KUNG ang karakter ay ang tao at ang sirkumstansya na kanyang kinahubugan, si Rodrigo Roa Duterte ay ang bunga ng sarili niyang kahambugan.
Sa sukatang ito mauunawaan ang trahedyang sinapit ng sa isang panahon ay pinakamabangis at pinakamakapangyarihang nilalang sa Pilipinas.
Kung ultimong Diyos ay ganun na lang kung murahin, ano ang ipantatapat sa kanya ng maging pinakamalaking oligarko.
Nagawa niyang pagbayarin si Lucio Tan ng bilyong pisong pagkakautang sa BIR, habampanahong naipasara ang ABS-CBN at napatino ang pamamahagi ng serbisyo ng mga water utilities, ilan lamang sa mga halimbawang matutukoy ng kanyang walang awang pamamahala.
Sa usapin ng International Criminal Court (ICC), wala pa rin siyang sinasanto. Sa mga pagdinig ng kongreso, tahasan niyang ipinahayag na kung pupunta rito ang ICC at aarestuhin siya, sisipain niya ang mga ito. Kung bibigyan siya ng pamasahe at siya sa halip ang papuntahin sa Hague, Netherlands, sisipain pa rin niya ang ICC aniya.
Subalit nang sa kabila ng ilang pagtutol siya ay inaresto ni noon ay CIDG Chief Nicolas Torre III at ipalipad papuntang kulungan ng ICC sa Hague, siya ay kagyat na naging maamong tupa. Sa confirmation ng kanyang pagkakilanlan, magalang at napakamalumanay ng kanyang sagot: “Ako si Rodrigo Roa Duterte.”
Naalaala ko. Minsan sa bilyaran ng aking anak, isang kabataan ang nagawang mangupit ng isanlibo mula sa kaha at nang sitahin ito ng anak ko, todo deny ang kumag, ibinubuyangyang pa ang kanyang mga bulsa upang ipakitang wala siyang itinatago. Subalit sumenyas sa anak ko ang isang kabataan din, iminuwestra na ang pera ay sa bibig nakatago.
Huli ang damuho.
Tulad ng iba pang kriminal, biglang bait nang masukol. Pero tulad din ng iba pang kriminal, biglang palag oras na nakatiyempo.
Patawid ang anak ko ng highway, hila-hila ang magnanakaw upang isurender sa barangay nang umigkas ang damuho, kumaripas ng takbo – tuluyang nakawala.
Napakawasto ng desisyon ng pre-trial tribunal ng ICC na tanggihan ang kahilingan ni Duterte ng interim release at indefinite suspension ng pagdinig sa kanyang kaso.
Walang hinto ang pagbabalikwas ng mga Duterte, nanawagan ng pagbibitiw ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Mangyari pa, kung magbitiw si Bongbong, uupo si Sara. Hindi estupido ang Pilipino para hindi ito makita.
Isa muling 1 Trillion Rally ang ipinananawagan ngayong Oktubre at ang pinal na mapagpasya di-umano sa araw ng mga bayani, Nobiyembre 30.
Mapagpasya?
Bababa na si Bongbong?
At uupo si Sara!
Ito ang ultimong pagbabalikwas na mapamumunuan ni Duterte kung napagbigyan ang kanyang kahilingan ng suspension ng pagdinig ng ICC sa kanyang kaso at ng pagkakaloob sa kanya ng interim release.
Subalit halata nga na puro pakitang tao lang ang pagmukhang maamong tupa ng mga Duterte ngayon.
Nakikiusap. Alang-alang man lang sa edad ng mama na otsenta na.
Iginugupo na ng karamdaman.
Sa pagsasalarawan ni Sara, “buto’t balat na lang.”
Ganun ba?
Kadurog puso naman.
Di bale na ang tinatayang 30 libong biktima ng extra judicial killings?
Mas mahalaga ang “human rights” ng matanda na nga, sakitin pa?
Ano kaya, ibwelta natin sa kanya ang minsan niyang ipinahayag nang buong giting na kaya sinalubong ng masigabong palakpakan:
“Yours is human rights. Mine is human lives!”
Hindi na karapatang pantao ang habol ng mga nagdemanda kay Duterte sa ICC kundi hustisya sa libu-libong buhay na kanyang inutas.
Paniwala ng pre-trial tribunal, hindi totoong hindi flight risk si Duterte. Walang garantiya na bagama’t maaring tanggapin nga siya ng isang bansang handang kumupkop sa kanya, ay hindi niya hahangaring bumalik sa Davao – na roon ang kanyang mga alagad ay handang magpakamatay upang ipagtanggol siya.
Sa Davao, wala nang hurisdiksyon ang ICC. Hindi na mahahabol pa si Duterte.
Ang hinihiling na interim release ay naging permanenteng paglaya.
Maaaring kwestyonable ang hakbang na iyon na magtutungo sa garapal na pagbali sa proseso ng hustisya.
Subalit ganyan ang totoong kalakaran. Trabaho ng abogado na hanapin ang lahat ng ligal na paraan upang ipagtanggol ang isang nasasakdal.
Sa kasamaang palad para kay Nicholas Kaufman, defense counsel ni Duterte, diretso ang komposisyon ng pre-trial tribunal. Masusing nag-imbestiga.
Sinuri ng mga huwes ang mga pahayag sa publiko hindi lamang ng amang Duterte kundi maging ng mga anak. At ayon na rin sa pagkalahad ng kanilang hatol, basang-basa na flight risk si Duterte at samakatwid hindi nararapat pagkalooban ng interim release.
Sa ganang pitak na ito, malaking masamang epekto ang ibubunga sa pulitikal na kalagayanng bansa kung napagbigyan ang kahilingan ni Duterte ng interim release.
Subalit ibang usapin na iyun. Sa susunod na kolum na.



