26.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Lacson: Senate Ethics Committee lang ang maaaring magpasimula ng parusa vs Sen dela Rosa

- Advertisement -
- Advertisement -

 

 

TANGING ang Senate Committee on Ethics and Privileges lamang ang maaaring magpasimula ng nararapat na parusa laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa — kabilang ang posibleng pagpapatalsik — dahil sa matagal nitong pagliban, diin ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping”  Lacson ngayong Huwebes.

Diin ni Lacson, kung walang reklamong inihain sa ethics committee at walang rekomendasyon ang komite na ihaharap sa plenaryo para pagtibayin, walang batayan ang pamunuan ng Senado upang magpataw ng anumang parusa kay dela Rosa.

“Ang pag-sanction ng senador or congressman, ang pwede lang magrekomenda niyan ang Ethics Committee. So in the absence of any complaint na nai-file sa ethics committee na ka-constitute lang, walang basehan ang Senate President o liderato ng Senado para lapatan siya ng maski anong sanction o parusa. Kasama doon ang posibleng huwag paswelduhin sa panahon na hindi siya nagre-report,” aniya sa panayam sa DZMM.

Dagdag niya, naghihintay ang Ethics Committee na pinamumunuan ni Sen. JV Ejercito ng pormal na reklamo upang makakilos, at inaasahang magkakaroon ito ng organizational meeting sa susunod na linggo.

Ani Lacson, ipinahiwatig ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na maaari itong maghain ng reklamo sa Mayo, anim na buwan mula nang tumigil si dela Rosa sa pagdalo sa mga sesyon.

Nang tanungin kung maaaring maging batayan ng pagpapatalsik sa Senado ang matagal na pagliban ni dela Rosa, sinabi ni Lacson na nakasalalay ito sa interpretasyon ng ethics committee.

“Nasa sa ethics committee na yan kung paano interpretation nila kasi kailangan serious offense bago umabot sa pagtanggal o pagsuspinde. At 2/3 ang kailangan na boto sa buong plenaryo,” aniya.

Gayunman, binigyang-diin ni Lacson na patuloy na gumagana ang tanggapan ni dela Rosa at patuloy itong nakapaghahain ng mga panukalang batas at resolusyon.

“Patuloy na nagfa-function ang office. And in case it comes to that, magkaroon ng decision sa plenary based on the recommendation na huwag paswelduhin, malamang sa hindi, di namin idadamay ang kanyang staff. Tutuloy ang sweldo ng staff, after all under sila sa opisina para magtrabaho,” aniya.

Samantala, sinabi ni Lacson na wala pa siyang direktang komunikasyon kay dela Rosa. Aniya, kinausap niya si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go upang maiparating sa asawa ni dela Rosa ang kanyang pangungumusta.

“Nagkausap na kami ni Sen. Go. Tinanong ko sa kanya kumusta na Sen. Bato, meron ba kayong communication? Wala, hindi sumasagot sa kanya, so nire-relay na lang niya ang kanyang pangungumusta sa misis ni Sen. Bato. Ako nagpasabi na rin ako pakisabi na rin pakikumusta mo na lang ako,” aniya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -