MAHIRAP nga bang intindihin at tandaan ang mga terminong panggramatika na binuo ni Lope K. Santos (LKS) sa kanyang Balarila ng Wikang Pambansa? Maraming estudyante ang nagrereklamo na mahirap daw tandaan, unawain, at gamitin ang mga termino o katawagan sa gramatikang Filipino, tulad ng pangngalan, panghalip, pang-uri, pang-abay, pandiwa, patinig, at iba pa.
Ayon sa mga kwento, nang unang matunghayan ng noo’y Pangulo ng Komonwelt na si Manuel L. Quezon ang Balarila ni LKS, nagalit daw si Quezon at sinabing wala siyang naintindihan sa kanyang binasa. Ang isa sa mga dahilan siguro ay ang mga katawagan o termino ng gramatika sa naturang aklat. Para sa isang nasanay sa verbo/verb, nombre/noun, adjetivo/adjective, adverbio/adverb, at iba pang mga terminong panggramatika sa Kastila at Ingles, parang nakakapanibago talaga ang mga bagong salita sa Balarila.
Ngunit ang totoo, ang mga terminong ito ay self-explanatory, o madaling ipaliwanag. Ang mismong mga katawagang ito ay nagpapaliwanag na ng sariling kahulugan, kung susuriin lamang natin bago sabihing “ang hirap naman niyan.” Gumamit si LKS ng mga salitang tumutukoy na sa mismong mga katawagan, at nilapatan ng angkop na mga panlapi.
Mapapansin ang paggamit ni LKS ng mga panlaping PANG- at PA-. Nauna na nating natalakay ang kahulugan ng PA-. Ginagamit ito upang magsaad ng sanhi para magawa ng salitang ugat ang dapat gawin. Samantala, ang PANG- naman ay nagsasaad kung para saan o kung ano ang kinauukulan ng salitang ugat.
Tingnan natin ang PANGNGALAN. Ito ay salitang nagpapakilala ng “tao, bagay, lunan, gawa, o pangyayari.” “Noun” sa Ingles. Iba ito sa PANGALAN o name sa Ingles, na salitang ibinibigay sa isang tao para makilala siyang iba sa ibang tao. Samakatwid, ang PANGNGALAN ay may tungkulin para bigyan ng ngalan ang tao, bagay, at iba pa. Nabuo ang salita mula sa panlaping pang- + ngalan.
Ginamitan din ng panlaping PANG- ang iba pang mga katawagan, dahil ang panlaping ito ay nagsasaad kung para saan o kung ano ang pinaggagamitan ng nabuong salita.
Bakit PANGHALIP? Pronoun sa Ingles. Kasi, ito ang inihahalili o ipinapalit sa pangngalan para hindi na ulit-ulitin pa ang nasabi nang salita. Isipin na lamang kung walang panghalip ang isang wika. Kakailanganing paulit-ulit na bigkasin o isulat ang mga pangngalan. Mula sa pang- + halip.
Bakit naman PANDIWA? Verb sa Ingles. Ayon kay LKS, ang pandiwa ang “pinaka-kalulwa ng isang pangungusap, alalaong baga’y ang nagbibigay-diwa sa isang parirala o isang lipon ng mga salita upang magkadiwa, mabuhay, kumilos, gumanap o pangyarihan ang ano mang bagay.” Mula sa pang- + diwa. Kung gayon, ang pandiwa sa isang pangungusap ang nagsasaad ng diwa at aksyon sa pangungusap. KUMAIN, MATULOG, MAGSULAT – iyan ang halimbawa ng mga pandiwa.
Ang PANG-URI (adjective) (pang-+ uri) naman ay “mga salitang iniuugnay sa mga pangngalan upang maipahayag ang uri, kabagayan, o bilang nitong itinatangi sa iba.” Samakatwid, ang pang-uri ay nagbibigay kung anong uri, anyo, o bilang mayroon ang pangngalang iniuugnay sa pang-uri. Mga halimbawa, MATAMIS na mangga, MAGANDANG dalaga, SAMPUNG daliri.
