(Huli sa Serye)
SA naging talumpati ni Charisse Aquino-Tugade, executive director ng National Book Development Board (NBDB), sa naganap na Book Nook conference kamakailan, binanggit niya ang linyang ito: ‘it takes a village to raise a child.’ Hindi sapat ang isang guro lang o isang storyteller o isang advocate lamang ng reading at literacy. Kailangang tulong-tulong ang buong komunidad. At sa bawat itinayong Book Nook, iyon mismo ang ipinapakita. Hindi lang ito basta’t isang corner na puno ng mga libro kundi isang lugar ng pagtutulungan, isang espasyong bukas para sa lahat. “Dito, kahit sino ay may lugar. Bata man o matanda, may kaya man o wala, lahat ay puwedeng magbasa at makinig sa kuwento,” dagdag pa ni Aquino-Tugade.

“What we are looking at right now is essentially the result of over four years of slow but consistent and meaningful changes to reading communities in the regions. The Book Nook Project has always committed to ensuring that love for reading is not just centralized in our urban capitals, but also nurtured in the remotest reaches of the Philippines,” paliwanag pa ni Aquino-Tugade.

Ang The Book Nook Project ay itinatag ni Charisse Aquino-Tugade noong 2021 bilang isang network ng ligtas at inklusibong reading sites na naglalaman ng libo-libong kopya ng mga Pinoy nooks na may kalidad. Ito’y tugon sa masidhing pangangailangan natin para magkaroon tayo ng access sa Filipino-authored and published reading materials. Ang pagbabasa ay karapatang dapat ini-enjoy ng bawat isa kung kaya’t ang core belief nila ay ‘aklat para sa lahat.’ Binanggit din ni Aquino-Tugade ang nangyayaring ‘reading crisis’ sa ating bansa na nangangailangan ng ating sama-samang pagtugon upang masegurong hindi mamamatay ang ating kultura, mga wika, at ang ating pambansang panitikan.

Huwag nating hayaang tuluyang ayawan ng mga bata ang aklat. Sa mga Book Nooks, mas itinatampok natin ang mga pisikal na kopya ng aklat. Gusto nating iwan muna nilang pansamantala ang kani-kanilang gadgets at humawak ng pisikal na aklat. Totoo, ang pagbabasa, gamit ang pisikal na aklat o ang digital na aklat na nasa gadget, ay pagbabasa pa rin. Huwag nating pagsalpukin ang physical books at digital books. Manapa’y kunin natin ang bentahe ng bawat isa upang patuloy nating mailapit sa mga bata ang habit ng pagbabasa. Sa dakong dulo, nais nating sila’y magkaroon ng kakayahang humimay ng mas mahahabang naratibo, umunawa ng mas malalalim na ideya, at higit sa lahat, magkaroon ng panibagong pagpapahalaga sa ganda at yaman ng sariling panitikan.

Sa Lungsod ng Iloilo ginanap ang taunang Book Nook Conference ng National Book Development Board. May tema itong “Sug-álaw: A Grand Encounter of Stories, Cultures, and Communities.” Sa unang tingin, parang isa lang itong pangkaraniwang kumperensiya — may mga talumpati, may mga palihan, may mga presentasyon. Ngunit sa tatlong araw na iyon, nasaksihan ko ang higit pa sa mga nakagawiang academic talk o seryosong usapan. Ang nangyari ay isang makulay at masiglang pagdiriwang ng mga kuwento at kultura.

Dumalo ang napakaraming guro, storytellers, artists, literacy advocates, at community reading advocates mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Hindi sila nagtipon-tipon para lamang makinig at mag-aral, kundi para magbahaginan ng ideya at mga karanasan sa kani-kanilang book nook sites. May guro mula sa isang liblib na bayan na sabik na sabik makakuha ng materyales para sa kanyang mga estudyante. May storyteller na ikinuwento kung paanong isang simpleng pagbabasa ng kuwento sa lilim ng puno ang nakapagbukas ng imahinasyon ng isang bata. May mga guro’t magulang na naroon upang ipahayag ang kanilang kagustuhan na maipamana ang kulturang Pilipino sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng mga aklat at panitikan.

Ngunit hindi lang ito tungkol sa mga libro. Ang Book Nook ay para rin sa pangangalaga at pagpapatibay ng ating sariling kultura at panitikan. Sa panahon ngayon ng globalisasyon at social media, madaling makalimutan ang mga kuwentong sariling atin. Sabi nga, waring nakatira na tayo sa isang global village. Paborito na ng kabataan ang mga imported na karakter at banyagang content, habang unti-unting nababaon sa limot ang ating mga alamat, epiko, at mga kuwentong-bayan. Kaya’t napakahalaga ng mga espasyong gaya ng Book Nook—dito’y nananatiling buhay at nagiging makabuluhan ang ating sariling tinig.

Ang Sug-álaw Conference sa Iloilo ay hindi lamang seryosong pagtitipon ng mga tagapagtaguyod ng pagbasa. Para itong pista. May mga workshop na nagturo kung paano mapapanatiling buhay at self-sustaining ang mga reading hub kahit matapos na ang panimulang tulong. May mga programang nakabatay sa sining at malikhaing pamamaraan upang lalong maging makulay at kaakit-akit ang pagbabasa.

Mapalad na naanyayahan ang inyong lingkod sa naturang pagtitipon. Kasama kong tumungo roon ang mahusay na storyteller na si Rey Bufi ng The Storytelling Project. Dumating din si Carlo Ebeo, NCCA Commissioner at consultant ng Book Nook Project. Naanyayahan din sa naturang kumperensiya ang ilang kilalang awtor at personalidad na Ilonggo. Marapat lang sapagkat sa lungsod ng Iloilo ginawa ang kumprerensiya. Kabilang dito sina Noel Galon (publisher ng Kasing-Kasing Press), Dr. Dulce Deriada (Palanca award-winning author at propesor sa UP Visayas), at si Maricel ‘Mamu’ Montero ng Ilomoca (Iloilo Museum of Contemporary Art), na dating Executive Director ng Museo Pambata sa Maynila.
Isa sa mga pinakatampok na bahagi ng kumperensiya ay ang storytelling event na idinaos ng mga book nook coordinators sa Nabitasan Integrated School sa Barangay La Paz. Pagkakaton ito upang mai-apply ng mga book nook coordinators ang lahat ng kanilang natutuhan sa katatapos na kumperensiya. Naroon ang mga guro, magulang, at mga kabataan na sabay-sabay na nakinig at nagbasa. Para bang naging malaking sala ng isang tahanan ang buong paaralan. Lahat ay nakisali. Lahat ay nakibahagi. Doon ko nakita ang tunay na diwa ng bayanihan—na ang pagbabasa ay hindi lang solong gawain, kundi isang kolektibong karanasan.
Bilang isang manunulat ng aklat pambata, hindi ko maiwasang humanga habang nakikinig sa mga binabalak na gawin ng mga book nook coordinators sa kani-kanilang area sa kanilang pag-uwi. Naroon ang mga book nook coordinators na sabik na makauwi dala ang bagong kaalaman at inspirasyon. Sa dami ng mga batang abala ngayon sa gadgets at social media, lalong lumalalim ang pangangailangan sa mga espasyong gaya ng Book Nook: mga lugar kung saan maaaring huminga, magpahinga, at maglakbay sa mundo ng mga aklat.
Kaya’t hayaan ninyong ulitin ko ang panawagan: paramihin pa ang mga Book Nook sa buong bansa! Hindi sapat na mayroon lamang sa iilang piling lugar. Kailangan nitong makarating sa bawat probinsya, sa bawat bayan, at sa bawat komunidad o barangay. Huwag sanang ipagkait ang budget na nanggagaling sa gobyerno upang patuloy na mapunan ng mga lokal na aklat ang mga nakatayo at itatayo pang book nooks. At kung sakali mang may iba pang mamuno sa NBDB sa hinaharap, ang mga book nooks sanang ito ay mapangalaan at maipagpatuloy.
Ang Sug-álaw conference sa Iloilo City kamakailan ay hindi lamang basta’t isang pagtitipon. Isa itong paalala na kung tunay nating nais tugunan ang reading crisis sa bansa, hindi sapat ang pagbilang ng statistics at paglikom ng datos. Ang tunay na solusyon ay nasa mga kuwento, nasa mga komunidad, at nasa ating kolektibong pagkilos.
“We have partnered with the local community, and we’ve brought the nation’s storytellers, artists, and educators to show what ‘It takes a village’ really means. In our most ambitious Book Nook Conference yet, we are envisioning a space for forging new partnerships and strengthening existing ones, ensuring that the collaborative spirit of The Book Nook Project continues to thrive long after the event concludes,” sabi pa ni Aquino-Tugade.

