26.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Pagiba na nga ang Amerika

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

KASASABI pa lang natin sa nakaraang kolum na Amerika ang sa kadulu-duluhan ay siyang maghuhukay ng sarili niyang libingan, biglang sabog ng No Kings Movement sa di mabilang na siyudad ng Estados Unidos. Sa di baba sa 30 lungsod ng Amerika, tinatayang nasa 90 milyong Amerikano ang nagpartisipa, nilahukan ng mga celebrity (tulad nina Robert De Niro, Jane Fonda, Joan Baez at Bruce Springsteen) na pawang kumondena sa mga kapalpakan ng administrasyon ni US President Donald Trump. 

Mangyari pa, tampok na isyu ang lumalalang giyera sa Iran na sa unang linggo pa lamang ay lumustay na ng halagang $5 bilyon at nagbunsod kay Trump nahumingi na sa Kongreso ng karagdagang $50 bilyon na panggastos sa giyera.  

Alam ng sambayanang Amerikano na sila ang magpapasan ng bigat ng napakalaking  gastusin na iyon, bukod pa sa dagdag na pasanin ng mabilis napabulusok na kabuhayan. 

Pinakamasaklap ang buwis sa buhay ng mga sundalong Amerikano na sa huling balita ay pinrograma na ni Trump na ipadala upang sakupin na ang Iran. 

Sa kilos na ito, buong kumpiyansa na “nagpayo” si Iran Foreign Minister Abbas Araghchi sa mga tropang Amerikano, “lapit pa.” 


Patunay na ang ganitong yugto ng digmaan ay masusing pinaghandaan ng Iran (ayon sa isang pahiwatig, isang dekada ng preparasyon). 

Totoong nakapangingilabot ang banta ni Araghchi, “lapit pa at lasapin kung gaano kasakit ang masunog.” 

Sa isang sundalo, tanggap na ang kamatayan. Kung sa iyong paglusob ay tamaan ka ng bala, normal na iyon. 

At uuwi ka sa Amerika nang nakakabaong. 

- Advertisement -

Subalit tanggap mo rin ba na ang ipanlaban sa iyong pagsugod ay literal na apoy. 

Ito ang maliwanag na hamon sa tinuran ni Araghchi. 

Sa katunayan, sa anunsyo ni Trump na pagpapadala ng 10,000 karagdagang tropa, inilathala ng Tehran Times ang  larawan ng mga tropang pasakay sa barko at may pambungad na anyaya: “Welcome to hell (Maligayang pagdating sa impiyerno.) 

Isipin kung gaanong sa katatakutan pa lang, urong na ang bayag ng sundalong Amerikano. 

Leksyong elementarya sa digmaan na ang una mong dinudurog ay ang kahandaan ng isip (will) ng kaaway na lumaban. 

Isipin mo lang ang mangyayari sa Iran na sa unang sugod mo pa lang ay  naglalagablab na apoy ang sasalubong sayo, susugod ka pa ba? 

- Advertisement -

Hindi pa nagsisimula ang totoong labanan, bahag na ang buntot mo. 

Papaano ka mananalo? 

Human nature, ika nga, huwag nang sumugod pa. 

Iyun ang patotoo ng kasabihang “winning without firing a single shot (manalo nang hindi man nagpapasabog ng kahit Isang putok).” 

Hanggang sa ngayon sa Iran, sa kalakhan, hindi pa barilan ang labanan.  

Pulos bombahan pa lamang. 

Sa pananalasang maapoy na isasalubong ng Iran sa pagdaong na ng mga tropang Amerikano, totoo pa rin ang kasabihang “Pagwawagi sa labanan na hindi nagpapaputok kahit minsan.” 

Hindi bala kundi lagablab ng apoy ang lalamon sa iyong katawan. 

Kung hindi ako nagkakamali sa aking pagkakatanda, ginamit ni Araghchi ang pariralang “rain of ruin” bilang paglalarawan sa gagawing pagsalubong ng Iran sa mga tropang Amerikano. 

Ang termino ay hindi niya orihinal kundi kopya sa mismong mga katagang isinabog ni US President Harry S. Truman sa Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang sa kabila ng mandato ng Potsdam Declaration na sumuko ito na walang kondisyon, tumanggi pa rin. At doon nga nagbanta si Truman na “pauulanin niya ang pagkawasak” sa Japan – daan-daang bombang apoy na sumunog sa buong Tokyo at kumitil sa buhay ng 100,000 Hapones. 

Mulat sa kasaysayan si Araghchi. Ipalulunok niya sa Amerika ang lupit ng sariling medesina. 

At kung papunta nga tayo sa muling pag-uulit ng kasaysayan, tandaan na nang sa kabila ng kapinsalaang dulot ng mga bombang apoy ay ayaw pa ring sumuko ng mga Hapones,  isinabog na ng Amerika ang Bomba Atomika sa Hiroshima at Nagasaki na siyang tuluyang nagwakas sa digmaan. 

Kalabisan nang sabihin pa, mulat ang Iran sa brutal na pagkondukto ng Amerika sa digmaan. At kung totoo ang mga naratibo ng mga eksperto sa brutalidad na Ito, ang sagupaan sa Iran ay hindi maaaring hindi papunta na sa muling senaryo ng Hiroshima at Nagssaki. 

Ang ganitong senaryo ang, ani mga eksperto, pinaghandaan ng Iran sa nakaraang dekada. 

Kaya nga sa pustura ng Iran, handa na siya na ibigwas ng Amerika ang giyera nukleyar. 

Ito ang pinakakinatatakutan ng sanlibutan. Ang giyera nukleyar ay tinatawag na labanan ng kapwa pagkawasak (mutual annihilation), ubusan ng lahi.  

Wasak nga ang kalaban mo, wasak ka rin sa ganting salakay niya. 

Walang makaliligtas. 

Bagama’t sa pagtantya ng namayapa nang si Mao Zedong, sa labanang nukleyar, ikaapat ng populasyon ng China ay makaliligtas.  

Dito pumapasok ang iwing kahalagahan ng lumalaganap na No Kings Movement sa Amerika. Malakas na panawagan sa mga rali ang pagpapatalsik na kay Trump.  

Lumilitaw na ang pagpapabagsak kay Trump lamang ang kailangang mangyari upang magwakas na ang giyera sa Iran. 

Walang nukleyar na pagsabog mula Amerika, walang ganting nukleyar mula sa Iran. 

Sabi nga ng mga pasifista, “Peace on earth to men of goodwill (Kapayapaan sa mundo sa mga taong may magandang kalooban). 

Hindi lamang tiyak kung ganito kasimple mag-isip ang Iran.  

Sa mga kondisyon na hiningi ni Iran Supreme Leader Mojtaba Khamenei upang wakasan ang digmaan (paniyak na hindi na muling makapananalakay ang Amerika sa Iran, paglansag sa mga base militar ng Amerika sa Gitnang Silangan, at pagbayad ng Amerika sa Iran ng $500 bilyon bilang danyos perhuwisyo), matutugunan lamang ang mga ito kung ganap nang wasak ang Amerika.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -