31.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 13, 2026

DOST isinusulong ang ‘repurposing’ bilang alternatibo sa pagsusunog ng mga lumang watawat

- Advertisement -
- Advertisement -

Ni Abigael S. Omaña, DOST-STII

PINANGUNAHAN ng Department of Science and Technology, sa pamamagitan ng Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI), ang seremonya ng pagreretiro ng mga lumang watawat ng Pilipinas kamakailan, bago ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas at wastong disposal ng mga pambansang simbolo.

Pinangunahan ng Department of Science and Technology-Philippine Textile Research Institute ang pagsusunog ng mga lumang watawat ng Pilipinas alinsunod sa itinakda ng Republic Act No. 8491Flag and Heraldic Code para sa marangal na disposal ng mga watawat at mga pambansang simbolo ng bansa. Kuha ni Xyrus Ivan De Gracia, DOST-STII

Sa ilalim ng Republic Act No. 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines, ang mga luma o sirang watawat ng Pilipinas ay dapat i-dispose sa pamamagitan ng marangal na pagsusunog. Nakasaad sa batas na ang watawat ay “dapat taimtim na sunugin upang maiwasan ang maling paggamit o paglapastangan.”

Sa nasabing seremonya, binigyang-diin ng mga opisyal ng DOST ang pangangailangang muling suriin ang batas upang pahintulutan ang mga makakalikasang paraan ng pagreretiro ng mga lumang watawat sa pamamagitan ng recycling at repurposing.

Ipinaliwanag ni DOST-PTRI Director Julius L. Leaño na ang institusyon ay nagsusulong ng mga amyenda partikular sa probisyon na nag-uutos na pagsusunog lamang ang tanging paraan ng pagreretiro ng watawat.

“Nakalagay kasi mismo sa titik ng ating batas na talagang ang pagsusunog po ang pamamaraan ng pagre-retiro ng watawat,” paliwanag ni Leaño.

Gayunman, iginiit niya na nais ng DOST-PTRI na kilalanin ang recycling bilang isang alternatibo sa pagreretiro ng mga lumang watawat dahil sa pamamagitan nito ay hindi na makikilala ang watawat sa orihinal nitong anyo.

“Bagkus, binibigyan natin ng panibagong buhay ang watawat,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ni Leaño na ang recycling ay nagbibigay ng panibagong layunin sa mga lumang watawat sa halip na ituring lamang itong basura.

Ipinaliwanag pa niya na ang proseso ng recycling ay gumagamit ng physical fiber recovery, kung saan hinihiwalay ang tela upang makuha ang mga hibla na maaari pang magamit sa ibang aplikasyon.

Ayon sa institusyon, humigit-kumulang 90 hanggang 95 porsiyento ng materyal ay maaari pang marekober sa pamamagitan ng prosesong ito.

Samantala, ipinahayag ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. sa isang panayam na dapat nang magsimulang tuklasin ng bansa ang mas sustenableng mga alternatibo habang pinananatili ang paggalang sa dignidad ng watawat ng Pilipinas.

“Luma na ang ating batas kaya kailangan natin itong baguhin. At maaari natin itong gamitin ng tama,” aniya.

DOST isinusulong ang ‘repurposing’ bilang alternatibo sa pagsusunog ng mga lumang watawat

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagbabawas ng basura at pagsuporta sa pangangalaga ng kalikasan.

“Siyempre, nakasaad sa batas na dapat itong sunugin. Ngunit sana sa hinaharap, mabago natin ang batas sa pamamagitan ng muling paggamit ng watawat para sa mas kapaki-pakinabang na layunin, lalo na sa ating adbokasiya para sa circular economy. Kailangan nating tiyakin na ang bagong batas ay hindi lamang magbibigay-pugay sa ating watawat kundi magsusulong din ng paggamit ng mas kaunting plastik at mas maraming natural fiber,” dagdag niya.

Pinangungunahan ng DOST-PTRI ang mga pag-aaral kung paano pa maaaring magkaroon ng makabuluhang gamit ang mga lumang watawat matapos itong iretiro. Ani Solidum, bukod sa tradisyunal na gamit ng watawat, maaari pang magamit ang mga hibla nito sa iba pang layunin.

Inanunsyo naman ni Leaño na patuloy na tumatanggap ang DOST-PTRI ng mga lumang watawat ng Pilipinas sa buong taon.

Maaaring makipag-ugnayan ang publiko nang direkta sa DOST-PTRI o sa mga provincial science and technology offices para sa wastong pagsuko at pagreretiro ng mga lumang watawat.

Sa kasalukuyan ay nakalikom na ang institusyon ng 3,333 lumang watawat para sa wastong pagreretiro at posibleng mga inisyatiba sa recycling.

Ang Philippine Textile Research Institute (PTRI) ay isa sa mga attached agencies ng Department of Science and Technology (DOST) na naglalayong magbigay ng mga maka-agham, makabago, at inklusibong solusyon sa ilalim ng apat na estratehikong haligi: kapakanan ng tao, paglikha ng yaman, proteksyon ng yaman, at pagpapanatili o sustainability. Ang mga haliging ito ay sumasalamin sa mantra na OneDOST4U: Solutions and Opportunities for All. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.ptri.dost.gov.ph.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -