30.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 19, 2026

Pagbisita ni PBBM sa balwarte ni Naga Mayor Leni dahil sa serbisyo publiko

- Advertisement -
- Advertisement -

“Serbisyo muna bago politika.”

Ito ang idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Sabado, Pebrero 21, 2026, at binibigyang-diin na ang kanyang pagbisita sa Naga City ay nakatuon sa pampublikong serbisyo at pagtugon sa mga agarang suliranin ng lungsod, at hindi sa politika.

Mga larawan mula sa website ng Presidential Communications Office

Dumating si Pangulong Marcos sa Naga City upang inspeksyunin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Oplan Kontra Baha, na inilunsad sa lungsod para isagawa ang malawakang paglilinis ng mga daluyan ng tubig. Binisita rin niya ang iba pang mga proyekto sa Naga.

Sinalubong ang Pangulo nina Naga City Mayor Maria Leonor “Leni” Robredo, DPWH Secretary Vince Dizon, at iba pang lokal na opisyal.

“Hindi namin pinag-uusapan ‘yun. Alam mo, I think the mayor (Robredo) will agree with me na ano, serbisyo muna bago politika,” ani Pangulong Marcos nang tanungin sa isang panayam tungkol sa posibleng alyansa sa politika para sa pambansang halalan noong 2028.

“The most political thing that we did today, I wore my pink socks. My pink socks in honor of Mayor Leni,” dagdag ng Pangulo.

Una rito, tinanong din ng media si Mayor Robredo kung saan ay sinabi nito na ang pagbisita ng Pangulo ay naka-iskedyul na ilang buwan na ang nakalipas at wala pa siyang isang taon bilang alkade ng Naga City. “Marami pa kaming gagawin,” diin pa niya.

Sinabi ni Pangulong Marcos na hindi siya makikipag-usap sa politika sa pagbisita, at binigyang-diin na ang kanyang layunin sa Naga City ay maghanap ng solusyon sa problema ng pagbaha sa lungsod, na inilarawan niya bilang isang “napakahalagang isyu” na nakakaapekto hindi lamang sa Naga City kundi pati na rin sa Camarines Sur at buong Bicol Region.

“That’s what we are concentrating on,” ani Pangulo, binibigyang-diin ang kahandaan ng pambansang pamahalaan na tulungan ang mga lokal na pamahalaan kapag kinakailangan.

“Kung sino ang nangangailangan ng tulong, the national government is here to help. I came from local government kaya I have great sympathy for the situations of local government,” dagdag niya.

Dagdag ng Pangulo, “Kaya, whoever comes to us for help, we will do what we can to help. This is not an increase, not a decrease. It’s not political. It’s only because it depends on the need, and that’s why we are here today.”

Oplan Kontra Baha sa Naga

Nagsimula ang Oplan Kontra Baha (OKB) operations sa Naga City noong Pebrero 18, 2026, at inaasahang matatapos sa Hulyo 31, 2026. Saklaw ng proyekto ang 29 ilog at sapa at dalawang lawa, na may kabuuang dami ng tubig na 26,621,370.51 cubic meters.

Pagdating sa Naga City, unang binisita ng Pangulo ang Jesse M. Robredo Coliseum bago nagtungo sa Sagop Creek sa Barangay Triangulo upang personal na inspeksyunin ang mga isinasagawang dredging, paglilinis ng basura, at clearing operations sa lugar.

Kasama ni Pangulong Marcos sa inspeksyon si Naga City Mayor Robredo, Sec. Dizon at mga opisyal ng local government.

Sa panayam sa media, sinabi ng Pangulo na bahagi ang mga dredging at cleanup activities ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na resolbahin ang paulit-ulit na pagbaha sa mga lugar sa paligid ng Bicol River Basin.

“These are the beginnings of the perennial na flood problem here in Naga and in the rest actually along the Bicol River. Alam naman natin ito’y ang basin. Maraming mga construction, hindi lamang ‘yung private sector construction kundi ang pagpagawa nito ng mga ibat-ibang — ‘yung linipat ang dinaanan ng tubig kaya naging mas grabe,” ani Pangulong Marcos.

Binanggit din ng Pangulo ang matinding siltation o naipong putik na lubhang nagpababaw sa ilog at nagpapababa sa kapasidad nitong magdala ng tubig, dahilan ng madalas na pagbaha sa lugar.

Ayon kay Pangulong Marcos, base sa sinabi ni Mayor Robredo, may mga lugar na dati ay hindi binabaha ngunit ngayon ay naaapektuhan na, dulot ng mga pagbabagong pangkapaligiran at mas pinalalang epekto ng climate change.

Binigyang-diin ng Pangulo na determinado ang pamahalaan na tugunan ang problema sa pagbaha sa lungsod, bagama’t inamin niyang mangangailangan ito ng komprehensibo at pangmatagalang solusyon.

“Malaking trabaho ito. It will take time but marami na tayong mga intervention na puwedeng gawin…This is only the beginning,” aniya.

Matapos ang Sagop Creek, nagtungo rin ang Pangulo sa Sitio Magaya-gaya Creek sa Barangay Concepcion Pequeña upang inspeksyunin ang isinasagawang dredging at clearing operations sa lugar.

Kasama rin sa proyekto ang paglilinis at clearing ng drainage system ng lungsod na may habang 250.51 kilometro, kung saan tinatayang 75,152.19 cubic meters ng sediment ang aalisin.

Upang suportahan ang mga operasyong ito, nag-deploy ang DPWH at ang lokal na pamahalaan ng 27 dredging units, 30 dump trucks, at 1,525 personnel na may kumpletong protective gear.

Paglilinis ng mga waterway

Ipinahayag ng Pangulo ang pangangailangan ng agarang paglilinis ng mga waterways sa Naga City dahil sa patuloy na paglala ng mga matitinding bagyo sa rehiyon.

Sa isang panayam sa media, sinabi ni Pangulong Marcos na matagal na ring pinaplano ng kanyang administrasyon ang inspeksyon sa Oplan Kontra Baha (OKB) sa Naga City.

“Because talagang naging critical ito eh, especially with the storms that came in. We know that Bicol is always the pathway of the storms. The immediate problem that we saw…is ‘yung bigat ng bagsak ng ulan. Dati hindi naman ganoon karami,” ani Pangulong Marcos.

Binanggit ng Pangulo na umabot sa humigit-kumulang 700 centimeters ang naitalang ulan sa loob ng isang araw sa Naga City. Ito ay mas mataas pa kumpara sa mga naitalang antas noong mga nakaraang malalakas na bagyo tulad ng Ondoy at Yolanda.

Ipinakita ng pagbisita ni Pangulong Marcos sa Sagop Creek sa Barangay Triangulo ang pangako ng gobyerno sa pangmatagalang pagpigil sa pagbaha at pagpapalakas ng kakayahan sa sakuna, hindi lamang sa Bicol Region kundi sa buong bansa. Binisita rin ng Pangulo ang Sitio Magaya-gaya Creek sa Barangay Concepcion Pequeña bilang bahagi ng inspeksyon ng OKB.

Mainit na tinanggap ng mga lokal na opisyal at residente ang pangako ng Pangulo sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig sa Naga City.

Sa isang panayam sa Presidential News Desk, binigyang-diin ni Alvin Caquilala, Engineer II ng DPWH Equipment Management Division Region 5, ang benepisyo ng paglilinis, at sinabi na matagal nang hindi napapanatili ang Sagop Creek, na nagdulot ng paulit-ulit na pagbaha, lalo na noong Typhoon Kristine noong 2024.

“Matagal na hindi dinadaanan ng tubig kasi sobrang barado na. Ang naging problema niya lalo na noong Typhoon Kristine, malaki ang naging epekto matagal pong mag-subside ‘yung baha at talagang mataas po ‘yung level ng tubig. Weeks before nag-subside ang tubig,” ani Caquilala.

Pag-aayos ng Jesse M. Robredo Coliseum, suportado ni PBBM

Pinangunahan din ni Pangulong Marcos Jr. nitong Sabado ang inspeksyon sa Jesse M. Robredo Coliseum (JMRC), bilang pagpapakita ng kanyang suporta sa renovation at retrofitting ng mahalagang pasilidad sa Naga City.

Kasabay ng inspeksyon sa patuloy na operasyon ng Oplan Kontra Baha sa lugar, tiningnan din ng Pangulo ang coliseum kung saan ay sinamahan siya nina Naga City Mayor Leni at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Si Mayor Robredo ay biyuda ng yumaong dating Mayor ng Naga City na si Jesse M. Robredo, na siyang pinangalanan sa coliseum.

Sa mismong pagbisita, pormal na ipinasa ni Pangulong Marcos ang Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng P500 milyon upang pondohan ang retrofitting at modernisasyon ng coliseum.

Kabilang dito and ang pag-install ng community kitchen na kayang maghain ng pagkain sa libu-libong tao tuwing may sakuna, pagpapahusay sa mga pasilidad sa kalinisan, upgrades sa sistema ng bubong, at pagpapalakas ng estruktura.

Saklaw din ng pondo ang pagpapahusay ng drainage system upang maiwasan ang pagbaha at ang pagtatayo ng mga dedikadong medical response areas para sa agarang pangangailangan.

Layunin ng inisyatibong ito na palakasin ang kakayahan ng lokal na pamahalaan na magplano at mabilis na tumugon sa panahon ng kalamidad at iba pang krisis.

Itinayo noong 2010 sa termino ng dating Kalihim ng Department of the Interior and Local Government, ang coliseum—na kilala rin bilang “Big Dome of the South”—ay kayang mag-accommodate ng 12,000 nakaupo at hanggang 15,000 para sa standing-room events. Regular itong ginagamit para sa mga basketball games, konsyerto, school tournaments, at pangunahing pagtitipon pangkultura sa rehiyon.

Sa paglipas ng mga taon, nagsilbi ang JMRC bilang mahalagang evacuation at relief center na nakatiis sa malalakas na bagyo, kabilang ang Super Typhoon Rolly at Typhoon Kristine, pati na rin sa ilang lindol, nang hindi nagkakaroon ng malaking pinsala sa estruktura. Pinagsama-samang ulat ng Presidential News Desk

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -