NANAWAGAN si Senator Mark Villar sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na agarang suriin at repormahin ang mga umiiral nitong polisiya, partikular ang 24-hour confinement requirement, kasunod ng reklamo ng isang biyuda na nagsabing hindi naibigay ang benepisyo ng kanilang pamilya dahil sa naturang patakaran.
“May Universal Health Care Law na tayo. Ang direksyon ng ating healthcare system ay dapat nakatuon sa mas malawak na access at mas mabilis na serbisyo, hindi sa mga patakarang nagdudulot ng kalituhan at pangamba sa mga miyembro. Walang pamilyang dapat mawalan ng benepisyong matagal nilang pinaghirapan dahil lamang sa teknikalidad,” pahayag ni Villar.
Iminungkahi rin ng senador na magsagawa ang PhilHealth ng komprehensibong pagrepaso sa kanilang claims processing system, kabilang ang pagsusuri sa 24-hour confinement policy, at palakasin ang mga programa para sa impormasyon at edukasyon ng publiko upang matiyak na malinaw sa mga miyembro ang kanilang mga benepisyo at karapatan.
Ayon kay Villar, mahalaga ang mga repormang ito upang maiwasan ang hindi makatarungang denial ng claims dahil sa mga teknikalidad na hindi naman orihinal na layunin ng Universal Health Care Law. Aniya, dapat ding palawakin pa ng PhilHealth ang kalidad at saklaw ng serbisyo nito upang ganap na maipatupad ang isang episyente, malinaw, at makataong sistemang pangkalusugan.
“Bawat kontribusyong ibinabayad sa PhilHealth ay pinaghirapan ng ating mga kababayan. Nararapat lamang na magkaroon sila ng kumpiyansa na may institusyong handang umalalay sa kanila sa oras ng pangangailangang medikal. Ang layunin ng PhilHealth ay protektahan ang mga Pilipino, at ito ay dapat na nasasalamin hindi lamang sa mga polisiya kundi sa aktwal na karanasan ng bawat miyembro,” pagtatapos ni Villar.

