32.2 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

Sa Araw ng Kalayaan, ilabas ang tunay at talaga

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA ika-125 daantaon mula noong ihayag ni Heneral Emilio Aguinaldo ang kasarinlan o independensiya sa tahanan niya sa Kawit, Cavite, noong Hunyo 12, 1898, masayang pagbati hindi lamang para sa sambayanang Pilipino kundi sa buong mundo ngayong Araw ng Kalayaan.

Nagagalak din tayo sa paglulunsad nitong Pinoy Peryodiko ng pahayagang The Manila Times, na nagdiriwang din ng ika-125 taon mula sa pagsilang nitong diyaryo noong Oktubre 11, 1898.

At ikatlong dahilan para sa sariling pagdiriwang itong kauna-unahan kong pitak o kolum sa wikang Pilipino sa halos apat na dekadang pamamahayag: bilang tagapamahalang patnugot ng Makati Business Club Economic Papers mula 1981 hanggang 1984, manunulat at patnugot ng lingguhang magasing Asiaweek sa Hong Kong noong 1984 hanggang 2001, brodkaster sa radyo at telebisyong gobyerno mula 2003 hanggang 2009, at kolumnista ng The Manila Times mula Hulyo 2010.

Gaya ng dalawang pitak natin sa The Manila Times — Republic Service, tuwing Linggo, tungkol sa mga usapin sa bansa at mundo; at Faith Healer, tuwing Huwebes, tungkol sa relihiyon — dalawang beses din tayo lalabas kada linggo dito sa Pinoy Peryodiko.
Tulad ng Republic Service, tatalakayin nitong pitak na TALAGA ang nagaganap sa sambayanan at sandaigdigan, lalo na ang may malaking kinalaman sa ating bayan at mamamayan.

Samantala, gaya ng Faith Healer, tutukuyin natin tuwing Biyernes ang ating pananalig, lalo na ang mga dapat malaman at ugaliin para sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa, sampu ng wastong pagtingin sa mundo ayon sa ating pananampalataya.


Sa madaling salita, langit at lupa, Diyos at daigdig, tuwing Biyernes at Lunes.

Talaga ba?

Bakit “Talaga” ang piniling pamagat nitong pitak?

Pangunahin dahilan ang malawakang pang-unawa sa katagang ito bilang pagtitiyak na totoo ang sinasabi natin: Talaga!

- Advertisement -

Pero may iba pang kahulugan na maganda ring tumbukin ng salitang Talaga.
Kung patanong ang pagbigkas — Talaga? — may pag-uusisa o pagdududang inihaharap, at bahagi ito ng pagsisiyasat sa mga usapin at balita. Hindi tayo basta naniniwala, kundi nagtatanong: Talaga ba?

May isa pang pakahulugan ang Talaga na may saysay sa mga artikulo tungkol sa bansa. Kung itinalaga ang tao sa puwesto, may katungkulan at kapangyarihan o awtoridad siya. Sa gayon, dapat siyang tumupad sa tungkulin sa paggamit ng kapangyarihan. At ito ang titingnan ng mga ulat sa pitak nating Talaga.

Halimbawa nitong pag-uusisa sa talagang lagay ng isang usapin ang pagbubukas ng siyam na base militar ng ating Sandatahang Lakas o AFP sa mga hukbo ng Estados Unidos o US.
Noong Pebrero, sa pagdalaw ni Kalihim Lloyd Austin ng Kagawaran ng Depensa ng Amerika, pinahintulutan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ng US ng siyam na kampo sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA, ang kasunduan ng Pilipinas at Amerika noong 2014 sa administrasyong Aquino 3rd.

Pag-anunsiyo ng siyam na baseng EDCA — dalawa sa lalawigan ng Cagayan, tig-isa sa Isabela, Nueva Ecija at Pampanga, tig-isa rin sa mga lungsod ng Cebu, Puerto Princesa at Cagayan de Oro, at isa pa sa Islang Balabac sa Katimugang Palawan — agad inihayag ni retiradong heneral Carlito Galvez Jr, ang tagapangalaga o officer-in-charge ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa o DND noon, na walang dapat ikabahala tungkol sa mga baseng ipagagamit sa Amerikano.

Talaga?

Iba ang pananaw ng dating Presidente Rodrigo Duterte sa panayam niya sa programa ni Pastor Apollo Quiboloy noong Marso. Ayon sa dating pangulo at alkalde, “plataporma” ng puwersang Amerikano ang mga baseng EDCA, at mapapalaban tayo sa Tsina kung magkadigma ito laban sa US.

- Advertisement -

“Pauulanan tayo ng missile” o mga raket pandigma, babala ni Duterte sa panayam na mapapanood sa YouTube (https://www.youtube.com/watch?v=_3qoIsrU5YQ). Tinukoy ng pangulo ang EDCA 18 minuto mula sa simula ng video. At tinalakay ang panayam sa pitak na Republic Service sa Manila Times (https://tinyurl.com/3b7h5a4f).

Ilalabas natin ang itinatago

Sa kasamaang palad, wala halos sa mga pangunahing pahayagan at istasyon ng radyo at telebisyon ang nag-ulat tungkol sa panayam ni Duterte. Bakit? Dahil gaya ng maraming opisyal ng pamahalaan at pulitiko sa bansa, wala halos sa media, Pilipino man or banyaga, ang ibig mag-ulat ng mga panganib ng mga baseng EDCA.

At ito ang isa pang dahilan kaya Talaga ang pamagat ng pitak nating ito, at kung bakit kailangan ng bansa ang Pinoy Peryodiko at ang pitak na ito. Sa katunayan, maraming mahalagang bagay na dapat mabatid ng sambayanang Pilipino ang hindi inilalabas o tahasang itinatago sa media at pati na rin sa social media gaya ng Facebook.
Subalit iuulat at tatalakayin sila rito sa pitak nating Talaga tuwing Lunes sa Pinoy Peryodiko.

Sa kabila ng mahalaga at marahil kontrobersiyal na usaping tatalakayin dito, hindi malaong kakaunti ang bumasa ng ating mga artikulo. Para sa maraming tao, malamang na mas kawili-wili ang balita tungkol sa mga artista, atleta at iba pang kilalang tao. Subalit hindi natin tatantanan ang mga usapin at balita talagang mahalaga sa bansa.

Higit sa libangan, ito ang tungkulin ng pahayagan. Lagi nawang tupdin ito ng pitak nating Talaga at ng Pinoy Peryodiko.

- Advertisement -
Previous article
Next article
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -