26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Kung bakit patuloy na inaabangan ng mga Pinoy ang MMFF

- Advertisement -
- Advertisement -

MAY hatid na sigla ang huling linggo ng Disyembre sa ating mga kababayan. Ito kasi ang panahon kung saan may nagaganap na kakaibang pista – ang pista ng mga pelikulang Pilipino o ang Metro Manila Film Festival (MMFF). At ang pagsisimula ng pistang ito ay sadyang isinasabay sa araw ng Pasko. Katunayan, ilang araw bago ang Pasko, nagkakaroon ng parada ng mga artistang nakasakay sa mga floats na nagtatampok sa kani-kanilang pelikulang lahok sa MMFF. Naikuwento minsan sa akin ni Direk Jun Robles Lana, director ng pelikulang kalahok ngayong taon ito (ang ‘Call Me Mother’), na na-starstruck siya nang minsang nasilayan niya ang superstar na si Nora Aunor sa isang parada ng mga bituing kasali sa MMFF noong bata pa siya. Lilipas pa ang maraming taon at isa na si Direk Jun sa mga director na hinahangaan sa taglay na husay sa film directing (at screenplay writing).

Tradisyong nakasanayan nating lahat ang MMFF. Taon-taon itong nangyayari. Taon-taon itong inaabangan. At kahit pa nagbago na ang panahon—may streaming na, may social media, may iba’t ibang paraan ng libangan—nananatiling tinatangkilik ng tao ang MMFF. Patuloy nating inaalam kung ano-anong pelikula ang ipalalabas at maglalaban-laban sa takilya at sa MMFF awards. Ako mismo ay nanood din ng maraming pelikula sa MMFF. At dahil hindi ko kakayaning mapanood lahat ng lahok sa film fest, naging ugali kong abangan ang mga pelikulang nananalo ng awards. Kahit paano, nagsisilbing gabay ito sa mga panonoorin ko. Pero kung may pagkakataon din naman, maganda rin sanang mapanood ang lahat ng lahok. Masusing pinili ng MMFF executive committee ang mga lahok pati na ang genre (dyanra) nito: comedy, romcom, action, historical, horror, at iba pa.

Napansin ko na maraming pamilya ang nagtutungo sa mga sinehan sa loob ng mga pangunahing malls natin para manood. Kumbaga, nagsisilbi itong bonding time ng pamilya. Sakto rin sapagkat medyo mahaba ang panahon ng bakasyon dahil sa Kapaskuhan (at tumanggap din naman ng 13th month pay o Christmas bonus ang marami sa kanila). May mga barkadahan ding doon nag-catch up. May mga magulang na ipararanas sa kani-kanilang anak ang panonood sa big screen. At hindi lang kung anong pelikula kundi pelikulang Pilipino. Sa ganitong mga sandali, nagiging kolektibong karanasan ang panonood sa pinilakang tabing (silver screen).

Ang MMFF ay parang salamin din ng ating panahon. Kapag ang bansa ay sumusuong sa maraming matitinding hamon (korupsiyon gaya ng flood control scandal, mga sakuna’t kalamidad na dinanas), madalas naghahanap ang mga manonood ng pelikulang magpapatawa o magpapagaan sa pakiramdam. At marahil ito ang isa sa pinakamahalagang silbi ng MMFF: nagbibigay ito ng aliw at espasyo sa panahong kailangangang-kailangan natin.

Ngayong 2025, may walong pelikulang napili bilang opisyal na lahok sa MMFF: mula sa comedy-drama na Call Me Mother hanggang sa horror anthology na Shake, Rattle & Roll: Evil Origins; mula sa crime thriller na Finest hanggang sa mga personal na kwentong love, identity, at relasyon sa I’mPerfect, Love You So Bad, at UnMarry; at pati ang rueful, reflective Bar Boys: After School at family drama na Rekonek.


Ang lineup na ito ay kumakatawan sa iba’t ibang genre, kabilang ang drama, comedy, romance, action, at horror. Isa itong hakbang ng MMFF Executive Committee upang mag-alay ng sari-saring klase ng pelikulang maaaring panoorin ng iba’t ibang sektor ng manonood—pamilya, bata, kabataan, at adults.

Noong mga nagdaang taon, naging blockbuster sa takilya ang MMFF movies na Firefly, Green Bones, Gomburza, Rewind, Jose Rizal, Muro Ami, And the Breadwinner is, Tanging Yaman, Himala, Ang Panday, Ang Tanging Ina, Enteng Kabisote. Napakahaba na ng listahan. Naging lunsaran din ang MMFF ng pag-angat ng career ng maraming artista at director.

Isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na sinusubaybayan ang MMFF ay ang epekto nito sa lokal na film industry. Para sa maraming production companies at filmmakers, ang MMFF window ay isang mahalagang pagkakataon upang maipakita ang kanilang trabaho sa mas malawak na audience (na hindi kasabay ang pagpapalabas ng mga foreign films). Ito rin ay ang panahon kung saan marami ang dumadayo sa mga sinehan upang manood. Pansamantalang napupuno ang mga sinehang madalas ay walang laman.

Sa kabila ng mga diskusyon at kritisismo na naririnig taun-taon—tungkol sa genre selection, commercial appeal, o artistic direction—nanatili ang MMFF bilang pangunahing platform para sa pelikulang Pilipino sa tuwing magtatapos ang taon.

- Advertisement -

Mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa MMFF. Bago ang screening ng bawat pelikulang lahok, tinitiyak ng MTRCB na naayon ang mga ito sa tamang rating, tulad ng G, PG, o R-13/R-16/R-18, at sumusuri sa content para sa mga manonood. Pinapangalagaan nito ang karapatan ng publiko na makapanood nang maayos, kasama ang proteksyon para sa mga menor de edad. Sa ganitong paraan, nagiging mas sistematiko ang pagpapalabas ng pelikula at naaabot ang tamang audience para sa bawat genre.

Ang Metro Manila Film Festival (MMFF) ay isa sa mga pinakamatagal at pinakakilalang taunang festival sa industriya ng pelikula sa Pilipinas. Halos limang dekada na! Itinatag noong 1975, ang MMFF ay ginaganap tuwing huling linggo ng Disyembre hanggang unang bahagi ng Enero, kung kailan eksklusibong ipinalalabas sa mga sinehan ang mga pelikulang Pilipino na kasali sa festival. Sa ganitong panahon, lahat ng foreign films ay pansamantalang itinitigil ang pagpapalabas upang bigyang-daan ang ani ng ating lokal na film industry. Sadyang mahirap makipagbuno ang mga pelikulang Pilipino sa mga foreign films gaya ng Avatar at Wicked.

Bahagi ng alaala ng ating Kapaskuhan ang Metro Manila Film Festival.
Tara na sa mga sinehan!

END

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -