28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

Hindi korum kundi ano ang hinatulan ng Korte Suprema? 

- Advertisement -
- Advertisement -

BINABALUKTOT ang desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ng isang titser na ideklarang may korum ang sesyon ng Senado noong Hunyo 3, 2026. Sa sesyon na iyon na binoykot ng kampo ni Senador Alan Peter Cayetano, ideniklarang bakante ang puwesto ng Senate Presidente at ng mga pinuno ng mga Komite.

Kung napagbigyan ang petisyon ng titser, mapagtitibay ng Korte Suprema ang nangyaring pagtalagang President Pro Tempore at Acting Presiding Officer kay Senador Sherwin Gatchalian.

Subalit dahil tinanggihan nga ng Korte Suprema ang petisyon, nagsulputan sa social media ang mga pahayag na labag sa  Konstitusyon ang mga hakbang na isinagawa ng kampo ni Gatchalian sa sesyon noong Hunyo 3.

Walang mas malayo sa katotohanan.

Ang totoo, hindi pinakialaman ng Korte Suprema ang korum at mga kaganapan sa sesyon ng Senado noong Hunyo 3.

Ang pinagpasyahan ng Korte Suprema ay ang ligalidad ng petisyon ng titser.

Ayon sa desisyon ng Mataas na Hukuman, hindi napatunayan ng petisyoner na siya  ay  naperhuwisyo o mapeperhuwisyo ng pagpapatuloy na panunungkulan sa puwesto ng mga kinuwestyong opisyal, sina Senate President Alan Peter Cayetano, Senador Pia Cayetano bilang Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, at Senador Loren  Legarda bilang Senate President Pro Tempore. Ang mga rekisitos na nabanggit – mga rekisitos upang kilalaning ligal ang petisyon – ang dahilan kung bakit “ibinasura” ang petisyon ng titser.

Uulitin, ang ligalidad ng petisyon lamang ang pinagpasyahan ng Korte Suprema, hindi  ni katiting ng kuwestyon kung ligal ba o hindi ang sesyon ng Senado noong Hunyo 3 at ang mga pinagtibay nitong mga kapasyahan.

Sinasabi ng grupo ni Gatchalian, ligal, lahat naaayon sa Konstitusyon.

Patuloy na pinaninindigan ng grupo ni Cayetano na siya pa rin ang Senate President.

Naririyan ang dalawang nag-uumpugang bato.

Isa sa dalawa ang hindi maaaring hindi bumiyak.

Alin?

Sa tanong, nagpahiwatig na ng hindi pakikialam ang Korte Suprema.

Bilang pang-gilid na opinyon sa nabaluktot na desisyon sa ibinasurang petisyon ng titser, winika ng Mataas na Hukuman na ang usapin sa sigalot sa Senado ay pulitikal. Sa ilalim ng sagradong checks and balances na gabay ng demokratikong pamahalaan, hayaan ang Senado ang lumutas sa sariling gulo.

Sa ganang kolum na ito, ang gawi ng Korte Suprema ay larong pag-iwas na madawit sa panahong hindi pa kailangan.

Sa larong ito, lalo lamang lumala ang sigalot.

Sa tanggapin natin, sa hindi, ang sigalot ay biglang-biglang sumabog papalapit sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte. Pinaghandaang mabuti ng House Prosecution Panel ang paglilitis, at kung si Sara ang masusunod, aayawin niyang matuloy ito. Tiyak sa pagkakataon ngayon, dikdik na siya nang todo-todo.

Iisa na lang ang natitirang paraan: huwag matuloy ang impeachment trial.

Hindi ba natin napupuna? Walang kaabug-abog, nag-boykot ang tropa ni Cayetano, na siyang mayorya sa Senado. Maliwanag na sa ganung boykot, ang buong Senado ang apektado.

Lahat-lahat na ng gawain nito.

At sa mga gawaing ito, ano ang namumukod tangi?

Ang impeachment trial ni Sara.

Kung ganyang biyak ang Senado, sino pa ang maglilitis kay Sara?

Alin lamang sa dalawa, ang nanatiling pangkat ni Gatchalian o ang bumaklas na mayorya ni Cayetano?

Ngayon, ano ba itong kampo ni Cayetano kundi binubuo ng mga sertipikadong mga  tagasunod ni Duterte?

Ang maliwanag na bunga ng kanilang walang kadahi-dahilang di-pagsipot sa sesyon ng Senado noong dalawang araw bago ang Hunyo 3 ay ang wala nang katiyakang magaganap pa ang paglilitis kay Sara.

Na siya ngang gugustuhin ng Bise Presidente.

Sa usapin ng kung itutuloy o hindi ang paglilitis kay Sara, saan pa lalagay ang kampo ni Cayetano kundi sa hindi?

At ano ang pinakamabilis at mabisang paraan para gawin ito?

Pigilan ang ahensyang may tungkuling gumawa ng paglilitis – ang Senado.

Sa ginawa ng kampo ni Cayetano, di ba  nanganganib na ngang muling mapigilan ang paglilitis kay Sara?

Sinasabi ng Konstitusyon, ang Senate President ang Punong Mahistrado ng Impeachment Trial Court.

Sino ang Senate President?

Sabi ni Cayetano, siya.

Sabi ni Gatchalian siya na.

Sino na ngayon?

Ang impeachment trial na una nang naipahayag na magsisimula sa Hulyo 6, 2026 ay narinig sa bibig ni Senador Gatchalian na nakatakda na sa Hulyo 19.

Sa anu’t-anuman, nananatili ang tanong: Ligal ba ang impeachment trial court na gagawin ng kampo ni  Gatchalian?

Hindi na napakalayo ng petsang nabanggit ni Gatchalian na pagsisimula ng impeachment trial.

At batay sa Konstitusyon, ang impeachment trial ay kailangang ganapin sa venue ng Senado, ang GSIS Building sa Pasay City.

Si Gatchalian ang may basbas ng ganung venue.

Lumalapit ang petsa ng paglilitis, lalong gumugulo.

Hindi malayong ang gusot ay sumabog sa isang ganap na pagbabalikwas.

Una pa, ganun na ang ginawa ng kampo ni Cayetano.

Walang ibang paraan upang maligtas si Sara – sa muling pagkakataon.

Iisang paraan lamang ang maaaring gawin sa problemang ito: ang makialam na nga ang Korte Suprema.

Magdeklara kung ano ang ligal na marapat.

Nagkataon nga lang na ang naghain ng petisyon sa paglutas sa suliranin ay walang ligal na personalised.

Hindi malayong ang nasabing petisyoner ay kasabwat pa ng kampo ni Cayetano. Alam sa una pa ang kawalan niya ng ligalidad. At ang magaganap na tiyak na pagbasura rito ng Korte Suprema ay lilikha ng malawak na opinyong publiko na ang kampo ni Gatchalian ay iligal.

Na siya ngang nangyayari sa ngayon.

Kung ituloy man ng kampo ni Gatchalian ang paglilitis kay Sara sa Hunyo 19, nakabinbin pa rin ang usapin sa ligalidad ng kampong ito.

Ultimong tanong, paano kung sa paglilitis ng Senado ay lumitaw na nagkasala si Sara?  Hindi ba lilitaw na ito ay desisyon ng kwestyonableng Impeachment Trial Court? Sa ganung kalagayan, saan hahantong ang usapin upang lutasin?

Tanging sa Korte Suprema.

At naganap ang pinakanang dapat na maganap. Ipalitis si Sara sa tinututulang  Impeachment Trial Court upang oras na ipagkaloob ang hatol na siya ay nagkasala, iyon ay ultimong papatak sa Korte Suprema na siyang nagpakawala sa kanya sa unang pagkakataon noong isang taon.

Hanggang sa ngayon, sa 15 Associate Justice ng Korte Suprema, nananatili na ang 13 ay mga appointee ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte.

Sabi ko sa isang kolum, ang Korte Suprema ay di tulad sa kidlat na di umuulit ng tama sa iisang target. Kung ano ang ginawa nito noong isang taon upang iligtas si Sara, iyun pa rin ang magaganap sa pagkakataon ngayon.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -