26 C
Manila
Martes, Oktubre 8, 2024

Certification para sa mga TVL graduates sa senior high school pinasasagot ni Gatchalian sa gobyerno

- Advertisement -
- Advertisement -

Upang tumaas ang posibilidad na makakuha ng trabaho ang mga senior high school graduates na kumuha ng technical-vocational-livelihood (TVL) track, iminungkahi ni Senador Win Gatchalian na sagutin ng gobyerno ang gastos para sa kanilang certification.

Pinuna ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education ang tinatawag niyang dead end para sa mga senior high school graduates na kumuha ng TVL track. Aniya, sariling sikap ng mga graduates ang paghahanap ng testing center bago makatanggap ng National Certificate (NC) I o National Certificate II na magbibigay sa kanila ng mas mataas na posibilidad na makakuha ng trabaho.

Para sa School Year (SY) 2019-2020, may 486, 278 graduates ng senior high school ang kumuha ng TVL track, habang 127,796 naman ang kumuha ng national certification. Bagama’t pumalo sa 124,970 o 97.8% ang passing rate sa mga kumuha ng national certification, katumbas lamang ng 25.7% ang certification rate batay sa kabuuan ng mga TVL graduates noong school year na iyon.

Bumagsak naman ang certification rate noong SY 2020-2021, kung saan may 473,911 TVL graduates ang naitala, 32,965 ang kumuha ng national certification, at 31,993 o 97.1% ang pumasa. Para sa school year na ito, umabot lamang sa 6.8% ang certification rate. Ayon sa Department of Education (DepEd), nagiging sagabal para sa ilang mag-aaral ang gastos para sa certification na umaabot sa P1,000.

Sa isinagawang pagdinig ng Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022), binigyang diin ni Gatchalian na kayang sagutin ng gobyerno ang gastos upang mabigyan ng certification ang mga TVL graduates na wala pang certification. Lumabas sa isinagawang pagdinig na humigit-kumulang P358 milyon ang kinakailangan upang mabigyan ng certification ang mga TVL graduates mula SY 2020-2021 na wala pang certification. Ayon kay Gatchalian, maliit na halaga ito kung titignan ang P710 bilyon na pondo ng DepEd.

“Bibigyan natin sila ng pag-asa, bibigyan natin sila ng certification, at bibigyan natin sila ng mas malaking tsansa na magkaroon agad ng trabaho. Yung P358 milyon na kinwenta natin ay isang investment at magandang investment ito kung titignan natin ang passing rate na umaabot sa 97%. Kaya bakit hindi natin ilaan ang 358 milyon para makuha na nila ang certificate nila at pwede na silang magtrabaho?” ani Gatchalian.

Dagdag ni Gatchalian, ipapanukala niyang isama sa national budget ng susunod na taon ang pondo para sa mga naturang certifications.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -