SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Martes na naglaan ang gobyerno ng halos P300 bilyon ngayong taon upang suportahan ang buong sektor ng agrikultura, kabilang ang higit ng PhP63 bilyon na nakalaan partikular para sa mga proyekto ng irigasyon.

“Upang ipagpatuloy ang mga magagandang nasimulan at maisakatuparan ang mga nakalatag na plano, naglaan tayo ng higit sa P63.246 bilyon para sa mga programang pang-irigasyon,” ani Pangulong Marcos sa kanyang pagdalo sa 2026 NIA-NCIA General Assembly at Inspeksyon ng NIA Command Center sa Quezon City.
“Inaasahan natin na ang pondong ito ay makakatulong sa rehabilitasyon ng mga lumang pasilidad, pagsasa-ayos ng mga sirang kanal at irrigation system, at pagpapa-lawak ng mga lugar na maaaring mabigyan ng serbisyo ng irigasyon,” dagdag pa ng Pangulo.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang P300 bilyong pondo para sa agrikultura ay gagamitin para sa pagbili ng mga binhi, pagtatayo ng farm-to-market roads, konstruksyon ng post-harvest facilities, pagbili ng cold-storage facilities at pataba, pati na rin sa iba pang programa para sa kapakinabangan ng mga magsasaka.
Binanggit ng Pangulo na maraming hamon ang kinahaharap ng sektor ng agrikultura, kabilang ang pagbabago ng klima, pagtaas ng gastos sa produksyon, at mga suliraning dulot ng kalamidad.
Ipinaabot ni Pangulong Marcos na patuloy na nahaharap ang sektor ng agrikultura sa maraming hamon, kabilang ang pagbabago ng klima, pagtaas ng gastos sa produksyon, at ang paulit-ulit na epekto ng mga bagyo at tagtuyot na nararanasan ng bansa bawat taon.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Pangulong Marcos na tuwing kulang ang suplay ng tubig o nasisira ang mga sistema ng irigasyon, naaantala ang pagtatanim, na nagreresulta sa mas mababang ani at mas kaunting kita para sa mga magsasaka, at idinagdag niya na tinatayang 30 porsyento ng irigable na lupain ng bansa ay hindi pa nabibigyan ng irigasyon.
“Iyan ang dahilan kung bakit malinaw ang mga prayoridad ng administrasyon: palakasin ang produksyon ng pagkain, itaguyod ang kapakanan ng bawat magsasaka, at palawakin pa ang irigasyon sa bansa,” ani Pangulo.
Binanggit ni Pangulong Marcos ang Talavera River Super Diversion Canal Siphon sa Nueva Ecija, kung saan pansamantalang itinigil ng gobyerno ang paghahatid ng irigasyon noong Disyembre 2025 upang isagawa ang rehabilitasyon na orihinal na nakatakdang matapos sa Marso 1 ngayong taon; gayunpaman, natapos ang proyekto nang mas maaga, sa Pebrero 1, halos isang buwan bago ang itinakdang petsa.
Binigyang-diin ng Pangulo na kapag kinakailangan, hindi pinapaliban ng gobyerno ang paghahatid ng serbisyo, at idinagdag na kabilang sa mga ipinatutupad na pagpapabuti ang paggawa ng biofertilizer sa pamamagitan ng kolaborasyon ng University of the Philippines at Agrispecialist, Inc.
Ayon kay Pangulong Marcos, malaki ang maitutulong nito sa pagpapataas ng ani sa agrikultura. | PND



