NAKATAKDANG maghain si Senador Win Gatchalian ng isang panukalang magbabawal sa mga kompanyang dating pag-aari ng mga pulitiko na magsagawa ng mga inisyatiba na may kinalaman sa government infrastructures, kabilang ang mga flood control projects.
Kung maisabatas, sinabi ng senador na magdudulot ito ng malawakang reporma sa pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno at inaasahang epektibong susugpo sa korapsyon.
“Ang isang kontratista o kompanyang dating pag-aari ng mga pulitiko ay pagbabawalan nang sumali sa mga kontrata ng gobyerno,” sabi ni Gatchalian, kasunod ng matagal nang ginagawang dahilan ng mga pulitiko na pagda-divest sa negosyo para patuloy na makilahok sa mga proyekto ng gobyerno.
Lumabas ang mga ulat na ang ilang pulitiko ay nagsisilbing mga kontratista para sa kanilang sariling proyekto sa imprastraktura na pinondohan ng gobyerno, na nagdudulot ng pag-aalala sa marami dahil sa conflict of interest at korapsyon sa proseso ng national budget.
“May mga ulat na ilang pulitiko ay sangkot o nasa likod ng mga ghost projects o ang tinatawag kong ‘ampaw’ projects. Kailangan nating suriin kung ano ang koneksyon nila sa mga anomalyang ito,” sabi ni Gatchalian.
Inamin ng chair ng Senate Finance Committee ang lawak ng hamon. “Ang pinag-uusapan pa lang natin dito ay ang siyam na libong proyekto ng flood control, hindi pa kasali dito ang mga kalsada, highway, at iba pang mga infrastructure projects,” pagdidiin niya.



