30.1 C
Manila
Linggo, Hunyo 14, 2026

Mga di-tuwirang epekto ng padalang salapi sa bilihan ng stock

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG Pilipinas ang isa sa mga bansang nakatatanggap ng malaking padalang salapi mula sa halos 2.5 milyong OFWs na nagtatrabaho sa iba’t ibang sulok ng mundo.  Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) umabot ang padalang salapi sa halagang $ 38.34 bilyon noong 2024. Ang halagang ito ay katumbas ng halos 8.3% ng Gross Domestic  Product (GDP) ng Pilipinas o kapantay ng ambag ng sektor ng agricultura sa ating pambansang kita noong 2024.

Upang lalo pang matimbang ang lawak at kahalagahan ng padalang salapi na pumapasok sa ating bansa  ihambing natin ito sa iba pang dayuhang pondong tinatanggap ng ating ekonomiya. Ang netong daloy papasok na foreign direct invstments (FDI) sa Pilipinas ay umabot sa $8.93 bilyon o halos 23.3% lamang ng halaga ng padalang salapi noong 2024. Samantala, ang overseas development assistance (ODA) na pumasok sa ating bansa ay umabot sa halagang $39.6 bilyon noong 2024. Kabilang sa ODA ay ang 426 na utang at mga grant na tinanggap ng Pilipinas mula sa iba’t ibang bansa at institusyong pananalapi. Halos 3.3% lamang na mas malaki ang pumasok na ODA sa halaga ng padalang salapi sa nabanggit na taon.

Samakatuwid, napakahalaga ng ating padalang salapi dahil katumbas ito ng pondong ginamit sa mahigit na 400 na proyekto at programa mula mga inutang at donasyong tinatanggap ng bansa noong 2024. Sa laki ng padalang salapi ito ay kumakatawan sa halos 4.3 na beses ng halaga ng mga netong daloy na papasok na FDI sa ating bansa na nagpapalawak sa istak ng kapital at negosyo sa ating bansa.

Bilang karagdagan, kahit na ang netong daloy papasok na FDI sa Pilipinas ay isa sa pinakamababa sa mga ekonomiya sa ASEAN  ang padalang salapi ng Pilipinas noong 2024 ay katumbas ng 2.5 na beses ng netong daloy papasok na FDI sa Malaysia, 1.9 na beses ng netong daloy papasok na FDI sa Vietnam, 3.8 na beses ng netong FDI na tinatanggap ng Thailand, at 1.6 na beses ng netong daloy ng FDI sa Indonesia.

Samakatuwid, malaki ang maiaambag ng padalang salapi sa pagpapalawak sa istak ng capital ng ating bansa na magpapabilis sa paglaking ekonomiko kung gagamitin ito sa pagpapatayo ng mga gusali, imprastruktura at negosyo sa halip na pagkonsumo ng mga pamilyang tumatanggap ng pondong ito.


Ganoon pa man, susuriin ko kung may mga di tuwirang epekto ang padalang ng salapi sa paglago ng bilihan ng mga stock ng mga korporasyon. Ang bilihan ng mga stock ay isang bilihang pananalapi na nagbebenta ng mga stock o sertipiko ng pagmamay-ari ng mga korporasyon. Ang nalilikom na pondo sa pagbebenta ng stock ay ginagamit ng mga korporasyon upang palawakin ang kanilang planta at gamitin ito sa iba’t ibang proyektong nagpapalawak sa produktibong kapasidad ng kompanya.

Madalas, ang mga padalang salapi ay ginagamit sa pagkonsumo at hindi sa pagpapalawak ng kapital.  Subalit, kung ang mataas ng pagkonsumo mula sa padalang salapi ay ginagamit sa pagbili ng mga produktong pinoprodyus ng mga kompanyang nagbebenta ng kanilang stock sa bilihan ng stock maaaring magpataas ito sa benta at tubo ng korporasyon. Dahil sa masiglang performans ng mga korporasyon maaaring tumaas ang demand sa kanilang stock at tumaas din ang mga presyo nito.

Samantala, kapag ang mga padalang salapi ay inilalagak naman sa mga bangko ito ay magpapataas sa dami ng suplay ng salapi o likwiditi sa ekonomiya. Ang dagdag na likwiditi ay maaaring magpababa sa gastos  sa panghihiram ng pondo. Ang magaan na panghihiram ng pondo ay nagbibigay insentibo sa mga mamamayan at negosyante na manghiram at mamili ng mga stock at iba pang yamang pananalapi. Ito ay magpapataas sa demand at presyo ng mga stock.

Isa sa mga epekto ng pagpasok ng pondong padalang salapi ay ang katatagan ng balance of payments (BOP) ng ating ekonomiya at ng ating palitan ng salapi. Ang katatagang ito ay maaaring maging senyal sa mga mamumuhunan sa ibang bansa ng masigla ang ating ekonomiya. Ito makapag-anyaya ng portfolio investment o mga pondong mula sa mga dayuhan upang mamimili sa mga yamang pananalapi sa ating bansa kasama na ang mga stocks ng mga korporasyon.

- Advertisement -

Dahil ang mga padalang salapi ay nagsisilbing panghupa sa pabago bagong pagkonsumo mula sa mga biglaang pangyayari nagiging matatag ang pagkonsumo ng mga pamahayan. Dahil sa katatagan ng pagkonsumo sa harap ng mga biglaang pangyayari may kakayahan ang mga pamahayan na itaas ang kanilang pag-iimpok. Ang dagdag na pag-iimpok ay maaaring magamit sa pagbili ng mga yamang pananalapi kasama na ang mga stocks.

Maraming dahilan kung bakit may mga di tuwirang epekto ang padalang salapi sa bilihan ng stock bunga ng epekto nito sa pagpapagaan ng paghihiram, pagtaas ng pag-iimpok at pagpasok ng dayuhang pondo. Ngunit hindi pa rin sigurado kung ang pondo nililikha ng mga nabanggit na sanhi ay magpapasigla sa bilihan ng stocks dahil maraming kakompetensyang yamang pananalapi ang mga stock kasama na ang mga bond at ang paglalagak ng pondo sa mga bilihan ng salapi.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -