29 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Decolonial Praxis 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

PATULOY na umiiral ang epekto at impluwensiya ng kolonyal na sistema sa maraming larangan ng buhay ng mga dating kolonya. Kasama rito ang kanilang pilosopiya, politika, ekonomiya, kultura, edukasyon, etika at iba pa. Bilang pagbalikwas, hinahamon ito ng mga progresibong kilusan, iskolar at mamamayan sa pamamagitan ng decolonial praxis.  Alinsunod sa pakahulugan ng termino, ang decolonial praxis ay tambalan ng kritikal na repleksyon at pag-aksyon upang lansagin at baguhin ang mga kolonyal na estruktura ng kapangyarihan sa larangan at lipunan. Ang sumusunod na tala ay ilang kaalaman, pagbibigay-diin at paalala ukol sa teorya at praktika ng decolonial praxis sa pangkalahatan at sa iba’t ibang konteksto.

·      Tandaan na hindi lamang kanluraning ontolohiya at epistemolohiya ang umiiral na tanging batayan ng pananaw at paninindigan. Tumutukoy ang ontolohiya sa katangian ng reyalidad (nature of reality) at may kinalaman naman ang epistemolohiya sa kung ano ang katanggap-tanggap na bersyon ng karunungan (what counts as valid knowledge) at paraan ng pag-alam (ways of knowing).

·      Hamunin ang mga pangkaunlaran at pang-ekonomikong modelo na nagtatanghal lamang sa kanluraning kasaysayan, konteksto at karanasan.

·      Ilantad ang hirarkiya ng karunungan na naglalagay sa kanluraning sistema ng kaalaman sa pedestal. At, samantala, sa katutubong katumbas naman sa sadlak na pagtingin at kondisyon.

·      Hamunin ang kolonyal na pananaw at pag-iisip na siyang humuhubog sa ating kaakohan, kakanyahan o pagkatao.


·      Ilantad ang hegemoniya ng dominanteng sistema sa mga magkakaugnay na usapin ng pamamahala ng rekurso, paglikha ng karunungan, relasyon sa kapangyarihan, pagbibigay-kahulugan sa pagiging katutubo at pakikitungo sa kapwa.

·      Bumaklas sa istruktura ng dayuhang kaisipan na nagmamaliit at sumasagka sa pag-unlad ng katutubo at lokal na sistema ng karunungan kagaya ng ethnoecology, ethnopsychology, ethnohydrology, ethnonutrition at iba pa.

·      Pagsanibin ang teorya at praktika para sa kaganapan ng pagsasadekolonyal ng larangan at lipunan. Sa pamamagitan ng salimbayang ito ay ginagabayan ng teorya ang praktika at pinatatalas naman ng praktika ang teorya.

·      Hamunin ang kolonyal na konsepto ng pagmamay-ari (ownership), pagpapahalaga (valuation), pagbibigay-kahulugan (meaning-making) at pagbuo ng alaala (memory-making).  May malaking impluwensiya ang mga ito sa ating kabuoang pag-iral (being) at pagbabago (becoming).

- Advertisement -

·      Suriin ang kanluraning pagsasalarawan ng kultura at pagkakakilanlang Pilipino sa kasaysayan at historiograpiya.

·      Itaguyod ang dekolonisasyon na may malalim na pagpapahalaga sa mga katutubong wika bilang daluyan ng kaalaman at sistema rin mismo ng karunungan.

·      Isulong ang mahalagang papel ng katutubong wika sa pagpapatampok ng mga pananaw, teorya, metodolohiya, modelo, literatura at pagkakakilanlan mula sa mga bansa at komunidad ng Global South.

·      Palawakin ang espasyo para sa mga literatura na sasaklaw sa mga lokal at katutubong manunulat at kanilang mga akda.

·      Suriin at ugatin ang salalayang pilosopikal ng mga teorya at metodolohiya na ginagamit sa pag-aaral at pananaliksik.

·      Siyasatin at ilantad ang sanhi ng pagiging atrasado ng mga bansa sa Global South na kadalasang maiuugnay at maiuugat sa hindi pantay na relasyon ng mga ito sa Global North.

- Advertisement -

·      Bigyang-puwang ang iba’t ibang panig at paninindigan na binubura sa kamalayan, praktika at araw-araw na pag-iral ng mga mamamayan.

·      Hamunin ang nananaig na sistema ng karunungan na pumapabor sa kanluraning modelo at nagbabalewala sa katutubong kaalaman at kalinangan.

·      Isulong ang karapatan ng mga katutubo sa sariling pagpapasya (right to self-determination) kung saan nakapaloob ang pagkilala at pagpapanaig ng katutubong kaalaman, sistema at praktika (indigenous knowledge systems and practices o IKSP).

·      Pagyamanin ang iba’t ibang alternatibong sistema na nagsusulong ng kultura ng pakikipagkapwa at nagpapahalaga sa lokal at lapat na mga pananaw at paraan.

·      Hamunin ang pananaw at panuntunan na mayroong unibersal na aplikasyon ang kanlurang sistema ng karunungan.

·      Umugnay at umugat sa lokal na komunidad upang lumalim ang pagpapahalaga sa pinagmulan.

·      Iwasang maliitin at itatwa ang sariling lokal at katutubong sistema ng karunungan. Labanan ang dalawang tendensiyang ito: xenocentrism at internalized racism.

·      Saklawin ang iba’t ibang dimensyon sa akademya kabilang ang kurikulum, pedagohiya, learning delivery at assessment sa proseso ng dekolonisasyon.

·      Ipaloob sa pagbalangkas ng kurikulum ang aplikasyon ng mga konsepto sa katutubong konteksto at kapaligiran. Halimbawa, maaring ituro ang physics at chemistry tampok ang mga katutubong paraan ng pagluluto, pagbuburo, pagtatapa at paggawa ng asin.

·      Hamunin ang sistema ng karunungan na mapagpataw at mapanlamang kung saan itinuturing lamang na data source ang mga katutubo at komunidad. Ang ganitong kultura sa pananaliksik ay itinuturing na extractive at unethical.

·      Ikondena ang dominanteng uri ng pananaliksik na kinakasangkapan ang mga katutubo at komunidad para pagkakitaan at lapastanganin lamang. Maituturing na kontra-puwersa ang Decolonizing Methodologies ni Linda Tuhiwai Smith sa pagsusulong ng alternatibong politika at etika sa pananaliksik.

·      Kilalanin ang tambalan ng mga alternatibong paradigma, praktika at paraan na mas makakapaghatid ng buong paglalatad ng katotohanan at ganap na kaunlaran. Maraming mahahalaw mula sa kasaysayan, kultura at karanasan ng Asya (halimbawa: Gross National Happiness o GNH), Latin America (halimbawa: Buen vivir) at Africa (halimbawa: Ubuntu).

·      Isulong ang kultura at praktika ng pananaliksik na mapanlahok at nagtuturing sa mga mamamayan bilang katuwang at kapantay (participatory research, people’s research).

·      Kilalanin ang mahalagang ambag ng mga katutubo sa environmental and resource management at disaster risk reduction and management. Isa itong uri ng karunungang pinanday at nilinang ng mahabang panahon, pagninilay at praktika.

·      Pagpunyagian ding idekolonisa ang ating mga silid-aklatan, museo at IQ test.

·      Linangin ang mga teorya at metodolohiya na nagtatampok sa katutubo at kontekstwalisadong pagsusuri, pagbibigay-katuturan at paraan ng pananaliksik.

·      Ilantad ang sosyo-sikolohikal na pinsala ng karahasang hatid ng kolonyal na sistema sa lipunan at mga mamamayan nito. Ito ang binigyang-diin at panawagan ng akda ni Frantz Fanon na The Wretched of the Earth.

·      Hamunin ang mga kolonyal na termino, ritwal at academic regalia na patuloy na umiiral at ginagamit sa mga pamantasan. Hinuhubad na rin dapat ang mga ito kung ang layunin ay ganap na dekolonisasyon ng mga pamantasan.

·      Tandaan ang mahalagang tambalan ng demokratisasyon at dekolonisasyon para sa tunay na kalayaan at kaunlaran.

·      Suriin at ilantad ang epekto at pinsala ng matrix ng colonialism, racism at capitalism sa lipunan at kalikasan bilang mga sistemang panlipunan at pang-ekonomiya.

·      Itampok ang iba’t ibang mukha ng pakikibaka para sa isang makabansa at makamamamayang lipunan at paghalawan ang mga ito ng aral.

·      Bigyang-diin ang katutubong pagbibigay-katuturan sa konsepto ng karapatan, katarungan at kaunlaran, gayundin maging ang karanasan ng kahirapan.

·      Hamunin ang nanaig na kolonyal na produksyon, sirkulasyon at pagkonsumo ng midya.

·      Idibersipika ang literatura upang saklawin rin ang mga akdang katutubo, Pilipino, Asyano at iba pa. Padaluyin ng tagus-tagusan ang katutubong diskurso sa klase, midya at komunidad.
·      Hamunin at ituwid ang mga baluktot na representasyon ng mga katutubo sa kurikulum, batas at pagbabalita.
·      Bigyan ng kapangyarihan ang mga katutubo na mag may-ari at maging mapagpasya sa lalamanin ng kurikulum, akda at midya upang maiwasan ang misrepresentasyon at pagtatangi alinsunod sa praksis ng communication and media activism.

·      Palakasin ang kultura ng kolektibismo at pakikipagkapwa taliwas sa nananaig na sistema ng indibiwalismo, atomismo, kompetisyon at pagkakanya-kanya sa kasalukuyang kalakaran.

·      Lansagin ang mga sistema at istruktura na hegemonic, monolithic at paternalistic na humahadlang sa proseso ng demokratisasyon at dekolonisasyon.

·      Palakasin ang kilusang dekolonyal sa pamamagitan ng solidaridad ng iba’t ibang lahi, kasarian at edad sa iba’t ibang panig ng daigdig.

·      Bumuo at buklurin ang mga samahan na nagsusulong ng dekolonisasyon.

·      Isaisip na ang dekolonisasyon ay isang tuloy-tuloy na proseso ng pagiging mapagbantay upang hindi makapanumbalik ang istrukturang kolonyal.

Bilang pagbubuo(d), mahalagang mabigyang-diin na ang dekolonisasyon ay isang paninindigan at praktika. Isa itong praksis na may layuning bawiin ang ipinagkait na soberanya at adhikaing kumawala mula sa pagkabusabos. Bilang kontra-daluyong, hinahamon nito ang pagtatanging nakabatay sa lahi, etnisidad, wika, karunungan at kultura. Dahil sa masaklaw nitong katangian, may dakilang ambag ang decolonial praxis sa pagsusulong ng katutubong agham at sining lalo na sa gitna ng rumaragasang korporisadong globalisasyon (corporate-led globalization) at hindi likas-kayang bersyon ng urbanisasyon (unsustainable urbanization).

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -