Naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong palakasin ang kapangyarihan at tungkulin ng National Economic and Development Authority o NEDA at gawing “institutionalized” ang pagpaplanong pangkabuhayan at pagpapaunlad ng bansa.
“Hindi sapat na mayroon tayong national development plan. Upang mas maging epektibo ang pagpapatupad nito, dapat maging independent ang NEDA para sa isang integrated at coordinated na pagpapatupad ng mandato nito,” saad ni Gatchalian, lalo na’t ang pag-prioritize ng mga development goals sa bansa ay kadalasang dumedepende sa political direction ng nakaupong administrasyon.
Ang NEDA kasi ay nilikha sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 107 noong Enero 24, 1973, at muling inorganisa sa bisa lamang ng Executive Order No. 230 series of 1987. Kaya naman layon ng Senate Bill 1060 na palakasin ang kasalukuyang mandato ng ahensya upang makamit ang isang tinatawag na inclusive economy na makakapaglikha ng mas maraming trabaho at oportunidad, magkaroon ng patas na pamamahagi ng kita at kayamanan; at itaas ang antas ng pamumuhay ng ating mga kababayan, ayon kay Gatchalian.
Sa ilalim ng panukalang batas, palalakasin ang awtonomiya ng mga local government units sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa upang mapabilis ang kanilang pag-unlad. Mangangailangan din ito ng partisipasyon ng publiko at pribadong sektor.
Batay pa rin sa naturang panukala, ang NEDA Board ay dapat magpulong isang beses kada tatlong buwan o kada quarter o magdaos ng emergency meetings tuwing kinakailangan, halimbawa kapag may sakuna, kalamidad, o iba pang emergency situations na maaaring makaapekto sa ekonomiya at pambansang kaunlaran.
Dapat tiyakin ng NEDA Board, kasama ng Department of Budget and Management o DBM at iba pang government oversight agencies, na ang taunang paglalaan ng pondo para sa mga pambansang programa at proyekto ay naaayon sa mga istratehiyang isinusulong ng Medium-Term Philippine Development Plan (MTPDP) at Medium-Term Regional Development Plans (MTRDPs).