32.3 C
Manila
Huwebes, Hunyo 11, 2026

Gender Competence 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG gender competence ay tumutukoy sa mga kaalaman (know what), kasanayan (know how) at pagpapahalaga (values) na may kinalaman sa pagsusulong at pagpapatupad ng katarungan at karapatang pangkasarian. Ang sumusunod ay tala ng mga tagubilin at paalala ukol sa aplikasyon ng gender competence sa iba’t ibang larangan at kontekstong panlipunan.

·      Linawin ang pagkakaiba ng sex (biological category) at gender (social construct) sa pagbibigay-katuturan ng panlipunang pag-iral at panlipunang relasyon.

·      Tukuyin at imapa ang mga istruktura ng opresyon at hindi pagkakapantay-pantay batay sa kasarian na umiiral sa iba’t ibang larangan at sa mas malawak na lipunan.

·      Suriin ang mga nananaig na gender ideologies, gender norms, gender roles, gender relations at gender dynamics sa larangan at lipunan. Tingnan ang mga umiiral na tambalan (convergence) at talaban (divergence).

·      Maging mapagnilay (o reflective) sa sariling gender ideology. Bagama’t mapanghamon ito, maging tapat sa sarili na tukuyin kung ikaw ba ay kabilang sa mga liberator o oppressor sa mga usaping pangkasarian. Nag-aambag o nagiging sagka ka ba sa paglaya ng mga marhinalisadong kasarian? Makatutulong sa layuning ito ang pagsasagawa ng bias mapping.


·      Suriin din ang mga manipestasyon ng gender injustice sa sambahayan, empleyo, batas, husgado, edukasyon, midya at iba pa.

·      Tandaan na maaaring umiral sa pormal at di-pormal na espasyo ang karahasan at pagtatangi batay sa kasarian. Mayroon ding itong materyal at di-materyal na implikasyon.

·      Siyasatin din kung paano sinasalamin ang gender injustice sa istruktura, proseso at kultura ng organisasyon o institusyon.

·      Tugunan ang mga ugat ng karahasan at hindi pagkakapantay-pantay batay sa kasarian. Gumamit ng problematique technique at root cause analysis para rito.

- Advertisement -

·      Hamunin ang mga kinagisnang pananaw at gawi na nagtatangi laban sa mga kababaihan at LGBTQIA+.

·      Hamunin din ang mga nananaig na stigma at stereotype batay sa kasarian. Tukuyin din kung saang paniniwala o ideolohiya nag-uugat ang mga ito.

·      Ilantad ang pagtatangi sa usapin ng akses sa pagkain, tubig, gamot, pabahay, pondo at pautang na nakabatay sa kasarian.

·      Maging mapanuri rin sa implikasyon ng mga modernong teknolohiya sa kasarian. Maaaring basahin ang artikulong ito ukol sa artificial intelligence at kasarian bilang panimula: Artificial intelligence at kasarian: Etika, politika at praktika   – Pinoy Peryodiko.

·      Hamunin ang mga pagtatangi sa pananaliksik at clinical trial laban sa mga kababaihan (drug o device trial man). Kadalasang nababalewala rin ang mga nagdadalang-tao sa mga clinical trial dahil sa pagtitipid ng kompanya.

·      Gawing esensyal na bahagi ng tumbasan ang kasarian bilang salik at konsiderasyon. Kadalasan ay nagiging afterthought at add-on lamang ang kasarian sa plano at proseso.

- Advertisement -

·      Isama ang kasarian sa pagbabalangkas, pagpapatupad at pagsusuri ng mga plano, programa at proyektong pangkaunlaran.

·      Tukuyin din kung hindi nagtatangi sa rekursong pangkalikasan, pampananalapi at pang-espasyo ang plano, patakaran, proseso, programa at proyekto.

·      Ilantad at imapa ang hindi pantay na akses at kontrol sa rekurso na dapat sumaklaw mula sambahayan (household) hanggang sambayanan (societal).

·      Unawain ang mahigpit na ugnayan ng kababaihan sa kalikasan, kultura, kabuhayan, komunidad at kaunlaran.

·      Paglaanan ng pondo ang mga programang pangkababaihan at pangkasarian.

·      Tandaan din na may iba’t ibang mga salik na humuhubog sa pagkakakilanlan at kasarian ng bawat indibidwal o grupo. Samakatwid, masasabing hindi homogenous (o iisang hubog) lamang ang karanasan ng pagiging babae. Halimbawa, may babaeng magsasaka, babaeng panginoong may lupa, babaeng dayuhan, babae sa sektor pangisdaan, babaeng katutubo, babaeng migrante, babae sa sektong pangkalusugan, babaeng bilanggo at iba pa. Sa konteksto ito ay maaaring magkaroon din ng pagkakaiba-iba sa pangangailangan, interes, alalahanin, aspirasyon at pag-asa.

·      Siyasatin kung papaano isinasalarawan ang iba’t ibang kasarian (babae, lalaki, LGBTQIA+) sa kurikulum, batayang aklat, pelikula, balita, pananampalataya at patalastas.

·      Tugunan ang malaganap na civic agency gap na tumutukoy sa malaking agwat sa pagitan ng kaalaman at praktika. Maaaring malay at maalam nga sa mga isyung pangkasarian pero salat naman sa kongkretong pag-aksyon at pagtugon.

·      Tukuyin ang mga kaalyado sa adbokasiyang pangkasarian at pangkatarungan. Bumuo ng matibay na alyansa kasama ang kanilang hanay.

·      Alamin ang mga laganap na aktitud at umiiral na istruktura na humahadlang sa katarungang pangkasarian. Maglatag ng estratehiya kung paano babakahin ang mga ito.

·      Maging maalam din sa mga teorya at metodong pangkasarian na maaaring magamit upang mas maunawaan at matugunan ang mga problema at alalahanin na may kinalaman sa gender injustice, gender discrimination at gender-based violence.

·      Aralin ang mga sumusunod na magkakaugnay na konsepto upang mapagyaman at mapatalas ang diskurso at estratehiya: intersectional feminism, ecofeminism, feminization of poverty, feminist epistemology, herstory, feminist standpoint theory at muted group theory.

·      Bumuo ng mga indicator o index na maaaring gamitin upang tukuyin ang antas ng gender competence na taglay ng isang indibidwal o institusyon.
·      Bigyan ng kaukulang pagsasanay sa gender competence ang lahat. Huwag ipagpalagay na nauunawaan at taglay ito ng bawat isa.

·      Tiyaking may programa, materyales at tagapagsanay sa mga isasagawang pagsasanay upang magarantiya ang tagumpay nito. Magsagawa rin ng kaukulang scaffolding upang higit na mapagtibay at matiyak ang pagkatuto at internalisasyon.

·      Tiyaking may komitment ang pamunuan sa prinsipyo at praktika ng gender justice, gender reform at gender competence.

·      Palaganapin ang gender sensitive language sa pamahalaan, pamantasan at sa mas malawak na sektor pangkaunlaran. Ito ay nakabatay sa pananaw na ang wika ay parehong repleksyon at daluyan ng kamalayan.

·      Tandaan na upang mas maging malawakan at likas-kaya ang pagbabago ay kailangang magkaroon ng malakas na institusyonal na suporta at kultural na paglalapat at pagbibigay-kahulugan.

·      I-angkla ang programa at proyekto sa matibay na paninindigan at nagkakaisang layunin. Paglaanan din ito dapat ng sapat na pondo at panahon.

·      Hamigin at imulat ang nakararami ukol sa mga nabanggit na praksis. Tuloy-tuloy na magpalawak, magpalalim at magkaisa.

·      Tukuyin din ang ibang mga salik kung saan may interseksyon ang kasarian bilang batayan ng pagtatangi. Kabilang rito ang uring panlipunan, lahi, etnisidad, edad, kapansanan, pananampalataya, ideolohiya, heograpiya, kalusugan, edukasyon, okupasyon at iba pa. Sa pamamagitan nito ay higit na naipopook (o naikokonteksto) ang karanasan, repleksyon, paninindigan, pakikibaka, at kaakibat na transpormasyon.

Bilang pagbubuo(d), mahalagang maunawaan na ang kasarian ay isang mahalagang panlipunang salik na maaaring maging lente ng pagsusuri at barometro ng kaunlaran.  Isang konsiderasyon din ito sa pag-iistruktura ng mismong lipunan at relasyong panlipunan. Sa parametrong ito ay mahalagang matukoy at maunawaan ang mga usaping pangkasarian lalo na sa mga tagpo at pagkakataon na inaakalang wala itong kinalaman o kaugnayan. Ang ganitong uri ng gender blindness ang isa sa mga dapat na unang hinahamon at tinutugunan ng isang gender competent framework o policy. Samakatuwid, nagsisimula ang pagiging gender competent sa pagiging self-reflective na humahantong dapat sa pagtataas nito sa kolektibong antas at nagkakaisang praksis.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -