Sumasaludo po ako sa lahat ng manggagawang Pilipino sa buong bansa at iba’t ibang panig ng mundo sa pagdiriwang ng ating ika-121 Araw ng Manggagawa.
Ngayong araw, binibigyang-pugay at pagkilala natin ang mahahalagang kontribusyon ng mga manggagawa sa katatagan at kapakanan ng ating minamahal na bansa. Ilang beses na nating napatunayan na ang pagbibigay ng dekalidad na trabaho ang katangian kung bakit tayo kinikilala sa mundo at angat sa iba.
Masaya po akong malaman na sa selebrasyong ito, naghanda ang Labor Department ng mga importang aktibidad para suportahan ang ating mga manggagawa, tulad ng pagbibigay ng assistance sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program, Government Internship Program (GIP), at Special Program for Employment of Students (SPES). Malaking tulong po ito sa ating mga kababayan.
Pinaglaanan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 2023 national budget ang mga social protection program, lalo na para sa mga targeted vulnerable sector ng lipunan. Ito po ang aming paraan upang makamit ang ating 8-Point Socioeconomic Agenda.
Umasa po kayo na kami sa DBM ay magsusumikap para suportahan ang mga programa na magbebenipisyo sa kapakanan ng ating mga manggagawa. Hindi po namin kayo pababayaan.
Nawa’y ang ating determinasyon na bigyan ang bawat pamilyang Pilipino ng pagkakataong mamuhay ng desente at masagana ang ating maging nagkaka-isang layunin ngayong 2023 Labor Day.
Muli, isang pagpupugay sa lahat ng manggagawang Pilipino sa buong mundo. DBM SECRETARY AMENAH F. PANGANDAMAN