SA wikang Filipino, maraming pares ng mga salitang magkakapareho ng baybay pero magkaiba ng bigkas at magkaiba rin ng kahulugan. Mahalaga ang tamang bigkas upang makapaghatid ng tama at kompletong impormasyon, lalo na para sa mga nagbabahagi ng pasalitang komunikasyon – mga nasa broadcast media, mga nagbabalita sa radyo at telebisyon, mga nagpopodcast, at mga nag-iinterbyu at nagpapainterbyu. Isang pagkakamali sa bigkas at maling impormasyon, o kulang na impormasyon, ang makakarating sa madla.
May mga salita rin sa Filipino na kapag binigkas nang kulang sa pagpapahaba at impit na tunog ay kulang na kahulugan ang maipaparating sa mga tagapakinig.
Sa interbyu ng isang kilalang broadcast journalist sa puganteng senador, ganito ang itinanong: “NAGTATAGÔ ho ba kayo?” Binigkas ang salitang NAGTATAGO nang mabilis ang huling pantig at may impit na tunog sa huling patinig. Ganito naman ang sagot ng mabunying senador, na hindi siguro naintindihan ang tanong, o posible ring umiiwas: “NAGTATAGÒ ako kung hindi ninyo ako nakikita; kung nakikita ninyo ako, hindi ako nagtatago.” May impit na tunog din sa huling O ng salitang “nagtatagò.” Pero mabagal ang bigkas. Magkaiba ng kahulugan ang dalawang salitang may magkaibang bigkas. Kapwa may impit na tunog sa dulong patinig, pero ang isa ay mabilis ang bigkas, samantalang mabagal naman ang ikalawa. Ang pagkakaibang ito ang nagbibigay ng magkaiba ring kahulugan. Na maaaring hindi alam ng puganteng senador (baka absent siya nang talakayin sa klase ang pagkakaibang ito).
Pareho ang dalawang salita sa kahulugan ng pagtatakip, o hindi paglitaw o hindi pagpapakita. Pero kapag binigkas nang mabilis ang salita, may dagdag nang kahulugan ng hindi pagpapakita dahil tumatakas sa pananagutan. NAGTATAGÔ dahil may kasalanang ayaw pagbayaran.
Sa hinaba-haba ng interbyu, hindi na uli inulit ng broadcast journalist ang wastong bigkas, at natapos ang interbyu nang kapwa NAGTATAGÒ (mabagal ang bigkas) ang sinabi ng dalawang nag-uusap. Hindi nabigyang diin, kung gayon, sa kanilang pag-uusap, na ang isa sa kanila ay may kasalanang ayaw panagutan. Samakatwid, kulang ang impormasyong nakarating sa mga tagapakinig/tagapanood.
HUli, huLI
Narito ang isa pang halimbawa. Sinabi ng isang kilalang political analyst: “Bakit siya nahuLí?” Na iwinasto rin naman niya agad: “Bakit siya naHUli, ang ibig kong sabihin.” (Ginamit ang malaking titik para ipakita kung aling pantig ang pinapahaba o binibigyang diin.) Ang una, nahuLí, ay nangangahulugang LATE sa Ingles, o hindi nakarating sa takdang oras. Halimbawa, alas diyes ng umaga ang usapan, pero nakarating ang isang tao nang alas onse na ng umaga, samakatwid, isang oras siyang “nahuLI” sa usapan.
Samantala, ang “naHUli” (ang HU ang may aksento o binibigyang diin) ay nangangahulugang “nadakip.” Tingnan ang pangungusap na ito: “NahuLI” ng dating ang mga NBI agents, kaya hindi nila “naHUli” ang pugante. Kapag nabaligtad ang bigkas ng dalawang salita ay tiyak na kalituhan ang ibubunga.
May talino pero kulang
“Para sa senador na hindi naman KAtalinuhan…” Ito ang sinabi ng isang poIitical analyst tungkol sa isang mayabang na senador. Iba ang “KAtalinuhan” (may diin sa unang pantig na KA) sa “katalinuhan.” Ang una ay nangangahulugang “tinimbang ka ngunit kulang,” kung gayon, “hindi gaanong matalino, kung may talino man. Samantala, ang “katalinuhan” ay pagkakaroon ng talino. Ganito rin ang “KAgandahan.” Halimbawa: Hindi naman siya KAgandahan, kaya huwag nang umasang magwawagi. Ibig sabihin, hindi gaanong maganda. Makikita sa dalawang halimbawang ito na nababawasan ang katangiang ipinapahayag ng salitang ugat depende sa bigkas ng salita.
KaLAT, KAlat
Dapat tayong maging mapanuri sa panahon ngayon na “nagkaLAT” ang fake news. Ito naman ang narinig ko minsan sa isang podcast. Na iwinasto naman agad ng host. “NagKAlat” dapat, ang sabi ng host. Tama naman, ang nagkakaLAT ay tao. Kapag “nagKAlat,” inilalarawan ang pagkakaroon ng napakaraming kalat (nakalagay kung saan-saan at wala sa ayos ang kung ano-anong dumi at basura).
Kaya angkop lamang ang tinuran ng dating Senador Richard Gordon: “NagkaLAT si Cayetano. Talagang nasira ang Senado diyan.” Ang tao ang gumagawa ng pagkakaLAT, ang mga bagay-bagay ang nakaKAlat. Tama rin: KaLAT na kaLAT na sa buong mundo ang pagkakaLAT ng majority senators.
Babà, babâ
Dahil sa mga pangyayari sa Senado nang nakalipas na dalawang linggo, napakababa na ng tingin ng marami sa tinatawag na Mataas na Kapulungan ng Kogreso. Ang BABÀ ang pinakamababang bahagi ng ating mukha. Ang BABÂ naman ay maaaring salitang ugat ng pandiwang BUMABA, o pumunta sa IBABA, o mababang lugar. Maraming nagkakamali. Dahil kulang sa pagsusuri, maraming nag-aakala na pareho lamang ang dalawang salita. Inaakala nila na pareho lamang ng kahulugan ang BABA (chin) at ang BABA (ibabang bahagi ng isang lugar, na naklatas ang unang pantig na I-).
Ang daming nangyayari ngayon sa ating bansa. Muli, nahaharap tayo sa malaking kahihiyan sa buong mundo dahil sa kagagawan ng mga politiko. Dahil sa pagkagahaman sa pera at kapangyarihan, hindi na alintana kung mapahiya man ang ating bansa sa buong mundo.
Kung minsan naman, iyon pang mga taong hindi “KAtalinuhan”ang siya pang mayabang. Tulad na lamang ng isang senador na nagsabing “mahirap sa isang senador ang walang legal background.” Habang binibigkas ito ng mabunying senador na hindi KAtalinuhan, nasa likod naman niya ang isang kapwa hindi KAtalinuhang senador, na siyang tunay na natamaan. Nahalungkat tuloy ng mga netizens ang isang lumang kasabihan: “Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay.”
Ano’t ano man, laging tiyaking angkop at wasto ang ating bigkas upang maipahatid sa mga kausap ang tama at walang kulang na impormasyon.

