NANINIWALA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na maaaring may mga pulitiko at kawani ng gobyerno ang tumatayong financiers o backers ng malakihang agricultural smuggling sa bansa.
Sa isang panayam noong Huwebes, Pebrero 12, ikinalungkot ng senador at chair ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform ang paggamit sa mga ordinaryong Pilipino para maging sangkalan o kasangkapan sa agricultural smuggling sa bansa.
“Yun ang sinabi ko at katanungan ko, kasi sino ba naman ang makakapag import ng bilyon-bilyon, ‘di ba? Yung mga financier,” saad niya pagkatapos ibahagi na ang isang jeepney driver na nagngangalang Warren Lumbang ay tumatayong corporate secretary ng isang kumpanya na nagpasok ng P7 bilyong halaga ng bigas.
Ang asawa niyang si Raizza Lumbang na walang trabaho at dati ay isang factory worker ay nakapangalan din sa mga dokyumento ng kumpanya.
“I compared it sa flood control. Mayroong kasabwat na sa gobyerno, mayroong financier na mga contractor, diba private sector, mayroong — posible — mga politiko o mga matataas na opisyal ng gobyerno,” sabi ni Pangilinan.
Pinangunahan muli ng senador ang pagdinig ukol sa agricultural smuggling noong Martes, Pebrero 10. Sa mga nakaraan na pagdinig, napagtanto rin ng senador kung paano ginawang isang dummy owner ng isang import company ang isang FoodPanda rider.
Sa kanyang layunin na wakasan ang agricultural smuggling sa bansa, napagalamanan ni Pangilinan ang ilang mga importers na gumagamit ng dummy accounts para makatakas sa batas hindi lamang dahil sa kanilang pag-angkat ng smuggled na agricultural products, kundi ng mga produktong hindi angkop sa pagkain ng tao.
Ikinalulungkot rin ng senador na wala pa rin naaaresto o nakukulonsa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, kung saan ang iligal na pag-angkat ng higit P10 million na agricultural products ay non-bailable.
“At under the Anti-Economic Sabotage Law, ang pagbubuo ng mga dummy corporation, para mag import at abusuhin, ang proseso ng pag-iimport ng agri products ay non-bailable offense of economic sabotage,” sabi niya.
Ipinangako ni Pangilinan na madami pang mga hearings ang kanyang gagawin para mapagtanto ang katotohanan tungkol sa mga kumpanyang ito at ukol sa agricultural smuggling sa bansa.
Siya rin ay umaasa na ang mga indibidwal na nasasangkot sa agricultural smuggling ay kalaunang tatayo bilang state witnesses para kanilang matukoy kung sino ang mga financiers sa likod ng mga iligal na aktibidades na ito.



