(Unang bahagi)
KAY raming bawal kong narinig mula sa aking Inang Trining, ang lola ko sa maternal side, kapag sumasapit ang Semana Santa. Lahat ito’y mga paniniwalang kinalakhan din niya. Si Inang Trining ay ipinanganak sa bayan ng Aliaga sa Nueva Ecija at nanirahan kalaunan sa bayan ng Talavera nang mapangasawa ng aking Tatang Uweng. Gaya ng karaniwang sambahayang Pilipino, lumaki kaming kasa-kasama sa bahay ang aking lolo’t lola. Maraming gawi, paniniwala, tradisyon, at pamahiin ang nailipat nila sa amin. Gaya ng mga pamahiing nakaangkla sa pagdaraos ng “Mahal na Araw” “‘Kuwaresma.”
Una rito ay bawal daw maligo kapag Biyernes Santo lalo na pagtuntong ng alas-tres ng hapon. Ito’y dahil may ‘dugo’ raw na nakahalo sa ipaliligong tubig (o nagiging dugo raw ang tubig dahil ito ang oras ng kamatayan ni Kristo). Natatandaan ko pa na kung ilang ulit naming tiningnang magkakapatid ang lamang tubig ng timba sa aming toilet kung nagkulay-pula ito nang sumapit ang alas-tres ng hapon. Sinipat ko rin noon kung may lumalabas na dugo mula sa dutsa ng aming shower nang magtangka akong maligo. Kay init ng panahon tuwing Semana Santa pero bawal maligo?
Bawal din daw kumain ng ulam na karne sa buong isang linggo (kaya madalas ay iba’t ibang gulay o monggo at isda ang nakahain sa hapag). Isa raw itong paraan ng pagsasakripisyo. Masarap na pagkain ang karne kaya’t dapat daw ipagkait itong pansamantala sa katawan bilang pakikiisa sa sakripisyo ni Hesus. Bawal din daw umakyat ng puno o maglaro ng mga larong puwedeng masugatan. Matagal daw kasing gagaling ang sugat kapag nasugatan sa ganitong panahon. Ano kaya ang kaugnayan ng pagkamatay ni Hesus sa inaasahang pagkukumpol-kumpol ng ‘platelets’ kapag nasugatan upang mapaampat ang pagdurugo?
Heto pa. Bawal din daw na humawak ng mga bagay na matatalim o matutulis sapagkat malaki ang posibilidad na masugatan (at muli, matatagalang gumaling kung sa ganitong panahon magkakasugat!). Hindi rin puwedeng masyadong magsaya, mag-ingay, o magtawanan nang malakas (kasi’y ipapako na raw si Kristo sa krus). Narinig ko rin sa mga kuwentuhan na mas malakas ang hatak ng masasamang espiritu, gaya ng mga ‘aswang’ at ‘manananggal’, lalo na kapag Biyernes Santo, dahil ‘patay raw ang Diyos.’ Doon daw nagkakaroon ng silbi ang nabendisyunang palaspas na ginamit sa simbahan noong ‘Linggo ng Palaspas.’ Inilalagay nila ito sa mga pintuan ng bahay upang maitaboy ang masasamang espiritu!
Para sa isang bata, masasabing KJ (o killjoy) ang dating ng mga ganitong paniniwala. Mabuti kung para lamang ito sa mga adults na miyembro ng pamilya. Pero damay rito ang mga bata na wala namang ibang gustong gawin kundi maglaro nang maglaro kapag walang pasok. At walang pasok ang Huwebes Santo at Biyernes Santo! Hindi pa uso noon ang mga digital gadgets at mga social media platforms gaya ng YouTube, Facebook, Instagram, at Netflix. Madalas na outdoor activities ang ginagawa namin noon kapag nasa bahay. Kaya ang ganitong pagbabawal sa amin, bagama’t sinusunod naman namin, ay may kaakibat na nag-aalsang mga damdamin sa loob. Bakit kasi kailangang mamatay ni Hesus taon-taon?

Sa halip, ito ang paalala sa aming magkakapatid. Makinig daw kaming mabuti sa ‘Pabasa’, ang nakaugaliang pagbasang paawit ng Pasyon ni Hesus. Ito naman daw ang layon kung bakit nagsasakripisyong kumanta ng Pasyon ang ilang church members na may magandang tinig (at malakas ang loob!). May pattern ang nasabing pagbasang paawit ng Pasyon. Hindi ito basta binibigkas lang na parang patula.
Sinubukan ko rin namang makinig sa ‘Pabasa’, gaya ng paalala ni Lola Trining, pero mas mahaba pa ang naririnig kong ‘nahahahay-nahahahay-nahahahay’ sa dulo ng bawat saknong ng binasang teksto. Hindi magtatagal at aantukin na rin ako, pati na ang aking mga kapatid, sa pakikinig. Para kasing idinuduyan ka ng mga umaawit/bumabasa ng pasyon. Hindi man dapat, parang nagiging hele o lullaby ang awit sa Pasyon.
Hindi ko rin masubaybayang maigi ang kuwentong inilalahad ng Pasyon: ang detalyadong pangyayari sa buhay at kamatayan ni Hesukristo. Kung may tinapos kang gawain o kaya’y nakatulog ka sa hapon dahil nag-siesta (at lagi naman tayong pinatutulog tuwing hapon ng ating mga magulang), lumundag na ang kuwento. Hindi mo na napakinggan ang ilang mahahalagang eksena sa ‘Pabasa.’ Mabuti na lamang at may ideya kami kung ano ang nakatakdang mangyari kay Hesus doon sa kuwento ng Pasyon: ang nakatadhanang Resureksiyon matapos ang kamatayan sa Krus!
Pero kung may bentaheng dulot ang pakikinig sa pagbasa ng Pasyon, ito’y kung paanong naglalaro sa imahinasyon ang mga eksenang binabanggit habang inaawit ito ng mga nakatatandang miyembro ng simbahan. Maituturing itong isang anyo ng ‘oral storytelling’ na kapag inawit ang mga linya’t saknong ay may nabubuong imahen sa isip. Maihahalintulad ito sa pakikinig sa radyo na kung saan ay iniimadyin ng tagapakinig ang binabanggit sa dula. Nade-develop nito sa mga bata’t kabataan ang pagkamalikhain at ang praktis ng masusing pakikinig.
Ang Pasyon ay isang epikong Pilipino na tumatalakay sa buhay ni Hesukristo na may tuon sa kanyang paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay. Gaya nang nabanggit ko, ang inaawit na mga linya sa Pasyon ay may padron: ang isang saknong (stanza )ay binubuo ng limang linya; at bawat linya naman ay may walong pantig (syllables) . Bilang na bilang ito. ‘Epic poetry’ kung tawagin. Ang umakda ng aklat na ‘Pasiong Mahal’ ay si Gaspar Aquino de Belen noong 1704; nakasulat ito sa wikang Tagalog. Noong taong 2011, ang ‘Pabasa’ (ng Pasyon) ay inihilera ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) bilang isa sa ‘Intangible Cultural Heritage of the Philippines’ sa ilalim ng kategoryang ‘Performing Arts.’ Sa hinaharap, umaasa tayong ang tradisyong ‘Pabasa’ nating mga Pilipino ay mapapasama sa UNESCO Intangible Cultural Heritage Lists.
(May karugtong)

