasuhan, ma-prosecute, ma-convict, at makulong para nang sa ganoon huwag na pamarisan. Kasi habang may nakikita ang ating ibang kasamahan na nakakaligtas naman ang naakusahan, pamamarisan,” aniya.

 

Mababasa rin sa : https://pinglacson.net/2025/08/23/lacson-senators-not-beyond-suspicion-in-flood-control-projects-row/

DZMM interview: https://www.youtube.com/watch?v=4hW2W0eP9LQ

DZRH interview: https://www.youtube.com/watch?v=C7tT-JjjkWg

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -