27.3 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 1, 2026

Integrasyon o koordinasyon sa estruktura ng pamamahala ng edukasyon sa Pilipinas

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Agosto 13, 2025 nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ang Administrative  Order 36 na nagtatatag ng Education and Workforce Development Group (EWDG) bilang sentral na lupon ng koordinasyon patungkol sa pagpapaunlad ng edukasyon at hukbong paggawa ng bansa. Batay sa nabasa kong balita tungkol sa EWDG may dalawa sa mga mahahalagang isyung dapat suriin ng lupon ang nais kong tukuyin. Una, ang isyu ng rasyonalisasyon ng mga ahensya sa edukasyon at hukbong paggawa na natatalakayin ko sa linggong ito. Ikalawa, ang di pagkakatugma ng mga gradweyt ng sector ng edukasyon at ang pangangailangan ng mga industriya na tatalakayin ko sa susunod na linggo.

Sa kasalukuyan, ang estruktura ng edukasyon sa Pilipinas ay nakatuoon sa pagtugon sa tatlong pangunahing gawain: pangunahing edukasyon o basic education, lalong mataas na edukasyon o higher education at ang edukasyong teknikal o technical education. Batay sa rekomendasyon ng 1991 Congressional Commission on Education (EdCom) pinaghati-hati ang dating Department of Education Culture and Sports (DECS) noong 1994 upang tugunan ang tatlong pangunahing gawain. Itinatag ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authortiy (TESDA) upang maging matugon ang mga ahensya ng pamahalaan sa mga pangunahing gawain ng edukasyon. Ang CHED ay ang ahensya ng pamahalaan na nakatuon sa pagpapasulong ng lalong mataas na edukasyon samantalang ang Tesda ay ahensyang nakatutok sa pagpapatakbo at pangangasiwa ng mga institusyon sa paghubog ng mga kasanayang teknikal. Ang pangunahing edukasyon ay naging tanging gawain ng Department of Education (DepEd).

Dahil sa mga problema ng kahinaan ng ugnayan sa pagitan ng mga layunin ng mga ahensyang nabanggit na lumutang makalipas na tatlong dekada may nagpapanukala na pagsamahing muli ang DepEd, CHED at Tesda sa isang ahensya ng pamahalaan. Ang layunin ng integrasyon ay upang itanghal ang pangunahing layunin ng edukasyon na paunlarin ang yamang tao ng ating bansa. Kahit nakatutok na ang mga nabanggit na ahensya sa mga espesipikong gawain at layunin mistulang walang pag-uugnayan ang mga ahensya sa pagtugon nila sa pagpapaunlad ng yamang-tao ng Pilipinas dahil sa kahinaan ng pagtutulungan ng mga ahensyang nabanggit.

Sa pamamagitan ng integrasyon mapalalakas ang koordinasyon, ugnayan at pagtutulungan ng mga ahensya dahil mapalalakas ang likas na kapit ng mga ahensya sa isa’t isa. Ang basic education ang pinakasentro ng pag-uugnayan dahil sa higpit ng kapit nito sa iba pang ahensya. Ang basic education ang pamantayang edukasyon na kinakailangan sa mga pumapasok sa mga estudyante sa kolehiyo, uniberdisad at sa mga institusyong teknikal.

Maganda ang panukalang ito ngunit mabigat ang implementasyon nito. Ang problema sa panukalang integrasyon ay paglawak ng byurokrasya sa iisang ahensya ng pamahalaan. Matatandaan na ang isa sa pinakamahalagang dahilan ng paghahati hati ng DECS noong 1994 ay lang awak ng byurokrasya sa ahensya.


Sa ngayon ang DepEd ang pinamalaking departamento ng ating pamahalaan at may pinakamaraming kawani na umabot na sa mahigit 1 milyon na 88% nito ay mga guro at may budget na PHP 737 bilyon noong 2025. Ang DepEd ang nangangasiwa sa halos 60,439 na mga paaralan na halos 75% nito ay mga pampublikong paaralan. Samantala, ang Tesda ay may budget na halos PHP 70 bilyon at nangangasiwa sa halos 4,380 na institusyong teknikal kasama ang 4% na Tesda Technology institutions (TTI). Ang CHED naman ay may budget na PHP 30 bilyon na nangangasiwa sa 2,334 na mga kolehiyo at universidad kasama ang 31% nito ay hawak ng local at pambansang pamahalaan.

Maliban sa paglobo ng byurokrasya ang integrasyon ay maaaring mauuwi sa mabigat na trabaho at reponsibilidad sa isang pinuno sa pinagsanib na ahensya dahil haharap at tutugon ito sa sarisaring problema na hindi magkakaugnay. Sa kasalukuyan, ang DepEd ay humarap sa mababang porsiyento ng partipasyon ng kabataang Filipino lalo na sa mga liblib na lugar at mga mula sa maralitang pamilya, mababang antas ng natututunan, at kakulangan sa mga pangunahing sangkap sa pagpapatakbo ng paaralan kasama na ang classroom at mga guro. Samantala, ang problema ng technical educakion ay ang kalidad ng mga kagamitan at di tugmang curriculum sa pangangailangan ng industriya. Sa higher education, kasama sa mga hamon ay ang mababang at magkakaibang kalidad batay sa mga paaralan, mababang performance sa mga licensure exam, at kawalan ng quality assurance.

Ang solusyon ay hindi integrasyon ngunit ang koordinasyon. Sa alternatibong ito ang DepEd, CHED at Tesda ay magpapatuloy sa pagtutok sa kanilang gawain at ngunit ang mga ito ay mag-uulat  sa isang lupon ng koordinasyon tulad ng EWDG na pamumunuan ng Pangulo ng Pilipinas tulad ng estruktura ng NEDA. Ang lupon ay bubuin ng mga dating kalihim ng DepEd, tagapangulo ng CHED at Director General ng Tesda, mga kinikilalang eksperto sa edukasyon at mga kinatawan ng pribadong sector. Ang lupon ang babalangkas ng isang pangkalahatang plano sa pagpapaunlad ng edukasyon sa bansa. Ang mga plano ay may mga programang ipatutupad ng mga kasalukuyang ahensya. Sa pamamagitan ng koordinasyon masasagot ang problema ng mahinang pag-uugnayan ng mga ahensya at ang posibleng paglobo ng byurokrasya kung pagsasamahin muli ang DepEd, CHED at Tesda.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -