31.2 C
Manila
Huwebes, Hunyo 11, 2026

‘Bulawan,’ kuwento ng ginto at ng sinaunang Pilipino sa bayan ng Masawa

- Advertisement -
- Advertisement -

(Huli sa 2-bahagi)

NAKILALA ang Kawangis Publishing bilang tagapaglathala ng mga comic books at card games na may tuon sa kasaysayan. Hindi nangiming makipagsabayan ang mga publishers nito na sina Aria Chelabian at Faye Villanueva-Chelabian sa mga establisado nang publishing houses sa bansa. Paano kasi’y may pakiramdam sila na may puwang silang pinupunan sa merkado ng aklat, pagbabasa, at paglalathala. Tutok sila sa gusto nilang gawin dahil ramdam nilang dito sila gustong dalhin ng Diyos.

Si Faye Villanueva-Chelabian, co-publisher at isa sa author/illustrators ng Kawangis Publishing. Hawak niya ang kanyang dalawang likhang-komiks: ‘Incognito’ at ang ‘Zona Cero.’

Bagama’t nagsimula ang Kawangis Publishing bilang imprint ng CSM Publishing, isang Christian publishing house, unti-unti itong lumago at nakilala sa kanilang brand ng mga kuwentong may educational at historical value.  Nakarating na rin sa ibayong dagat ang kanilang mga aklat at kadalasang matatagpuan sa mga unibersidad at kolehiyo bilang ‘supplementary reading materials for Asian studies.’ Matatagpuan na rin ang mga ito sa mga itinayong ‘Book Nook’ centers ng National Book Development Board (NBDB), sa DepEd, sa ating Pambansang Aklatan, at sa mga libraries ng iba’t ibang private institutions.

Kinilala ng ‘IBBY Honour List for Translation’ ang aklat ng Kawangis Publishing na Zona Cero. Pagkilala ito mula sa International Board on Books for Young People (IBBY).

Noong nakaraang Philippine Book Festival sa SM Megamall, inilunsad ng Kawangis Publishing ang kanilang bagong graphic novel tungkol sa 11th century Agusan o ang Gintong Panahon ng Butuan. Pinamagatang ‘Bulawan,’ inakda at iginuhit ni Faye Villanueva (Chelabian), dadalhin tayo ng historical fiction na ito sa higit sanlibong taon nakalipas sa tinatawag na ‘Rajahnate of Kalaga’ (ang sinaunang Butuan sa rehiyon ng Caraga).

Kinilala ng ‘IBBY Honour List for Translation’ ang aklat ng Kawangis Publishing na Zona Cero. Pagkilala ito mula sa International Board on Books for Young People (IBBY).

Nagkainteres agad ako sa naturang graphic novel sapagkat ilang ulit ko ring nabisita ang lalawigan ng Agusan del Sur sa Caraga Region. Nakita ko sa isang museo nila ang eksibit ng isang balangay, ang kanilang sasakyang pandagat na ginagamit nila sa pakikipagkalakalan noong panahong ‘yun. Bumili ako ng replica nito nang bumalik ako sa Maynila. Kabilang din sa nabili ko ay ang replica ng ‘Golden Tara’ ng Agusan del Sur na sinasabing natagpuan sa Masawa River noong 1917. Masawa ang sinaunang tawag sa bayan ng Butuan. Ang nasabing gintong  imahen, tumitimbang ng 2 kilo, may taas na pitong pulgada, at yari sa 21-karat gold, ay isang babaeng Hindu o Buddhist deity, nakaupong naka-cross-leg, may suot na magarang headdress at iba pang palamuti sa katawan. Sinasabing ito’y galing sa 9th o 10th century. Ito man ay nailagay sa kuwento ng ‘Bulawan.’


Watercolor at ink ang ginamit ni Faye na medium para sa graphic novel na ito

Nang makausap ko ang kilalang historyador at book author na si Fernando Almeda Jr, Pangulo ng Surigaonon Heritage Studies and Research Center na taga-Surigao City, nakumpirma kong kay rami nga raw ginto dati na matatagpuan sa kanilang rehiyon. Ito ang nagsisilbing sentro ng kalakalan ng ginto. Isang dahilan daw kung bakit nakilala ang Butuan sa pakikipagkalakalan sa buong bansa ay dahil sa produkto nitong ginto.

Watercolor at ink ang ginamit ni Faye na medium para sa graphic novel na ito

Dinarayo raw ang kanilang lugar ng iba’t ibang lahi noong unang panahon, partikular ang mga Tsino, upang ipagpalit ang kanilang dalang tela, pagkain, at langis – sa mga ginto ng Butuan. Ayon kay Dr. Maria Elena Paulma, isang Palanca Award-winning writer at professor sa Xavier University sa Cagayan De Oro City na umakda rin ng isang koleksyon ng kuwentong pambata tungkol sa balangay, “kahit ang mga historyador ay binabanggit ang katagang ‘nuggets of gold in the sand’ patungkol sa Butuan.”

The artist at work

Ang bagong graphic novel na ‘Bulawan’ na inilathala ng Kawangis Publishing ay isang historical fiction na tatlong taon nang ginagawa ni Faye Villanueva. Tinalakay din nito ang gold culture ng naturang rehiyon at ang kaakibat nitong pulitika at isyu ng pamumuno. Ang taglay na gintong kalakal ng rehiyon na ito ang minimithi ng marami kapalit ng kanilang mga produkto. Sa gitna ng impluwensiyang kolonyal sa ating mga kuwento, nangahas ang  awtor/ilustrador ng ‘Bulawan’  na balikan at siyasatin ang sophisticated civilization ng mga Pilipino noon pa mang una. Biruin n’yo, meron na pala tayong mga goldsmiths (panday ng ginto) at culinary crafts  bago pa man dumating ang mga Kastila sa bansa.

May resipi pa ng pagkaing sinauna (na popular pa rin hanggang ngayon) na nakasali sa mga pahina ng comic book na Bulawan. Halimbawa ang lutong ‘tola’ na may halong batwan at luyang dilaw.

Sa aklat na ito ni Faye Villanueva, matutunghayan natin ang kuwento ni Shaja, ang sinasabing Crown Prince ng Kalaga, habang dinadaanan niya ang daigdig ng pre-colonial politics, ang pananampalataya ng ating mga ninuno, at ang usapin ng pamumuno o leadership. Makikita na matindi ang isinagawang pananaliksik ng awtor-ilustrador na si Faye Villanueva nang mapagdesisyunan niyang sulatin ang kuwento ng sinaunang Pilipino sa Masawa (Butuan). Nagbasa siya tungkol sa mga archeological findings at marami siyang naging historical references. Kaya naman masasabi nating ang bawat palamuting ginto, tattoo (kilala bilang ‘pintado’), at disenyo ng gintong kagamitan – na ginamit sa kuwento – ay hango sa mga historical facts (kasama na ang ‘Gold of Ancestors’ Collection sa Ayala Museum).

- Advertisement -

Ayon kay Aria Chelabian, general manager ng Kawangis Publishing, “gusto naming maipakita sa mga mambabasa na ang ating kasaysayan ay hindi lamang nagsimula noong 1521 (nang taong madiskubre ni Ferdinand Magellan ang ating bansa). Tayo ay galing sa kasaysayang may tatlong G: gold, glory, at grit.” Sa ganitong lente, masasabi nating ang aklat na Bulawan ay hindi lang basta komiks kundi isang salamin. Waring nananalamin tayo habang nagbabasa.

Sa kabuuan ng aklat, mapapansing may mga pahinang kinapapalooban ng piling impormasyon na makatutulong sa pag-unawa sa paraan ng pamumuhay noong panahong ‘yun. May pahinang nakalaan tungkol sa Kung Paano Suotin ang Sarong na may detalyadong paliwanag at hakbang sa pagsusuot nito. May maikling tala rin halimbawa sa Golden Regalia na isang klase ng halter na ginto na nagsisilbing suksukan ng espada. Tinatayang tumitimbang ito ng 4 na kilo. Hinihinalang ito’y karaniwang pagmamay-ari ng isang Datu o Rajah; at isinusuot lamang ng Rajah sa mga espesyal na seremonyas. Naagaw din ang pansin ko sa ilang resipi ng pagkain na nakatampok sa aklat, gaya ng Kinilaw na Bulawan (Adobong Dilaw) at Tolang Bulawan (Sinigang sa Batwan at Kalawag). May maikling tala rin tungkol sa proseso ng amalgamation o ang paghahalo ng mercury water sa ginto upang ito’y linisin (na may panganib palang dulot sa kapaligiran).

 

Sadyang makulay ang lahat ng pahina ng aklat dahil sa art nito na pinaghalong watercolor at ink. Nakatutuwang pati ang cover ng aklat ay kulay itim na may gold foil. Parang nakalutang ang mga gintong imahen at mga letra ng pangalan sa pabalat. Kilala si Faye sa kanyang pagiging metikulosa sa cultural detail. Nais ni Faye Villanueva na bigyan ng mukha ang ating mga ninuno na nagtatag ng unang sibilisasyon nating mga Piilipino kaya pinaghusay niya ang pananaliksik tungkol sa pre-colonial jewelry at social structure. Naisip niyang daanin ito sa kuwento at guhit na pang-komiks upang maihatid sa mambabasa ang mensahe ng Bulawan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -