MULING kinilala ang Lungsod ng Muntinlupa sa larangan ng mahusay na pamamahala ng pondo ng bayan matapos itong hiranging Top 8 City sa buong bansa sa Total Current Operating Expenditures (TCOE) per Capita para sa Fiscal Year 2024 ng Department of Finance – Bureau of Local Government Finance (DOF–BLGF).

Personal na tinanggap ni Mayor Ruffy Biazon ang parangal sa ginanap na Local Government Finance Forum ng DOF–BLGF sa SMX Convention Center Aura sa Taguig City.
Ang pagkilalang ito ay patunay ng maayos, masinop, at tapat na pamamahala ng lokal na pamahalaan sa paggamit ng pondo ng bayan. Ang TCOE per Capita ay sumusukat kung gaano kaepektibo at kaaktibo ang paggamit ng isang lungsod ng mga pondo nito sa operasyon at serbisyo para sa bawat residente — isang mahalagang sukatan ng mabuting pamamahala at tamang paggamit ng kaban ng bayan.
“Sa Muntinlupa, bawat pisong pondo ay may direksyon — para sa kapakanan ng mamamayan,” ani Mayor Biazon. Dagdag pa niya, ang disiplina sa paggastos at transparency ay pundasyon ng pamahalaang lungsod, na ginagabayan ng paniniwalang ang bawat piso ng buwis ay dapat may katumbas na benepisyo sa mamamayan.

Bahagi ang parangal ng “Strengthening Local Government Finance” program ng DOF–BLGF na nagbibigay pagkilala sa mga lungsod, bayan, at lalawigan na nangunguna sa mahusay na paggamit at pamamahala ng pondo. Tinataya ng BLGF ang mga LGU batay sa Performance Indicator Areas tulad ng Local Source Revenues, growth rate, ratio ng kita sa operasyon, at Total Current Operating Expenditures per Capita.
Ito ay karagdagang pagkilala sa mga tagumpay ng Muntinlupa sa larangan ng mabuting pamamahala. Ilang taon nang kinikilala ang lungsod sa pamamagitan ng Seal of Good Local Governance (SGLG), Good Financial Housekeeping Award at Urban Exemplar Awards mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) — patunay ng maayos, wasto, at tapat na pag-uulat pinansyal ng lungsod.
Ayon kay Mayor Biazon, ang tagumpay na ito ay direktang nakikita sa mga programang pangkalusugan, edukasyon, at serbisyong panlipunan ng lungsod. “Ang mahusay na paggamit ng pondo ay nagbibigay daan para mas marami tayong mapaglaanan — sa ospital, paaralan, kalsada, at mga programang direktang nakakatulong sa tao.
Ang gantimpalang ito ay paalala na ang mabuting pamamahala ay hindi lang tungkol sa numero, kundi sa pagbuti ng buhay ng bawat Muntinlupeño,” aniya.
“Muling pinatunayan ng Muntinlupa na sa tamang pamumuno at tapat na paglilingkod, nagagamit nang wasto ang pondo ng bayan tungo sa makabuluhang pagbabago para sa mga Muntinlupeño,” dagdag pa ng alkalde.