Ang PANG-ABAY ay “bahagi ng pangungusap na tagapagturing ng mga katangian ng pagganap o pagkaganap na sinasabi ng pandiwa – umabay-abay sa pandiwa.” Kung ang pang-uri ay iniuugnay sa pangngalan, ang pang-abay naman ay sa pandiwa. Ito ang nagsasabi kung paano isinagawa ang aksyon, kung kailan at saan. Nakatulog ka ba NANG MAHIMBING, o PAGISING-GISING? Lumakad NANG MABILIS, kumain NANG MAGANA – ang mga halimbawa.
Ang PANG-UKOL (pang-+ ukol) ang itinatapat sa preposition sa Ingles. Ginagamit ito sa pangungusap “upang matukoy kung saang lunan, o kung sa anong bagay ang mula o tungo, ang kinaroroonan o pinagkakaroonan, ang pinangyarihan o kinauukulan ng isang kilos, gawa, balak, at layon.” Mga halimbawa, HINGGIL SA katatapos na malakihang kilos protesta ang paksa ng talakayan. PARA KINA Chiz ang alokabol na proyekto.
PANGATNIG (pang-+katnig) ang tawag sa salitang “gumagawa at nagsasaad ng kaugnayan ng isang salita sa kapwa salita, o ng isang isipan sa kapwa isipan.” Maaaring ito ay kataga at salita, tulad ng AT, KUNG, MAN, KAYA, DAHIL, NGUNIT, atbp. Maaari ring lipon ng salita’t kataga, gaya ng ALALAONG BAGA, BAKA SAKALI, KAYA NGA, SA HALIP NG, atbp. Samakatwid, pinag-uugnay nito ang mga salita o mga pangungusap. Halimbawa sa pangungusap: Napahiya raw ang mag-asawang Discaya DAHIL hindi pinagbigyan ang hiling nilang maisama sa Witness Protection Program. Dalawang pangungusap ito na pinag-ugnay ng DAHIL.
Ang mga PANTUKOY (pang-+ tukoy) ay “ginagamit sa pangungusap upang tukuyin ang tao, lunan, bagay o pangyayaring binabanggit o ibig ipakilala ng nagsasalita.” Mga halimbawa: SI Rizal, NI Balagtas, SINA Gomez, Burgos at Zamora, ANG aklat ng mga estudyante, atbp.
Pansinin na walang katumbas sa Ingles ang ating mga pantukoy na ginagamit para sa mga pantanging ngalan, tulad ng SI Rizal, o NI Balagtas. Kaya sa pagsasalin (translation) mula Ingles tungo sa Filipino, ang di maingat na tagasalin ay baka makalimot na gumamit ng pantukoy. Halimbawa: Our hero, Jose Rizal – salin: Ang ating bayani, Jose Rizal. Nalimutan ang pantukoy na SI na kailangan sa ating wika, kasi, walang katapat na pantukoy sa orihinal na Ingles. Karaniwan itong pagkakamali ng malilimuting tagasalin.
Patinig at katinig
May mga nagtatanong kung paano nabuo ang dalawang termino: patinig (vowel) at katinig (consonant). Pareho ang salitang ugat ng dalawang salita: TINIG o boses. PA- ang panlapi sa unang termino, KA- sa pangalawa. Ang PA-, gaya ng nasabi na, ay kosatibo, o nagsasaad ng sanhi o dahilan. Ito, kung gayon, ang nagbibigay ng tinig. Ang KA- naman ay nagsasabing KASAMA, kaya ang katinig naman ang kasamang tinig ng patinig. Walang tinig ang mga katinig, nagkakaroon lamang ng tinig kapag may kasama nang PATINIG.
Hindi mahirap intindihin
Kapag naunawaan na natin kung paano nabuo ang mga terminong panggramatika ni LKS, madali na nating matutukoy ang kahulugan ng mga ito. Ginamit kasi ni LKS ang mayamang palalapian ng ating wika at ikinabit ito sa iba’t ibang salitang ugat. Ang nabuo ay mga katawagang madaling maunawaan dahil ang mismong termino ay nagpapaliwanag na kung ano ang kahulugan nito.

