29.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Saan papunta ang Pilipinas?

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

BAGAMA’T sa nakaraang kolum ay nakasilip tayo ng paghupa ng tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas, iyun ay isa lamang sa mga panlabas na ugnayang kinakaharap ng bansa. Wala pa ring tigil ang masugid na kampanya ng Amerika na pagkamuhiin ang mga Filipino sa China. Ito ang maaaring magbunga ng nakaprogramang pakikipagdigma ng Pilipinas sa China.

Hindi nagbabago ang estratehiyang ito ng Amerika. Para saan ba kundi patungo sa hangganang ito ang tuloy-tuloy na pakitang gilas ng Estados Unidos sa lakas nitong pandagat, gaya ng mga naval exercises nito sa South China Sea kasama ng mga kaalyadong Australia, Hapon at South Korea.

Kamakailan lamang ay tinampukan ang nasabing mga ehersisyo ng paglitaw sa karagatan ng rehiyon ng nuclear submarine ng Estados Unidos. Kasunod naman ito ng pagsamasama nina Chinese President Xi Jinping, Russian President Vladimir Putin at North Korean Supreme Leader Kim Jong Un sa paggunita sa ika-80 taon ng tagumpay ng China laban sa Hapon noong WWII.

Maliwanag na nagtatapatan ng pwersa ang magkabilang panig. Ang nakahihindik nito ay, sa ganung tapatan hindi makaiiwas ang Pilipinas. Si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang nagpahayag na kung puputok ang digmaang China at Taiwan ayon sa diumano’y plano ng Estados Unidos, hindi maaaring hindi masangkot ang Pilipinas.

Ang ibig lang nating puntuhin dito, sa mga kalagayang panlabas, magulo ang Pilipinas. Maaaring masabak sa labanan anumang oras. Sa kabilang banda, sa mga panloob na kalagayan, sabog na sabog na ang isyu ng korapsyon sa gobyerno. Kinailangan na ni Bongbong na lumikha ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) upang tugunan ang bilyung-bilyong pisong korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng maanomalyang flood control projects.


Ibabaw ito sa marami pang ibang maalingasngas na mga katiwalian sa gobyerno tulad ng paglustay sa confidential funds mismo ng ng Bise Presidente na nagbunga na ng kanyang impeachment, na ibinasura naman ng Korte Suprema dahil sa diumano’y paglabag sa “one-year bar rule.” Kung susuriing mabuti, walang ganung paglabag, sapagkat ang naunang tatlong impeachment complaint na sinasangkalan ng SC ay hindi nakarating sa Justice Committee ng Kamara at samakatuwid ay hindi maituturing na naaksyunan. Tanging ang ikaapat na impeachment complaint, na itinransmit sa Senado, ang dumaan sa wastong proseso.

Walang paglabag sa one-year bar rule. Subalit Korte Suprema na ang naghatol, meron. At sabi ni noon ay Senate President Francis “Chiz” Escudero, dapat sundin ang Korte Suprema. Kaya ayon, unconstitutional daw ang impeachment ni Sara.

Anak ng p…! nagpupuyos sa galit na mura ng bayan. Gusto nilang marinig ang mga ebidensya laban sa bise presidente. Tanggap na nila na lamang sa mga kakamping senador si Sara at kapag nagbotohan ay maabswelto siya.

Ganyan na kasama ang pulitika sa Pilipinas. Pero, okay na. Ibigay nyo na ang boto kay Sara. Marinig na lang namin ang mga ebidensya. Bahala na kami. Pero, eto ka nga’t sasabihin ng Korte Suprema, unconstitutional ang impeachment. Wala nang impeachment trial. Wala nang paghaharap ng mga ebidensya. Sabi ni Escudero, sundin ang Korte Suprema. Archived na ang impeachment. Anyare? Ang hindi alam ng bayan, sa 15 mahistrado ng Korte Suprema, 13 ay mga appointee ni Rodrigo Roa Duterte.

- Advertisement -

Ano pa ang maaasahan mong hatol ng mga yude…… yun kundi: Unconstitutional ang impeachment ng anak ng presidenteng nag-appoint sa kanila. Hanggang sa ngayon, namamayagpag si Sara sa kahambugan na sa bisa lamang ng 13 hudas ay tinalo niya ang boses ng buong sambayanan.

Ginoong Presidente, hanggang kailan pa ito magpapatuloy? Talamak na ang pagbastardo sa lahat ng sulok ng pamahalaan. Hindi lamang ang opisina ng bise presidente ang kinubabaw na ng katiwalian. Pati Kongreso. At ultimong ang Korte Suprema

Kung ganyan na maging ang Kataastaasang Sulingan ng Batas ay kayang-kaya nang baluktutin ng makasariling interes, saan pa kami maghahabol ng hustisya? Sa isang panayam, ang wika mo ay lahat tayo ay nagdurusa sa mga nangyayaring ito. Lahat ay nagtuturuan na lang.

Sa kaso ng tigmak sa anomalyang flood control projects, kitang-kita na ang problema ng korapsyon ay isang kanser na tagos sa buong katawan ng pamahalaan: ng Kongreso at ng Ehekutibo. Hindi magagamot ang isa nang hindi ginagamot ang isa pa. Nasira o hindi natapos ang mga proyekto dahil sa kutsabahan sa kickback ng mga taga-DPWH at mga miyembro ng Kongreso.

Sa kaso ng impeachment ni Bise Presidente Sara, ang kutsabahan ay sa pagitan ng hudikatura at lehislatura. Ano ang ipinakikita nito? Na may malaking kamalian ang sistema ng ating pamamahala. Sinasabing sagrado ang doktrina ng checks and balances sa hanay ng tatlong sangay ng panahalaan: Ehekutibo, Lehislatibo at Hudikatura. Independiyente sa isa’t isa.

Sa impeachment case ni Sara, halatang tinengga ng todo ng Presidente ng Senado ang proseso – na labag sa mandato ng Konstitusyon na ang impeachment trial ay agad na gawin sa sandaling nai-transmit ng Kamara sa Senado ang articles of impeachment. Nang sa kabila ng pagtengga ay may nalabi pa ring panahon upang gawin ang impeachment trial, ano ang ginawa ng Senado? Ibinalik ang articles of impeachment sa Kamara upang pasertipikahan na hindi ito lumalabag sa “one-year bar rule.” Sumagot ba ang Kamara? Ang sumagot ay ang Korte Suprema: labag sa “one-year bar rule” ang articles of impeachment. Unconstitutional ang impeachment ni Sara. Teka, may checks and balances ang tatlong sangay ng gobiyerno. Walang pakialam ang Korte Suprema sa ekslusibong karapatan ng Senado na dinggin ang kaso.

- Advertisement -

Subalit nakialam. At nasunod. Sa kalagayang iyan maaaring tumaob ang buong sistema ng pamahalaan ng Pilipinas. Tandaan ang nangyari kay Erap. Wala siyang ni anomang diskwalipikasyon upang matanggal sa puwesto, subalit nakialam ang Korte Suprema. Sangkalan ang isang piraso ng balita na nagsasabing hindi na kwalipikadong mamahala si Erap, pinasumpa bilang kahalili si Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo. Tanging sa akto ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema, binaliktad ang kagustuhan ng milyun-milyong sambayanan. Napakagulo ng panahon, Ginoong Pangulo.

Walang hinto ang Amerika sa pagpipilit na pakipaggiyerahin ang Pilipinas sa China sa kadahilanang nabanggit sa unahan. At sa pagpipilit na ito, hindi maaaring hindi masangkot ang mga panloob na sigalot tulad ng korapsyon sa gobyerno at impeachment ni Sara.

Sa garapalan nang pag-uusap, ano ang pipigil sa Amerika na batain si Sara imbes na ikaw kung iyun ang magpapagaan sa pagtatamo ng kanyang estratehiyang America’s Pacific Century. Ipinakikita ng karanasan at ng mga kasalukuyang kalagayan na hindi na kailangang sakupin ng banyaga ang buong pamahalaan upang masakop ang buong bansa. Kailangan lang kunin niya ang Korte Suprema at kuha na niya ang buong Pilipinas. Hindi alam ng marami, subalit ang pagkapatalsik noon kay Erap ay dahil sa pagsuway ng presidente sa kagustuhan ng Amerika na huwag salakayin ang Camp Abubakar ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Mismong si Jaime Cardinal Sin ang naghatid kay Erap ng mensahe ni US President Bill Clinton na huwag atakehin ang Camp Abubakar. Nanindigan pa rin si Erap sa soberaniya ng Pilipinas na layong igupo ng MILF, at pinulbos niya ang Camp Abubakar. Dalawang buwan makaraan iyun, bagsak si Erap. Si Duterte ang bukod tanging kumontra sa Amerika at nanatili sa puwesto. E, ano kung pinutang-ina niya si Obama. Presidente pa rin siya hanggang sa pagtatapos ng termino. Palaisipan, di ba? Hanggang mura lang talaga siya. Tungkol sa tunay na mahahalagang bagay, tapat pa rin siya sa Amerika.

Mayroon siyang napakahabang anim na taon upang wakasan ang Mutual Defense Treaty (MDT), Visiting Forces Agreement (VFA), at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) — mga  di-pantay na tratado na nagtatali sa Pilipinas sa pundiyo ng Amerika — pero  hindi niya ginawa. At ang arbitral ruling ng 2016, na ipinangangalandakan ng Amerika na panalo ng Pilipinas laban sa China, ay pinaninindigan niyang bahagi na ng international law. Iyang-iyan ang linya ng Amerika. Tapos sasabihin mo kontra-Amerika ka. Ginoong Presidente, ipinakikita ng karanasan na hindi kailangang salakayin ng isang banyaga ang gobyerno ng Pilipinas upang masakop ang buong bansa. Kailangan lang bihagin ang Korte Suprema at alipinin na ang buong sambayanan.

Uulitin ko, sa 15 kasapi ng Korte Suprema, 13 ang Duterte boys. Sa pagitan ni Bongbong at Sara, pagtatakhan ba kung ang manukin ng Kano ay ang babae? Minsan na nilang ginawa ito, noong 1986 nang ibagsak ang amang Marcos upang iluklok si Cory. Sa Davao City, taal na Coryista si Soledad, ina ng isang Rodrigo, na nahirang na vice mayor bilang gantimpala sa masugid na partisipasyon sa people power, nagtuloy sa pagiging mayor ng siyudad sa maraming magkakasunod na termino hanggang sa magjng pangulo ng bansa noong 2016 – Presidente Rodrigo Roa Duterte.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -