26.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Tuloy po kayo sa Asia stage ng Frankfurter Buchmesse

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

(Ikaapat sa serye tungkol sa Frankfurt Book Fair)

DAHIL pandaigdigang book fair ang Frankfurt Book fair, napakalawak na area ang sinasakop nito. Parang isa itong napakalaking quadrangle kung saan ang mga gusali ay nakapalibot dito. Nakaka-overwhelm. Ganito kadalas ilarawan ang book fair. Hindi kasi kakayaning maikot ito sa loob ng ilang araw. Halos lahat ng bansa sa daigdig ay represented dito. May kanya-kanya silang booth. Dinarayo ang naturang book fair dahil sa nagaganap na trade sa loob nito kung saan may bilihan ng rights ng mga aklat (sa pagitan ng mga publishers na nais ilathala ang aklat sa kani-kanilang bansa). Nandiyan din ang sunod-sunod na meetings ng mga publishers (o sales people nito) na nagnanais makakuha ng magandang deal sa  paglalathala ng mga aklat. May mga kasunduan din sila tungkol sa translation ng kanilang inilathalang aklat sa iba’t ibang wika ng daigdig.

Sa unang araw ng book fair, naging bahagi ng talakayan ang inyong lingkod tungkol sa Young Adult literature kasama ang mga panelista mula sa Germany, Singapore, at Pilipinas

May tatlong itinakdang lugar para sa Pilipinas ang Frankfurt Book Fair. Dahil sa ating pagiging Guest of Honor ngayong taong ito, may nakalaang Philippine Pavilion sa ikaapat na palapag ng isang gusali. May sukat itong 2,000 square meters. Ang disenyo at laman ng naturang pavilion ay naging posible sa tulong nina Stanley Ruiz (designer) at Patrick Flores (curator). Makikita rito ang sari-saring disenyo ng book stands at stage na wari mo’y mga islang nakakalat sa buong pavilion.  Dahil binubuo ang ating bansa ng napakaraming isla, ito ang naging inspirasyon ni Ruiz sa disenyo ng Philippine pavilion. Moderno, classy, at spacious ang mga book stalls na makikita rito. May isang book stall na nakalaan lamang para sa dalawang nobela ni Dr. Jose Rizal. Natokang pavilion manager ang cultural worker at theater artist na si Patricia Marie ‘Tracey’ Santiago. Ayon sa kanya, siniguro raw niyang walang mawawalang aklat sa mga exhibit areas.

Kasama ng kolumnistang ito ang comic book artist na si Manix Abrera at si Usec Fatima Panontongan ng DepEd (na siyang kinatawan ni Sec. Sonny Angara)

Sa ikatlong palapag ng naturang gusali ay nandoon ang malaki-laki ring Philippine National Stand kung saan ang temang ‘The Imagination Peoples the Air’ ay prominenteng makikita. Naglalaman ito ng sample ng aklat mula sa iba’t ibang Philippine publishers. May maliit din itong entablado kung saan may nagaganap na talakayan, pagtatanghal, at booklaunching. Karugtong ng Philippine National Stand ang linya-linya ng mas maliliit na stand ng mga publishers mula sa Pilipinas, komersyal mang publisher, independent, o academic press. Katapat nito ang Asia Stage, ang pangatlong lugar kung saan nagaganap ang mga forum at diskusyon tungkol sa estado ng publishing sa Asya.

Ang Asia Stage ang naging lunan ng mga talakayan patungkol sa mga isyung kinakaharap ng paglalathala sa Asya

At Pinoy ang nasa likod ng naturang Asia Stage! Kapuri-puri ang Rex Education group (sa pangunguna ng may-ari nito na si Atty. Dominador Buhain) sa taon-taon niyang pagtataguyod ng ‘Asia Stage’ sa Frankfurt Book Fair. Sa laki nga naman ng naturang book fair, mahalagang may lugar tayong mga Asyano kung saan higit na mapag-uusapan ang mga bagay-bagay kaugnay ng pagsusulat at paglalathala sa ating rehiyon. Puwede ka kasing malunod o mawala sa lawak ng book fair. Nitong  mga nagdaang taon, laging nakatabi sa Philippine National Stand ang ‘Asia Stage.’ Ayon kay Atty Buhain, halos tatlumpong taon na siyang dumadalo sa book fair na ito kaya napagpasyahan niyang maging sponsor ng Asia Stage upang maitampok dito ang husay ng mga manunulat, ilustrador, at publisher mula sa Asya. Kasama niyang unang nagtaguyod nito ay si Sonia  ‘Breezy’ Santiago, consultant on International Affairs ng Rex Education, na namayapa na noong nakaraang taon.


 

Nang magkaroon ako ng pagkakataong makausap si Atty Buhain, pinasalamatan ko siya sa kanyang proyektong ‘Asia Stage’ na nagiging lunan ng mga talakayan ng mga creatives mula sa rehiyon. Ngayong taong ito, ang marketing executive na si Gwenn Galvez ang namahala sa  mga talakayang ginanap sa Asia Stage.  Sa bawat panel na naganap dito, lagi’t laging may isa o dalawang Pilipinong creatives (awtor, ilustrador, publisher, at iba pang delegado) o moderator na kabahagi sa mga diskusyon; kung saan may mga panelista ring galing sa Singapore, Malaysia, Vietnam, Thailand, Indonesia, Taiwan, at iba pa. Pinag-uusapan sa naturang entablado ang mga trends at isyu sa daigdig ng paglalathala sa Asya. Nandoon ang dalawang anak ni Atty Buhain – sina Don Buhain at Danda Buhain – upang saksihan ang mga nagaganap na aktibidad sa Asia Stage. Aktibo rin sa pamamahala ng Rex Education  ang magkapatid na Buhain.

 

Mapalad ako na naging bahagi ng isang panel, bilang moderator, sa Asia Stage tungkol sa Writing and Book Design for Young Adults and Graphic Novels. Nakasama ko roon ang dalawang Pinoy graphic/comics novelists natin na sina Bambi Eloriaga Amago at Ardie Aquino, ang Singaporean author-publisher na si Felicia Low-Jimenez, at ang German author-illustrator na si Maren Amini.  Nakatutuwang makita ang mga trend pagdating sa paksa at sa klase ng aklat na pangkabataan na inilalathala sa rehiyon. Ikinuwento ni Felicia Low Jimenez na isa sa popular nilang aklat para sa kabataan ay tumatalakay sa paksang ‘eating disorder’ (halimbawa’y anorexia nervosa o bulimia). Naisip kong may kaugnayan kaya ang pagiging masyadong moderno ng Singapore sa isyu ng eating disorder sa mga kabataan? O dahil ba ito sa malawakang epekto ng social media sa pagtingin ng mga kabataan sa katawan (na puwedeng maapektuhan ang sino mang mamamayan ng ano man bansa, maunlad man ito o hindi)?

- Advertisement -

 

May talakayan din sa Asia Stage tungkol sa naging papel ng pagbibigay ng mga book awards sa paglalathala, pagbebenta, at pagtangkilik ng mga mambabasa sa isang aklat. Naging panelista rito ang Palanca awardee at kilalang awtor ng mga speculative fiction na si Dean Francis Alfar. Siya ang kasalukuyang namumuno ngayon ng Manila Critics Circle na naggagawad ng taunang National Book Awards. Binanggit din ng iba pang panelista ang kahalagahan ng mga natatamong pagkilala ng kani-kanilang aklat.

 

Napakarami pang paksang itinampok sa Asia Stage. Namataan ko ang award-winning at prolific author na si Danton Remoto na naging panelista sa Asia Stage. Ayon sa kanya, hustong matapos ang kanyang panel ay agad siyang kinausap at inalok ng book deal ng isang publisher sa Thailand. Nais nitong isalin sa Thai ang LGBT novel niya na ‘Boys’ Love’. Inalok din siya ng iba pang book projects na gagawin niya sa iba pang mga bansa. Si Remoto ay isang media personality na naging host ng teleradyo show na ‘Remoto Control’ sa TV5. Awtor siya ng ilang nobela na inilathala ng Penguin Books-Southeast Asia. Naging kolumnista rin natin siya dito sa Pinoy Peryodiko.

 

Ilan sa mga nakita kong nagsilbing panelista/moderator sa Asia Stage ay ang sumusunod: makatang Merlie Alunan, romance novelist Mina Esguerra, children’s book authors Russell Molina at Mary Ann Ordinario, nobelistang Miguel Syjuco, UP Press publisher Galileo Zafra; UST Press’ Ned Parfan, John Jack Wigley, at Chuckberry Pascual; publisher Andrea Pasion, Ambassador Neil Imperial (Philippine Ambassador to Italy), DLSU’s Genevieve Asenjo, Congressman Rufus Rodriguez ng Cagayan De Oro, OMF Literature Publisher Edgar Trono, fictionist-filmmaker Sarge Lacuesta, at marami pang iba.

- Advertisement -

 

Nais kong pasalamatan si Gwenn Galvez sa kanyang dedikasyon sa pamamahala sa Asia Stage. Talagang nakatutok siya rito. Maghapon halos ang mga talakayang nagaganap dito. Mula sa umaga pagbukas ng book fair at  hanggang sa matapos ito sa hapon, hindi ko kinakitaan ng pagod si Galvez. Sa pagtatapos ng bawat sesyon, kasama ni Galvez si Atty Buhain sa pagbibigay ng sertipiko ng pagkilala sa mga naging panelista at tagapagpadaloy (moderator) ng mga talakayan. Matatandaang si Gwenn Galvez ay ang dating Marketing Manager ng Anvil Publishing na nang magretiro sa Anvil ay pinamahalaan ang marketing ng mga aklat ng FEU Publications. Ngayon nga ay na nasa Rex Education group na si Galvez. Dalawang buwan pa bago ang nakatakdang Frankfurt Book Fair, tinipon na ng Rex Bookstore, sa paanyaya ni Galvez, sa isang dinner ang mga delegadong may gagampanang papel sa Asia Stage.

 

(may karugtong)

 

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -