Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na unahin ang pagtaas ng sarili nitong capitalization alinsunod sa RA 11211 o ang Act Amending the New Central Bank Act sa gitna ng panukalang gawin itong isa sa mga pagkukunan ng pondo para sa Maharlika Investment Fund (MIF).
Sa ilalim ng panukalang batas, kailangang isuko ng BSP ang lahat ng dibidendo nito pabor sa MIF sa unang dalawang taon ng pagpopondo at pagkatapos ay 50% ng mga dibidendo nito sa mga susunod na taon. Sinabi ni BSP Deputy Governor Francisco Dakila, Jr. na aabutin ng 14 taon bago makamit ang P200 billion capitalization ng BSP kung gagamitin ang dibidendo nito para pondohan ang MIF.
Pero ipinagtataka ni Gatchalian na anumang pagkaantala sa target ng BSP na pataasin ang capitalization nito sa P200 bilyon ay salungat sa mga argumento na ginawa ng bangko sentral noong ang RA 11211 ay pinagdedebatehan pa lang sa Senado.
Sinabi ni Gatchalian na ang RA 11211, na naaprubahan noong Pebrero 2019, ay layong itaas ang capitalization ng BSP mula P50 bilyon hanggang P200 bilyon.
“Nagmamadali kayo noon na taasan ang capitalization ng Bangko Sentral sa P200 bilyon upang umangkop ito sa pagbabago ng panahon kasunod ng paglaki ng ekonomiya habang pinangangasiwaan nang maigi ang operasyon ng naturang institusyon. Pero ngayon na halos back-to-normal na, bakit hinahayaan ninyong mawala ang kikitain ninyo sa loob ng dalawang taon kung ilalagay ninyo ito sa MIF? Nasaan na ang sense of urgency ngayon?” tanong ni Gatchalian kay Dakila sa nakaraang pagdinig ng Senado sa panukalang lumikha ng MIF.
Ayon kay Gatchalian, ang pagpabor sa panukalang pondohan ang MIF mula sa mga dibidendo ng BSP ay nangangahulugan na pakakawalan na nila ang dalawang taon kita mula sa mga dibidendo. Lumalabas aniya na tila nabalewala ang boto nila noon pabor sa RA 11211.
Dagdag pa ng senador, ang BSP ay maaaring mawalan ng humigit-kumulang P10 bilyon hanggang P20 bilyon na pondo para sa capitalization nito kada taon kung imamandato itong mag-ambag sa MIF sa ilalim ng panukalang batas. Sinabi pa niya na tatlong taon pagkatapos maisabatas ang RA 11211, ang capitalization ng BSP, na kasalukuyang nasa P60 bilyon, ay tumaas lamang ng P10 bilyon at malayo pa sa target na capitalization nitong P200 bilyon.