IGINAWAD ang Gold Stevie Award sa Department of Health sa kategoryang Innovation in Government Events o pagsasagawa ng mga programa sa makabago o malikhaing paraan tulad na lamang ng PinaSigla Family Health Fair na siyang kinilala sa 2026 Asia-Pacific Stevie Awards.

Sa loob lang ng dalawang araw noong Oktubre 2025, nakapagserbisyo ang DOH sa halos 3,000 na benepisyaryo kung saan nakatanggap ng kumpletong serbisyong medikal ang mga pamilyang pumunta sa Burnham Green, Rizal Park.
Ilan sa mga serbisyo ay nutrition counseling, blood donation, immunization, tobacco cessation counseling, mental health screening, family planning, first aid demonstration pati na screening para sa tuberculosis, HIV, breast cancer, at cervical cancer. Kabilang din dito ang PhilHealth registration ng mga benepisyaryong hindi pa registered.
Unang beses ito na nakatanggap ng Gold Award ang DOH. Matatandaang Bronze ang natanggap na award ng Kagawaran taong 2021 para sa Covid-19 Related Information Strategy.



