28.6 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

Epektibong mental health program sa DepEd isinusulong ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang isang komprehensibong programang pang-mental health sa mga paaralan upang matiyak ang kapakanan ng mga mag-aaral.

Nababahala si Gatchalian na hindi pantay-pantay ang pagpapatupad sa paaralan ng mga programa sa mental health. Aniya, dala ng mental health disorders ang posibilidad ng pagpapakamatay. Ayon sa datos ng DepEd para sa taong 2021, 404 mag-aaral ang namatay dahil sa suicide samantalang 2,147 naman ang nagtangkang magpakamatay. Ayon din sa datos ng DepEd, 16,557 lamang sa 60,157 mga paaralan sa bansa ang may guidance office samantalang 21,837 lamang ang nagsagawa ng mental health celebration at awareness program.

Nababahala rin si Gatchalian na sa kabila ng mahalagang papel ng mga magulang sa pangangalaga ng kanilang mga anak, wala silang pormal na papel sa mga mental health programs ng DepEd.

Inihain ni Gatchalian ang Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 379)upang gawing institutionalized ang Mental Health and Well-Being Program. Bibigyan nito ang mga paaralan ng mga mental health services, emotional, developmental, at preventive programs, kabilang ang iba pang support services upang matiyak ang social at emotional well-being ng mga mag-aaral at teaching at non-teaching personnel.

Nagiging sagabal din ang kakulangan ng personnel sa pagpapatupad ng mga mental health program sa mga paaralan. Upang matugunan ang pangangailangan sa isang guidance counselor kada 500 na mag-aaral, kinakailangan ang 47,879 na mga registered guidance counselor sa buong bansa. Sa kasalukuyan, 4,379 lamang ang registered guidance counselor sa ilalim ng Professional Regulation Commission, samantalang 3,286 lamang ang aktibo.

Iminumungkahi ni Gatchalian ang pagtaas ng sahod ng mga guidance counselor. Sa ilalim ng kanyang panukala, aakyat sa Salary Grade (SG) 16 (P39,672) mula SG 11 (P27,000) ang sahod ng Guidance Counselor I, SG 17 (P43,030) mula SG 12 (P29,165) para sa Guidance Counselor II, at SG 18 (P46,725) mula SG 13 (P31,320) para sa Guidance Counselor III.

Iminumungkahi din ni Gatchalian ang paglikha ng bagong posisyong tatawaging Guidance Associate na tutulong sa pagpapatupad ng Mental Health and Well-Being Program.

“Batay sa aking obserbasyon, walang pagkakatugma-tugma at hindi holistic ang ating programa sa mental health. Kailangan natin itong gawing institutionalized at tiyaking maipapatupad nang maayos at tuloy-tuloy,” ani Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -