NAKAPANLULUMO ang mga kaganapan ngayon sa Senàdo. Ang institusyong pinaging-sagrado ng maniningning na paglilingkod ng henerasyon ng mga Recto, Laurel, Tañada, at Salonga ay kulang na lang na pagmukhaing kubeta na talaga ng panghi’t alingasaw ng mga tinagurian pang mga senador pa mandin.
Pabalik-balik tayo sa kaso ni Ronald “Bato” de la Rosa (nandidiri na akong tawagin pa siyang senador). Pagkaraan ng maraming buwang di-pagsipot sa Senado – subalit regular na tinatanggap ng kanyang upisina ang buwanang sahod bilang Mambabatas ng Mataas na Kapulungan – walang kaabug-abog, siya ay lumitaw.
Laking buntong-hininga ng sambayanan.
Hay, sa wakas, anila, gaganap na sa tungkulin si kalbo.
Pero huwag ka, kaya pala lumitaw, upang bumoto lamang Kay Alan Peter Cayetano bilang Senate President – na ang ganung boto ang siya ngang ipinangwagi nito.
At makaraan ang botohan, muli na namang naglaho si Bato na parang bola.
Ayoko nang makipagdalirutan pa ng kung anu-anong mga usapin kaugnay ng mga kaguluhang sumaksi sa muling pagkawala ni Bato.
Na alam ni Alan Peter Cayetano ang pagtakas ni Bato.
Na ang putukang naganap ay sinadya upang ilihis ang atensyon ng media sa pag-iskapo ni Bato.
Na nakatakas si Bato sa tulong ni Robin Padilla.
Ang daming mga kalechehan.
Iisang bagay ang taimpuso kong nais na pagtuunan ng pansin ng sambayanan. Desperado si Bise Presidente Sara na malaktawan ang panganib ng conviction sa kanyang impeachment. Ang pag-upo ni Cayetano bilang presidente ng Senado ay maaaring magsilbi lamang na unang hakbang sa layuning ito. Tiniyak lamang na nasa kamay ng mga Duterte ang liderato ng Senado at magamit ito sa pagkamal ng kailangang bilang ng mga senador upang siya ay maabswelto. Subalit sa nangyaring pagbalikwas, 13-11 ang score, pabor sa kampo ni Duterte. Sa simpleng agawan sa liderato, kuntento ka na roon.
At Senate President na nga si Cayetano.
Subalit sa usapin ng impeachment, malaking panganib pa rin ang kinakaharap ni Sara. Kailangan niya ng 16 na boto upang madeklarang hindi nagkasala.
E, 13 nga lang ang bilang ng kampo Duterte sa senado hanggang sa ngayon.
Ipagpalagay na na sa 11 ng minorya ay makapagpabaliktad si Sara ng paninindigan ng tatlo pa, 16 na iyun – sapat para sa hatol na walang sala. At sa bisa ng kapangyarihan ng Presidente ng Senado, kayang gawin iyun.
Mangyari pa, sa 16 na iyon, isa pa rin si Bato.
Senador pa rin siya, wala ni anomang kabawasan sa mga karapatan at pribilehiyo na tadhana ng Konstitusyon para sa kanyang puwesto.
Sa botohan sa impeachment trial, ang kanyang boto ay may bilang.
E, nagtatago na nga.
O, di ba nagtatago siya bago ang botohan pàra sa pangulo ng Senado?
Sa oras ng botohan, bigla siyang litaw, bumoto – at ang boto ay binilang upang papanalunin si Cayetano.
Ano ang pipigil kay Bato na muling lumitaw – mismong sa oras ng botohan sa impeachment trial ni Sara at bumoto nang walang sala?
Nagawa niya iyon sa unang pagkakataon, uulit-ulitin niyang gagawin iyun sa bawat pagkakataon na kakailanganin.
At ito ang totoong nakakapagpapasulasok. Lantaran na ang pang-uunggoy sa sambayanan.
Hindi porke’t ligal ay makatarungan.
Meron akong malaki-laking parcela ng lupang pinusisyunan mula pa noong 1968 sa isang liblib na sulok ng Antipolo. Nagkataong kanugnog ng lupang iyun ay ang malawak na area na noong 1973 ay pinagtayuan ng Assumption School. Ang dating nilalakad ko lang upang marating mula sa bayan ay nilatagan ng Sumulong Highway, palibhasa ang mga magsisidaan ay mga anak-anak ng mga angkan mula Forbes Park, Dasmariñas Village at Ayala Alabang. Ang maiksing distansyang iyun, mga tatlong kilometro mula kabayanan ng Antipolo, ay ang magulang ng Sumulong Highway na sa paglipas ng panahon ay tumagos hanggang Marikina.
Sulputan na ang mga landgrabber, lahat nagpapakita ng ligalidad ng pag-aari sa lupang napoposisyunan ko. Sa sumunod na mga labanan sa korte, mangyari pa talo ako. Wala akong talento na tanging sa bisa ng ligalidad, maaari mo nang angkining iyo ang sa kaligtasan ay hindi. Mas napahahalagahan ko ang winika ng lider Igorot na si Macliing Dulag: “Papaano mo aariin ang isang bagay na patay ka na ay patuloy na naroroon?”
Una pa muna, ang Torrens System ng pribadong pag-aari ng lupa ay hindi katangian ng sinaunang Pilipino. Ito ay ipinakilala lamang ng mga mananakop na Amerikano sa pagsisimula ng Ika-19 na siglo.
Sa anu’t anuman, hanggang sa mga sandaling ito na ako ay 85 anyos na, naroroon pa rin ako sa lupa, kasama ng aking mga anak at mga apo, na naninindigan na ang lupa ay amin sa bisa ng sinaunang posesyon na ang tanging makakapagpawalang bisa ay ang kitlin ang aming mga buhay.
Kagaya ng minsan nang aking nahalaw sa kolum na ito na pahayag ng abogado ng mga Nazi sa ipinagdiriwang na Judgment at Nuremberg, “Not all that’s legal is the truth (Hindi lahat ng ligal ay siyang totoo.)
Hindi porke’t nananatiling ligal si Bato bilang senador ay nanatili siyang tapat na lingkod bayan na marapat na pagkalooban ng lahat ng prebilihiyong nararapat sa isang halal na senador. Sa kanyang sadyang di-pagtugon sa tungkulin sa loob ng mahabang panahon, pinawalang-bisa na niya ang kanyang panunungkulang kaloob ng lehitimong halalan.
Ang anumang pangangatwiran taliwas dito ay dapat na pagsulong lamang ng makasariling interes.
At lalo na kung ang gayung makasariling interes ay nakatuon sa pagbastardo ng mga sagradong proseso na ginagarantiyahan ng Saligang Batas – halimbawa, ang impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte – ang gawain ni Bato ay totoong karumaldumal.
Sa usaping ito, mahalagang puntuhin ang opinyon na ipinahayag ni Chief Impeachment Prosecutor Gerville Luistro.
Ikinatwiran, bilang isang halimbawa, ng kampo ni Sara na labag sa batas ang mga pagbubulgar ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa mga transaksyon ng mga bank accounts ni Sara na nagkakahalaga ng sangkaterbang bilyones na piso. Argumento ng mga abogado ni Sara, ang mga transaksyon na iyun ay protektado ng Bank Secrecy Law; ang pagbulgar sa mga nasabing transaksyon ay paglabag sa batas na ito.
Nakakagulat ang pananggang argumento ni Rep. Luistro.
Lahat ng batas, aniya, ay nakapailalim sa Saligang Batas. At kung ang probisyon ng isang batas ay sumusupil sa pag-iral ng mandato ng Saligang Batas para sa ganap na accountability (pagpapanagot sa mga iligal na gawain ng mga opisyal publiko), ang batas na iyon ay dapat na pumailalim sa kaitaasan ng Konstitusyon.
Itaas sa usaping ito ang Konstitusyon.
Konstitusyon ang dapat na masunod.
Sa usaping ito tiyak na hahantong ang ultimong pagpapasya kung sa impeachment si Sara ay maysala o wala.
Laking malas na ang kapasyahan ay hindi na dadaanin sa kawastuan ng mga pangangatwirang pangkatarungan kundi tanging sa paramihan ng boto.
Walang ipinag-iba sa proseso ng eleksyon. Hindi pinag-uusapan kung kwalipikado o hindi kundi kung gaano kalaki ang kakayahan ng isang kandidato na mamili ng boto.
Sa kahuli-hulihan, sa kabila ng mga inaasahang pambabaluktot sa proseso, ang impeachment ni Bise Presidente Sara ay pagpapasyahan ng mga mamamayang tunay na naghahangad ng hustisya.
Dito tunay na kaingat si Sara at mga alipures.
Ipinakikita ng kasaysayan na sa mga mapagpasyang sandali, ang mga mamamayan at mga mamamayan lamang ang magpapasya.

