29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Wika, kultura, at sining sa gitna ng krisis

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

NGAYONG nasa gitna tayo ng krisis dahil sa giyerang US-Israel laban sa Iran, may puwang pa ba ang ibang mga gawain o concern? Mahalaga pa bang harapin ang ibang mga problema, tulad ng impeachment, flood control scandal, maanomalyang kontribusyon sa eleksyon, at iba pang mabibigat na usapin? importante pa bang pag-usapan sa panahong ito ng taghirap ang mga paksa, na sa mga karaniwang panahon ay ayaw naman nating harapin, tulad ng wikang sarili, kultura at sining?

Ang sagot ay OO. Importanteng lahat ang mga nabanggit. Dapat nating haraping sabay-sabay ang mga ito. Tulad ng krisis na epekto ng giyera, dapat nating harapin ang mga paksang ito dahil mabigat din ang epekto nito sa buhay natin bilang mga mamamayan ng ating bansa.

Ibig kong sipiin dito ang mga puntos na inilatag ni Dr. David Michael M. San Juan sa kanyang pananalita nang tanggapin ang mabigat na tungkulin ng pagiging isa sa mga Komisyoner ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, mas kilalang National Commission for Culture and the Arts o NCCA (hindi po NCAA, na malimit pa ring ipagkamali kahit ng mga taong may mataas na pinag-aralan. Patunay na naisasantabi lamang ang kultura sa ating bansa).

Ang NCCA ay binubuo ng 22 pambansang komite, na ang mga myembro ay mga boluntaryong manggagawang pangkultura; ibig sabihin, hindi full time, walang sweldo at tumatanggap lamang ng honorarium at pang-Grab kapag nagmimiting apat na beses sa isang taon. Ang 22 komite naman ay nahahati sa ilang subkomisyon na bawat isa ay pinamumunuan ng isang komisyoner. Ang iba pang mga komisyoner ay mga kinatawang ex-officio ng kani-kanilang ahensyang pangkultura, tulad ng Komisyon sa Wikang Filipino, Pambansang Aklatan, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan, Pambansang Museo at Archives. Nagbibigay ang NCCA ng mga grant sa mga indibidwal at institusyon na nagsasagawa ng iba’t ibang proyektong pangkultura upang maipreserba, mapalaganap, at mapayaman ang ating katutubong kultura.

Si Dr. San Juan ang puno ng Pambansang Komite sa Wika at Salin (mas kilalang National Committee on Language and Tranlation o NCLT, isa sa tatlong komite na bumubuo sa Subcommission on Cultural Dissemination (SCD). Siya rin ang convenor ng Tanggol Wika, TAMA NA, atbp. Full professor siya sa De La Salle Unibersity – Manila.


Sampung puntos ang inilatag ni Dr. San Juan kaugnay ng wika, kultura, at mga sining, na ibig niyang harapin hindi lamang ng pinamumunuan niyang Subcomission for Cultural Dissemination, kundi pati ng buong NCCA at ng buong bansa. Naka-boldface ang sarili kong mga komento.

1. Adbokasi para maibalik ang mga sabjek na Filipino at panitikan sa kolehiyo, lalo na ngayong may ilang panukala sa Senado na gawing 3 years na lang ang college programs at alisin na ang buong General Education (GE) curriculum bukod pa sa ginawang pagbabawas ng DepEd sa core subjects na karamihan ay mahalaga sa pagtataguyod ng kultura at mga sining. Matagal nang pinag-iinitan ang Humanities subjects sa GE, na napakaimportante upang mabigyan ng puso ang mga estudyanteng magiging inhinyero, arkitekto, computer experts, doktor, atbp.

2. Pagiging optional na lamang ng MTB-MLE. Dapat itong ituloy kung gusto nating matuto talagang magbasa ang mga batang Pilipino. Gusto ba natin talagang matuto ang ating mga anak? O ok na sa atin na maging cheap human export lamang tayo sa ibang bansa?

3.Pamamamayani pa rin ng Ingles bilang wika ng gobyerno kaya nakakalusot ang pangungu-rakot dahil nasa Ingles ang maraming dokumento at deliberasyon; kung wikang sarili ang gamit sa bawat dokumento at deliberasyon, mas madaling makikita ang panloloko at pandarambong. Mabuti’t nagpi-Filipino ang mga mambabatas sa mga televised hearings pero hindi ito sapat.

- Advertisement -

4. Mainam naman ang pagtatanghal ng ating kultura sa labas ng bansa pero dapat unang

maitanghal muna sa mga komunidad natin mismo (halimbawa, kung ilang aklat na ang unang naisalin mula Filipino tungong Ingles samantalang di pa naisasalin ang mga ito sa Cebuano, Waray, Kapampangan, atbp.). Kulang pa ang ating mga pagsisikap para maitampok ang ibang mga wika sa Pilipinas. Huwag ding tawaging diyalekto, bernakular, o wikain ang mga wikang ito.

5. Bahagi na raw ng kultura natin ang korapsyon. Hindi tayo sang-ayon sa gayong pananaw. Manapa’y kultura ito ng naghaharing uri. Kung gayon, kung maitatanghal ang katapatan at tunay na paglilingkod sa bayan – ito ang kulturang sariling atin, di ba? Laganap din ang kawalan ng pag-asa, ng exasperation sa mga nangyayari, ng sentimyento ng tila kawalan ng kapangyarihan na ibinubuod ng palasukong mga pariralang gaya ng “wala na tayong magagawa,” “wala tayong power baguhin ang sistema,” pero may mahabang kultura tayo ng protesta,  ng pagbangga sa di matuwid na kapangyarihan, ng kontra-gahum. Marahil, kailangang mas itanghal ang gayong kultura upang mas maramdamang may pag-asa at nasa kamay natin ang pagbabago. Gaya ng nasabi ko na, hindi tayo bastos sa kababaihan; sa kaibuturan ng ating pagka-Pilipino, magalang, matapat, matapang tayo. Kaya wala tayong katutubong salita para sa misogyny, impunity, atbp. Hiram ang mga salitang iyan dahil hiram din ang konsepto.

6. Realidad na kinakalakal na ng mga kumpanya ang kasiningan ng mga Pilipino kaya’t dapat tiyakin na hindi mapagsasamantalahan ang mga manggagawang pangkultura (gaya ng mga translator na binabarat dahil walang standards na bayaran). Kaya nating magdebelop ng minimum na standard sa bayad sa translators, editors, writers, etc. May ibang naniniwala na LIBRE lamang ang pagsasalin/translation.

7. May panukalang propesyonalisasyon ng pagiging translator. Mag-ambag tayo sa pagpapabuti ng borador ng panukalang batas. Sang-ayon tayo.

8. Bubuhayin ang panukalang Departamento ng Kultura (walang dakila at maunlad na bansa na walang ganitong departamento). Mainam pero dapat tiyakin na ang hugis at direksyon nito ay progresibo, demokratiko, makamasa (gaya mismo ng nasa depinisyon ng kultura sa batas na nagtatag sa NCCA). Hindi dapat kalimutan ang papel ng wika sa kultura. Hanggang sa ngayon, Ingles pa rin ang wika ng NCCA.

- Advertisement -

9. Sa fake news at disimpormasyon, pagpapalakas ng community media ang maaaring solusyon. Itanghal natin sa community media ang kultura at mga wikang sariling atin, ang ating kultura ng na pagdadamayan at pagbabayanihan laban sa korapsyon at para sa mas makatarungang lipunan. Nakakalungkot, mas maliit na nga ang kita ng community media practitioners ay sila pa ang nahaharap sa red-tagging at pagpaslang.

10. Maging tinig at alingawngaw nawa tayo ng mga di masyadong napapakinggan, ng mga naisasantabi o isinasantabi, ng mga nasa gilid-gilid, tabi-tabi, laylayan ng lipunan, sa abot ng makakaya. Amen to that.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -