BILANG pagkilala sa pagkakaiba-iba ng kakayahan, kakanyahan, kurikulum, kultura, komunidad at kapaligiran ng mga mag-aaral, mahalagang magabayan at magamit ang multiliteracies bilang dulog (o approach) sa pagtuturo at pagkatuto sa akademya o anumang kontekstong pampagsasanay. Ang multiliteracies ay proseso ng pagpapalawak sa moda, istilo at kaparaanan ng edukasyon upang ito ay maging komprehensibo, ganap, interaktibo, tumatagos, mapagnilay at malikhain. Ang mga sumusunod ay tala ng ilang repleksyon at pagbabahagi ukol sa multiliteracies bilang isang konsepto, metodo at proseso sa pag-aaral at pagtuturo.
· Palawakin at palawigin ang edukasyon at pagsasanay upang saklawin din ang ibang sistema ng kaalaman, moda ng komunikasyon at paraan ng pagtuturo.
· Kilalanin na bagama’t salalayan (o pundasyon) ang pagbabasa at pagsusulat ay may iba pang kaalaman at kasanayan na dapat saklawin para maituro at matutunan.
· Aralin ang kasaysayan ng multiliteracies na ipinakilala ng New London Group partikular sa konteksto ng patuloy na nagbabagong-hubog na kultura at lipunan bunga ng pandarayuhan (o migrasyon) at pag-unlad ng moderno at interaktibong teknolohiya.
· Unawain ang pagsisimula at pag-unlad ng multiliteracies sa konteksto ng nagbabagong panlipunan, kultural, pilosopikal, edukasyonal at teknolohikal na kondisyon.
· Tandaan na ang kaalaman, kaisipan, pananaw, opinyon, paninindigan at damdamin ay maaaring maipahayag sa iba’t ibang istilo, moda, paraan, estratehiya at pagsasakatawan.
· Tumingin, pakinggan at pakiramdaman ang kapaligiran at alamin ang mga bumubuong elemento rito.
· Unawain ang iba’t ibang maaaring pagpapakahulugan ng mga mensahe mula sa iyong kapwa at kapaligiran.
· Unawain ang tumbasan, tambalan at talaban ng mga elemento, mensahe at kahulugan ng mga ito.
· Intindihin ang ugnayan ng mga elementong ito at kung anu-anong mensahe ang kanilang ipinapadala ukol sa atin, ibang tao o grupo at mas malawak na lipunan. Halimbawa: Ano ang mensahe ng pagkabulabog ng mga buhay-ilang (wildlife) ukol sa kalagayan ng kalikasan? Ano ang mensaheng hatid ng baku-bakong kalsada ukol sa kalidad ng pamamahala sa isang bansa? Ano ang mensaheng hatid ng pagdalo ng laksa-laksang kabataan sa mga kilos-protesta sa lansangan?
· Bigyang-diin ang halaga ng integrasyon sa kurikulum ng mga sumusunod na magkakaugnay na dimensyon ng kaalaman: media literacy, visual literacy, library literacy, technological literacy, computer literacy, digital literacy, cultural literacy, translation literacy at iba pa.
· Unawain ang katangian ng multimodal na komunikasyon at edukasyon at papel nito sa multidimensyonal nating pag-iral bilang mag-aaral, guro, mananaliksik, mamamayan at ahente ng pagbabago.
· Paganahin ang ating paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa at pandama (o mga sense perception) upang mas maunawaan ang ating kapaligiran, komunidad at lipunan.
· Idokumenta at unawain ang linggwistikal, biswal, awdyo, facial, gestural, tactile, spatial at temporal na dimensyon ng ating komunikasyon sa iba’t ibang porma ng pag-obserba, pakikitungo at pakikipagkapwa.
· Ikonsiderang saklawin ang iba’t ibang moda ng ekspresyon sa iba’t ibang konteksto at larangan kagaya ng pagsisiyasat ng mga public service announcement (PSA) ng pangkalusugang ahensiya, komersyal na billboard sa lansangan, pagdinig ukol sa badyet sa konggreso, ekspresyon ng mukha ng nagtutunggaling panig sa isang debate, galaw ng katawan at kumpas ng kamay ng isang nagtatalumpati, epekto ng haplos sa kalusugan ng mga may karamdaman at kapansanan, layout at disenyo ng pampublikong opisina, haba o ikli ng homiliya sa simbahan at iba pa.
· Pansinin na kahit ang isang libro mismo ay may multimodal na katangian batay sa tekstong nasusulat, tampok na mga larawan at dayagram at ang mismong tekstura ng pabalat at pahina. Gayundin, ang teleradyo ay nagtataglay ng tekstong pasulat, bidyo, awdyo, larawan, talahanayan, dayagram at iba pang elemento.
· Unawin ang epekto at impluwensiya ng digitalization of economy, informatization of society at globalization of technology sa iba’t ibang larangan ng ating pag-iral, kasama na ang pagkatuto at pagtuturo.
· Pansinin kung paano nagtatambal ang iba’t ibang porma ng traditional at new media sa kasalukuyang mga moda ng midya at komunikasyon kagaya ng streaming services (telebisyon + pelikula+ online streaming), social media platforms (balita + aliw + patalastas + social networking), podcasts (radyo + niche content) at iba pa.
· Pansinin at unawain ang intertekstwalidad ng pelikula bilang halimbawa kung saan nagiging sentro o tumatambal ito o bahagi nito sa aklat, merchandise, cosplay at maging ng iba pang pelikula.
· Unawain ang pagkakaiba-iba ng teksto (maykro) depende sa kinapapalooban nitong konteksto (makro).
· Kilalanin ang magkakaiba (pero maaari ring magkaka-ugnay) na wika, kultura, tradisyon, kapaligiran at komunidad na ating kinakapalooban, dinaranas at natutunghayan.
· Unawain ang iba’t ibang tipo ng teksto, uri ng teknolohiya at katangian ng konteksto kung saan nakapaloob o umiinog ang midya at komunikasyon.
· Bigyang-halaga ang potensiyal ng bawat teksto at konteskto na maging batayan ng lunsaran at koneksyon ng mga mag-aaral sa proseso ng pagpapalawak (broadening), pagpapalalim (deepening) at pagpapatalas (sharpening) ng karanasan sa pagkatuto.
· Unawain ang tagusan ng iba’t ibang antas ng pakikitungo, pakikipagtambalan at pakikipagtalaban at ang implikasyon nito sa pagtuturo at pagkatuto: personal, family, peer network, community, policy sector at development ecology.
· Isaisip na kritikal na bahagi ng kontekstwal na pagsusuri ang paglalantad at paghamon sa hindi pantay na relasyon ng kapangyarihan at ang nananaig na estruktura ng pang-aabuso sa lipunan at larangan.
· Pahalagahan at hasain ang kasanayan kung paano pinagdudugtong at pinagbibigkis ng multiliteracies ang teksto sa iba pang teksto, ang teksto sa konteksto, at ang konteksto sa iba pang konteksto. Kasama rin dito ang pagpapatalas sa pagsusuri ng teksto sa iba’t ibang konteksto at aplikasyon.
· Tandaan na mas umuunlad ang kaalaman, kasanayan at karanasan kapag tekstwal, intertekstwal at kontekstwal ang paraan ng pag-aaral at pagkatuto.
· Hikayatin ang mga mag-aaral na sila mismo ay mag-akda at bumuo ng sariling malikhaing teksto, disenyo at sining alinsunod sa kanilang interes, aspirasyon at kapaligiran.
· Pagpunyagiang gamitin ang multiliteracies sa edukasyon, midya, empleyo, pamamahala, adbokasiya at kilusang pagbabago.
Bilang pagbubuo(d), mahalagang bigyang-diin ang malaking ambag ng multiliteracies sa demokratisasyon ng edukasyon sa pamamagitan ng pagkilala sa iba’t ibang katangian at konteksto ng mag-aaral, kurikulum, komunidad, kultura at kapaligiran. Pinalalawak nito ang ating espasyo ng ekspresyon, pagkatuto, pakikitungo at pag-unlad bilang iskolar, mananaliksik at mamamayan. Samakatwid, ang multiliteracies ay paghahanda sa malawak, komplikado at mapanghamong larangan sa loob at lalo na sa labas ng paaralan at pamantasan.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

