KUMUSTA KAYO, minamahal kong mga mambabasa at tagasubaybay? OK ba kayo, kaya pa ba? Kaya pa ba natin ang mga nakakatawa/nakakaiyak na mga pangyayari sa ating bansa?
Paumanhin na sa tagal ng ating pagbabahaginan ay ni hindi ko man naalalang kumustahin kayo, kung okay ba ang mga ibinabahagi ko sa inyo, kung kapaki-pkinabang ba, kung mayroon ba kayong mga tanong na ibig ninyong sagutin ko.
Kumusta? Ganito ang karaniwang batian kapag matagal na hindi nagkita ang magkakaibigan at magkakakila, at ibig malaman kung ano na ang buhay-buhay sa ngayon ng taong tinatanong. Isang paraan din ng magiliw na pagbati na waring nagpapahayag ng malasakit sa kapwa.
Pero ang tanong ng bayan sa ngayon: Kumusta o kamusta? Nangungumusta o nangangamusta?
Nabuhay na muli ang tanong kung alin ba ang tama – KUMUSTA o KAMUSTA?
Kaugnay ito ng munting drama sa Senado kamakailan, nang umiiyak (sabi ng marami, IYAK-PUSA raw: WALANG LUHA) na nagpahayag ng matinding hinanakit sa mga kapwa senador na kabilang sa minorya, na maagang nagsiuwi. Na kaya nag-uwian ay initsapwera sila dahil majority bloc lang pala ang may caucus, hindi kasali silang nasa minorya.
Makaraan ang isang linggo, sa kanyang privilege speech, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na “parang walang nangyari” na tinugon naman ni Senador Pia Hontiveros na takot na takot siya sa gitna ng putukan (totoong PUTUKAN, hindi PUTAKAN lang) noong Mayo 13, pero walang nakaalalang KUMUSTAHIN silang mga senador na naiwan sa Senado nang gabing iyon.
Mabilis ang mga memes ng mga pilyo/pilyang netizens – agad naglabasan ang sari-saring reaksyon na bunga ng maruming isip nila. Dapat nga naman tayong MANGAMUSTA sa kanila na mga nag-overtime sa Senado sa harap ng pinagdagisunang malutong at malinamnam na tacos delivery, may kasama pang coffee latte, habang masayang nagfe-Facebook LIVE at nagtatawanan, hindi alintana ang katatapos lamang na ganap. Na nang mahawi ang usok ng putukan, aba, wala na ang bulalakaw (biglang sulpot, bigla ring nawala).
Kasabay ng kanilang pakikikumusta sa senadora, pinagbintangan naman nila ito ng pangit na performance at masamang script. Lalo na nang nanggagalaiting ipinahayag ni SP Cayetano:
“The Senate is under attack … Was under attack!” (Huwag namang nasa ILALIM NG ATAKE, HA? Kayong mahilig mag-translate ng mga preposition sa English. Simpleng INATAKE lang iyan. )
Salamat sa mabunying senadora. Lahat na ngayon ay NAGKUKUMUSTAHAN/NAGKAKAMUS-TAHAN sa isa’t isa. Nabuhay ang dating tanungan kapag nagkikita.
Maraming gumamit ng KUMUSTA, NANGUMUSTA pero marami rin na ang ginamit ay KAMUSTA, NANGAMUSTA. Kaya lumitaw na naman tuloy ang dati nang tanong tungkol sa kawastuan ng salita: KUMUSTA o KAMUSTA?
Kumusta o kamusta?
Kung Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang tatanungin, walang KAMUSTA. Walang entri sa printed na Diksyunaryo ng Wikang Filipino Sentinyal Edisyon (1998) at wala ring ganitong salita sa online na KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino (2026).
Sa printed edition, ganito ang depinisyon ng KUMUSTA: (png.) “Kataga o magiliw na gamit sa pagpapakilala ng magandang loob sa kapwa na katumbas ng: Ano ba ang buhay-buhay?” Iba pang anyo: pangungumusta (pangngalan); kumustahin: (pandiwa.) “Magiliw na batiin ang isang tao at itanong ang lagay ng buhay sa kasalukuyan.”
Sa online edition naman, ganito ang nakasaad: “Pagbati na tanong sa kalagayan ng isang tao.” Ibang mga anyo: kumustahan, pagkumusta, ikumusta, kumustahin, mangumusta.
Ang KUMUSTA ay mula sa Kastilang COMO ESTA? Naging KUMUSTA nang hiramin ng ating mga ninuno. Ganyan namang talaga ang panghihiram ng mga salita. iniaangkop ng nanghihiram na wika sa sariling palatunugan at palabaybayan ang hiniram na salita.
Bakit walang entri na KAMUSTA sa diksyunaryo? Ito ay dahil isa lamang na anyo ang tinatanggap ng KWF. Maaaring magbago ang pananaw na ito sa hinaharap, dahil maraming gumagamit ng KAMUSTA. Kung ibabatay sa mga narinig sa mga broadcast, podcast, balita, gayon din sa mga balitang nakasulat at sa mga pahayag sa Facebook, hati ang mga mamamayang tagagamit ng wikang Filipino sa paggamit ng dalawang anyo ng salita. Bagama’t may nagsasabing ang standard na anyo ay KUMUSTA, hindi matatawaran ang dami rin naman ng mga gumagamit ng KAMUSTA.
Saan ba galing ang KAMUSTA? Ibang anyo ito ng KUMUSTA na nariyan na sa dila ng ating mga kababayan at hindi basta maisasantabi. Maaaring may mga gumagamit nito upang mapaiba sa karaniwan, iyong NOVELTY factor na nabanggit ko na dati. Maaaring ang anyong ito ang una nilang narinig, at tuloy nakagawian na.
Ano man ang dahilan, ganyan talaga nagbabago at umuunlad ang alin mang wikang buhay.
May iba pa ngang anyo na nauuso na rin ngayon: MUZTA? MUZTA KA? MUZTA ka na? Di ba ginagamit na rin ninyo ito sa mga text message, sa Mesenger, sa iba pang platform?
Ano naman itong KUMASTA?
Nakita raw ito sa isang airport sa ibang bansa na nagpapakita ng mga batian sa iba’t ibang wika.
Tawanan ang naging reaksyon ng mga nakakaalam sa kahulugan ng salitang KUMASTA katumbas ng Ingles na “How are you?”. Typo error lamang pero mayroon itong MAHALAY na kahulugan. Ito ay pandiwa mula sa salitang ugat na KASTA.
Ayon sa KWF Diksyunaryo, 1998), ang KASTA ay: 1. 3. Lipi, angkan. 2. Henerasyon, salinlahi. 3. Pangangasawa ng hayop.
Ayon naman sa online na KWF Diksiyonaryo, ito ay mula sa Espanyol na “CASTA. Zoolohiya: pagtatalik o pangangasawa ng hayop. Pangangasta (png.).”
Sa isang Spanish-English/English-Spanish dictionary, ang CASTA ay “race, caste, breed (animals); kind, species, quality.” Halimbawa, De buena casta. Halimbawa sa Filipino: Uy, maganda ang kasta ng inahing baboy mo, siguradong marami iyang iaanak.
Kaya, ingat-ingat din sa mga pahayag. Basahing paulit-ulit ang isinusulat at tiyaking LIBRE MULA SA MGA KAMALIANG TIPOGRAPIKAL ang iyong mga sinasabi. Mas mainam kung simpleng: WALANG KAMALIAN SA ISPELING.
Si Rey Valera, one more time
Samantala, nauuso na naman ngayon ang awit ni Rey Valera, ang KUMUSTA KA? May iba-ibang memes at baryasyon, pero ang nakakalungkot na katotohanan: Ang BABA na ng Senado sa ngayon! Sana, sa paulit-ulit na PANGUNGUMUSTA at PANGANGAMUSTA ng balana, makaahon pa rin ito sa karumal-dumal na posisyon.

