Ipinalabas na ng Department of Budget and Management (DBM) sa National Food Authority (NFA) ang kabuuang P1,182,905,000 para pondohan ang one-time rice assistance na ipagkakaloob sa lahat ng kwalipikadong empleyado o kawani ng mga iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.
Inaprubahan ni DBM Secretary Amenah F. Pangandaman ang Special Allotment Release Order (SARO) at kaukulang Notice of Cash Allocation (NCA) nito kahapon, ika-12 ng Abril 2023.
“As directed by President Ferdinand R. Marcos Jr., we shall ensure the welfare of our government workers by giving them assistance for their household needs and, at the same time, boosting the production of our rice farmers,” Secretary Pangandaman said.
[“Bilang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sisiguruhin natin ang kapakanan ng mga kawani ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay tulong para sa kanilang mga pangangailangan, habang tinutulungan din natin na paigtingin ang produksyon ng bigas ng ating mga magsasaka,” ayon kay Secretary Pangandaman.
Tinatayang nasa 1,892,648 na mga kawani ng gobyerno ang makikinabang sa rice assistance, kabilang na ang mga Job Order (JO) at Contract of Service (COS) personnel.
Sa Administrative Order No. 2 na pinirmahan ni Pangulong Marcos Jr., nakasaad ang pagbibigay ng one-time assistance sa lahat ng mga kwalipikadong manggagawa ng pamahalaan sa nagkakaparehong halaga na tig-25 kilograms ng bigas bawat isa.
Sakop sa mga makatatanggap ng rice assistance ang mga kawani na nananatili sa serbisyo o nagtatrabaho sa mga ahensya ng gobyerno ng hanggang ika-30 November 2022.