29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Pagbabahagi ng benepisyo sa mga 100 taong gulang nais padaliin ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Nais padaliin at pabawasan ni Senador Win Gatchalian ang mga kinakailangang requirements para sa mas mabilis na pamamahagi ng benepisyo sa mga centenarians o mga Pilipinong umabot na ng 100 taong gulang.

Sa isang pagdinig sa panukalang pag-amyenda sa Centenarians Act of 2016 (Republic Act No. 10868), ibinahagi ni Gatchalian ang naging karanasan ng isang constituent na nag-apply para sa P100,000 cash gift noong 2021. Sa ilalim ng batas, makakatanggap ng P100,000 at pagbati mula sa Pangulo ang sino mang umabot ng 100 taong gulang. Ngunit batay sa naging karanasan ng naturang constituent na nagbahagi ng kanyang kwento kay Gatchalian, hindi pa niya natatanggap ang benepisyo hanggang sa araw na ito dahil hinihingan siya ng school records.

“Batay sa impormasyong natanggap ko mula sa isang constituent, may mga isyu rin sa pamamahagi ng mga benepisyo. Nagulat ako na isa sa mga requirements ay school records. Paano naman makukuha pa ng 100-year old ang school records niya? Kung hindi nasunog ay baka nabaha na,” ani Gatchalian.

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na susuriin nila ang naturang insidente at nanindigang simple na lamang ang hinihinging requirements para makuha ang naturang benepisyo. Ayon sa ahensya, sapat na ang birth certificate o affidavit mula sa centenarian o sa panganay na anak nito.

“Kailangan din nating resolbahin ang mga suliranin sa pagbabahagi upang maging mas madali at praktikal, lalo na’t mga kababayan nating 100 taong gulang na ang pinag-uusapan dito. Marami sa kanila baka bedridden na rin at hindi na masyadong makagalaw-galaw. May mga requirements na hindi na praktikal tulad ng school records,” ani Gatchalian na may-akda ng Senate Bill No. 824.

Layon ng panukalang batas ni Gatchalian na palawigin ang saklaw ng Centenarians Act of 2016. Sa ilalim ng naturang panukala, bibigyang ng P10,000 ang mga Pilipinong umabot sa 80 taong gulang, at P10,000 muli kung umabot sila ng 90 taong gulang.

Iminumungkahi rin ni Gatchalian ang pag-adjust sa mga halagang ito batay sa inflation o bilis ng pagtaas ng bilihin. Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, babaguhin ang mga halagang ito nang may konsultasyon sa Bangko Sentral ng (BSP). Gagawing batayan ang average annual inflation sa nakaraang tatlong taon.

Sa 2,465 na mga centenarians, 1,692 na ang nabigyan ng DSWD ng mga benepisyo nitong nakaraang taon. Kasama sa 2023 national budget ang pondo para sa 755 na centenarians na hindi pa nakakatanggap. May P254.1 million na nakalaan para sa pagpapatupad ng Centenarians’ Act of 2016.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -