Hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd) na paigtingin pa ang kampanya upang mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan ukol sa human immunodeficiency virus (HIV).
Ipinanawagan ito ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education matapos lumabas ang HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines para sa Enero ngayong taon. Lumabas kasi sa naturang ulat na 86 kaso ang naitala sa mga kabataang 19 taong gulang pababa. Pitumpu’t siyam sa mga kasong ito ang naitala sa mga kabataang may edad na 10 hanggang 19, habang pito naman ang naitala sa 10 taong gulang.
“Nakakaalarma at nakakalungkot isipin na kung sino pa ang dapat na binibigyan ng dobleng pag-aaruga dahil sa kanilang murang edad at kahinaan ay sila pa ang nakakaranas ng matinding pagdurusa. Ang nakababahalang balitang ito ay kinakailangan ng mas maigting na pakikipag-ugnayan ng DOH sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan para ikalat nang husto ang kaalaman tungkol sa sakit at kung paano maiwasan ito,” ani Gatchalian.
Umabot sa 1,454 ang kabuuang bilang ng mga bagong kaso ng HIV para sa Enero. Sa 1,365 kasong naiulat dahil sa pakikipagtalik, 998 o 70% ang mula sa mga lalaking nakipagtalik sa kapwa lalaki, 193 o 13% ang mga lalaking nakipagtalik sa mga babae, at 240 o 17% ang mga lalaking nakipagtalik sa parehong lalaki at babae.
Upang bigyang diin ang kahalagahan ng pagpapaigting sa kaalaman ng kabataan sa HIV, binalikan ni Gatchalian ang mga naging resulta ng Young Adult and Fertility Sexuality Survey (YAFSS) kung saan lumalabas na bumaba sa 78% noong 2021 ang porsyento ng mga kabataan na may kaalaman sa HIV at acquired immuno-deficiency syndrome (AIDS). Ito na ang pinakamababang naitala mula 1994, kung saan umabot sa 95% ang porsyento ng mga kabataang may kinalaman sa HIV at AIDS. Noong 2013, bumaba sa 85% ang porsyento ng mga kabataang may kaalaman sa HIV at AIDS.
Ayon kay Gatchalian, magsasagawa siya ng pagdinig sa mga kaso ng HIV sa mga kabataan, pati na rin sa maagang pagbubuntis. Noong nakaraang taon, inihain ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 13 upang repasuhin ang pagpapatupad ng Comprehensive Sexuality Education (CSE).
“Nais nating tiyakin na sapat ang kaalaman ng ating mga kabataan pagdating sa HIV, lalo na’t maaaring magdulot ito ng pinsala sa kanilang kalusugan at kapakanan. Susuriin natin kung paano natuturuan ang ating mga kabataan upang pangalagaan ang kanilang mga kalusugan,” ani Gatchalian.