NALUGI ang pamahalaan ng ₱10.3 bilyon at halos 700 kilometro ng farm-to-market roads dahil sa overpricing mula 2023 hanggang 2024, ayon kay Senador Win Gatchalian.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa panukalang 2026 budget ng Department of Agriculture (DA), ibinunyag ni Gatchalian na ang sampung pinakamahal na farm-to-market roads noong 2024 ay umabot sa halagang ₱348,432 kada metro.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, maaaring umabot lamang sa ₱10,000 kada metro ang halaga ng farm-to-market roads. Batay sa pagsusuri ng opisina ni Gatchalian, ang mga Region V, VIII, at III ang may pinakamaraming proyekto na may halagang ₱30,000 pataas kada metro noong fiscal years 2023 at 2024.
“Kung walang kasiguruhan na maayos ang paggawa ng farm-to-market roads sa 2026, tatanggalin na lang namin ang pondo at ililipat sa iba,” babala ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance.
Iminungkahi rin ni Gatchalian ang posibilidad na ilipat ang pagpapatayo ng farm-to-market roads mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) patungo sa DA, ngunit humiling siya ng katiyakan na hindi na mauulit ang overpricing.



