29.4 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 24, 2026

Kumperensiyang Tatsulok: Paggunita sa Ika-165 kaarawan ni Jose Rizal

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG nakaraang Hunyo 19, ginunita ng bansa ang ika-165 kaarawan ng ating bayaning si Jose Rizal. Isinilang siya noong Hunyo 19, 1861. Binaril siya sa Bagumbayan (Luneta ngayon) noong Disyembre 30,1896. Bagama’t maikli ang inilagi niya sa daigdig na ito (35 taon lamang), marami siyang naisagawa upang gisingin ang diwang makabayan noong kanyang panahon. Hanggang sa ngayon, kinikilala ng marami na napapanahon pa rin ang mga idea ni Rizal.

Dahil dito, inilunsad ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng Unibersidad ng Pilipinas – Diliman ang Tatsulok: Pambansang Kumperensiya sa Philippine Studies 2026 na may temang “Rizal at Pagkamakabayan.” Idinaos ito sa Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) noong Hunyo 18-19, 2026.

Ginugunita rin sa taong ito ang ika-70 taon ng pagkakapasa ng Batas Republika 1425 noong Hunyo 12, 1956. Ayon kay Dekano Jimmuel Naval ng KAL, “Hunyo rin nang simulang buksan ang mga kurso sa Filipino, panitikan, at mga wika sa Pilipinas animnapung (60) taon na ang dumaan. Dagdag ni Naval, ang kumperensiyang ito ay “armas na hahawan ng landas upang maipagpatuloy nina Jose Rizal kasama ang mga bayaning Pilipino sa kani-kaniyang panahon na maghanap ng laya at mabuting edukasyon upang maging kasangkapan sa pagtawid at maninirahan sa isang lipunang payapa, makatarungan, at kumikilala sa lakas ng batayang masa ng sambayanan.”

Samakatwid, tatlo ang ginugunita sa kmperensiya: kaarawan ni Rizal, pagkapasa ng BR 1425, at pagkatatag ng Departamento ng Pilipino at Philippine Studies sa UP. Marami nang pinagdaanan ang departamento, at ayon kay Prop. Schedar Jocson, Tagapangulo ng departamento, sa kasalukuyan, “ito ang pagkakakilanlan ng departamento: malikhain, mapanuri, kritikal, at makabayan.”

Tinawag na Tatsulok ang kumperensiya dahil kinikilala nito ang ugnayan ng akademya, bayan, at  mga kilusang panlipunan sa pagluluwal ng edukasyong makabuluhan para sa mga kabataan at sa bayan.


Sa kanyang mensahe, sinabi ni Dr. Nancy Kimuell-Gabriel, pangkalahatang convenor ng kumperensiya, ang hangad ng departamento na makapagsulong ng “tunay na Philippine Studies na tumutugon sa pangangailangan ng mayorya ng sambayanan sa ika-21 dantaon – mapanuri, transpormatibo, tumitindig sa kalayaan, katarungan, at tunay na pagbabagong panlipunan, nagsusulong ng mga aralin sa uri, kasarian, at etnisidad.”

Dalawa ang nagbigay ng susing pananalita. Tinalakay ni Dr. Ramon Guillermo, direktor ng Center for International Studies, UP Diliman, ang paksang “Si Jose Rizal bilang Tulay sa Pagitan ng Amerika Latina at Asya: Pilipinas, Venezuela at Palestina.” Tinalakay naman ni Dr. Marot Nelmida-Flores ng DFPP ang paksang “Si Rizal at mga Kilusang Bayan mula Siglo 19 Hanggang sa Kasalukuyan.”

Nagbasa ng mga plenaryong papel ang mga sumusunod:

  1. Rosario Bella Guzman ng IBON Foundation – “Lumang Moda, Bagong Pagpapalala: Ang Pang-ekonomiyang Kalagayan ng Pilipinas”
  2. Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist – “Pilipinas Makalipas ang 136 Taon: Si Rizal at ang Mapagpalayang Papel ng Edukasyon sa 21 Siglo.”
  3. Sarah Raymundo ng Center for International Studies, UP Diliman – “Postscript kay Rizal: Ang Asimetriko at Pangmatagalang Talaban ng Imperyalismo at ng mga Digmang Bayan sa Ika-21 Siglo”
  4. David Michael San Juan, De La Salle University – Manila, Tanggol Wika, Tama Na, Kilusang Bayan Kontra Kurakot – “Mga Kaisipan ni Rizal sa Panahon ng Pakikibaka Laban sa Korapsyon at Para sa Makabayang Edukasyon”
  5. Atty. Kristina Conti, sec. gen., National Union of People’s Lawyers, Accredited Assistant to Counsel, International Criminal Court – “Mga Kilusan, Tagumpay at Hamon sa Pagtataguyod ng mga Karapatang Pantao”
  6. Joaquin Buenaflor, tagapangulo, UP Diliman University Student Council – “Papel ng Kilusang Kabataan sa Kasaysayan: Ilang Tala sa Konteksto at mga Panawagan sa Pagpapatuloy ng Tradisyong Makabayan sa Siglo 21”

May apat na Sabayang Sesyon na may apat na panel bawat isa at may tatlong tagapagsalita sa bawat panel.

- Advertisement -

Nasa ibaba ang mga paksa ng bawat panel:

Panel 1A –  “Mga Diskurso at Usapin ng Uri, Kapangyarihan, Karapatang Pantao, at Kasarian” Panel 1B  –  “Batas, Pananagisag, at Pamana.”

Panel 1C –  “Usapang Agraryo at Kilusang Panlipunan”

Panel 1D – “Araling Midya at Kulturang Popular”

Panel 1E  – “Sistema at Kilusang Pang-edukasyon”

Panel 2A – “Agham, Kalusugan, at Hustisyang Pangkapaligiran”

- Advertisement -

Panel 2B – “Usaping Pangkasarian  at Kasaysayang Pampanitikan”

Panel 2C – “Wika, Pagsasalin, at Malikhaing Pagsulat”

Panel 2D – “Kasaysayan, Historyograpiya, at Araling Rizal”

Panel 3A – “Panitikan at Produksiyong Pampanitikan”

Panel 3B – “Sining, Panitikan, at Kulturang Popular”

Panel 3C – “Pedagohiya at Estratehiya sa Pagtuturo ng Rizal”

Panel 3D – “Dunong Katutubo at Alternatibong Edukasyon”

Panel 4A – “Pakikibakang Kordilyera at Bangsamoro”

Panel 4B – “Kolonyalismo, Imperyalismo, at Globalisasyon sa Lipunang Pilipino”

Panel 4C – “Kilusang Paggawa at Progresibong Simbahan”

Panel 4D – “Talambuhay, Ambag sa Araling Rizal, at Pagkamakabayan”

Panel 4E – “Ang Kasaysayan bilang Kuwento: Paano Isusulat si Rizal? Paano siya

Ikukuwento?”

Ang inyong lingkod ay nagbasa ng papel sa sabayang sesyon 2C. ibinahagi ko ang mga ambag ni Rizal sa pagreporma sa ispeling ng wikang Tagalog batay sa sinabi ng bayani na “ang sulat-Tagalog ay dapat maging sulat ng mga Tagalog,” gayon din ang pag-aaral ni Rizal sa kanyang unang wikang Tagalog, na nasa kanyang aklat na “Estudios sobre la lengua tagala.”

Makikita sa mga pamagat ng mga susing pananalita, mga plenaryong papel, at mga tema sa bawat panel ng mga sabayang sesyon ang lawak at lalim ng mga paksang kaugnay ng Araling Rizal at Araling Pilipino/Pilipinas.

Ito ay mga paksang dapat mabatid ng bawat Pilipino upang lumalim ang kanyang pagpapahalaga sa pagka-Pilipino at pagkakakilanlan bilang Pilipino. Nakalulngkot na hindi pinahahalagahan ng ating mga pinuno ang ganito kahalagang mga paksa. Sa halip ay binubura pa ang pagtuturo ng wikang Filipino, panitikan, at kasaysayan. Saan na patungo ang ating bansa kung ang mga kabataan ay walang kaalaman sa mga paksang ito? Magiging robot na lamang na walang puso at kulang sa mapanuring pag-iisip kaya madaling maitapon sa ibang bansa bilang murang lakas-paggawa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -