Napapanahon ang paglabas na ito ng Pinoy Peryodiko. Sa edad kong 82, napagpasyahan kong ililok na sa panulat ang inipong kaisipan na sa loob ng walong dekada ay nanatiling tago sa kabila ng mga pagpupunyaging makahulagpos. Ginintuang pagkakataon itong ipinagkaloob sa akin ng The Manila Times na mapabilang sa mga piling kolumnista ng kanyang dyaryong Filipino. Sa pamamagitan ng Pinoy Peryodiko, hindi matatawaran ang lawak na maaaring abutin ng aking matagal nang tagong adhikain na palaganapin ang aking hamak na pananaw sa kung ano ba, sa kahuli-hulihan, ang buhay.
***
Malaking kapalaran ko na ako ay isinilang na ubod ng hirap. Sa gayon, nailihis ako sa mga kaparaanan ng pagtamo ng dunong sa loob ng akademya. Kung mula sa murang gulang pa lamang ang isang anak-mayaman ay puspos na sa malawakang pagkamal ng talino sa mga siyensya, literatura, pilosopiya, negosyo at pulitika, ang isang anak mahirap ay nagkakasya na lamang sa mga kaalamang hinubog ng kanyang mga tunay na pakikibaka sa buhay.
Wala ni katiting ng aking kakayahan sa panulat ay alinsunod sa mga panukat ng mga kilalang instituto kundi bilang di maiiwasang kati na pakialaman ang sa tingin ko ay mga bagay na di dapat pinahihintulutan sa sangkatauhan.
Bakit ang kakaunting nakaririwasa ay naglulunoy sa luho samantalang di mapigil ang paglago ng populasyon ng mga hikahos?
Ang kaunaunahan kong piyesa ng panulat na nalimbag ay isang liham hinggil sa isang polisiya ng noon ay Kalihim sa Edukasyon Alejandro Roces. Ang liham ay isang Letter to the Editor ng, hulaan ninyo, The Manila Times!
***
Ang pangalawa pa lamang sa iskrip pampelikula na aking isinulat ay nanalo ng Best Screenplay sa 1977 Metro Manila Film Festival, ang Burlesk Queen. Hindi iyon alinsunod sa mga panukat at pamantayan na itinuturo sa mga akademya kundi halaw sa personal kong karanasan noong dekada 50 nang sa pana-panahon ay magnanakaw ako ng sandali na makatakas sa klase sa Mapa High School upang manood ng burlesque show sa Inday Theater sa Quiapo, Maynila.
***
lsang panuntunan ng pagsusulat na sa mahabang panahon ay wala akong malay ay akin palang istriktong sinusunod ay ito: na ang isang manunulat ay hindi maaring magsulat ng hindi niya buhay. Dapat na ito ay masunod at kung hindi ang likhang piyesa ng isang manunulat ay hindi maaaring hindi maging taliwas sa katotohanan.
Matay ko mang isipin, papaano magagawa ng isip na ang isang bagay ay pag-anyuin ng iba sa totoo niyang anyo?
Kathang isip ba ni Albert Einstein ang pormulang E=MC2 na humantong sa pagkakabuo ng Atomic Bomb noong WWII at ngayon sa kinahihindikang mga abanteng sandatang nukleyar?
Batas na nakaugat sa bawat bagay ang nasabing pormula. Kinailangan lang ang matalim na pag-aaral ng utak ni Einstein upang ito ay tuklasin. Subalit lumikha ba si Einstein ng isang bagay na hindi dati nang naroroon? Hindi. Nagawa niya lang alamin ang kinaya ng kanyang utak na saliksikin.
***
Sa hinaba-haba ng panahong ginugol ko sa pagsusulat, ngayon lang naging malinaw sa akin na sa aking mga akdang sulatin, maging literatura o iskrip pampelikula, mga artkulong pang-aliw o mga sanaysay pulitikal, ay wala ni isa na hindi tungkol sa sarili kong buhay.
Halimbawa, sa pagsabog ng krisis sa Ukraine, ang agarang pagpanig ko sa Russia na naging laman ng aking mga sulatin ay higit na bunga ng buhay ko ng pagsubaybay sa daloy ng pulitika sa mundo na roon ay walang humpay ang panggugulo ng Amerika upang mapanatili ang kanyang pandaigdigang hegemoniya. Mulat ako sa kasaysayan na ang nakaamba nang tagumpay ng Katipunan sa mga kolonyalistang Kastila ay walang hiyang kinulimbat ng Amerika upang siya namang manakop sa Pilipinas sa loob ng sumunod na kalahating siglo. Ako itong dama bilang personal na hapdi ang pagwasak sa Maynila hindi ng mga Hapones kundi ng mga tinaguriang liberation forces ni General Douglas MacArthur upang ito ay maging pangalawa sa pinakadurog na siyudad noong WW II. Tatlong taon pa bago ang special military operation ng Russia sa Ukraine noong Pebrero 24, 2022, naihayag ko na sa isang media forum na pinangasiwaan ni dating Senador Francisco “Kit” Tatad ang pagkondena sa pagkalas ng Estados Unidos sa Intermediate- Range Nuclear ForcesTreaty na dapat sanang nakapagpigil sa anumang marahas na banggaan sa pagitan ng Russia at Amerika na siyang nangyayari sa ngayon sa Ukraine. Personal kong adhikain ang layon kong pangibabawin sa pagpanig sa Russia sa digmaan sa Ukraine.
***
Sa kabilang dako, walang pasubali ang aking pagkatig naman sa panig ng Tsina sa hidwaan nito sa Estados Unidos. Udyok ito ng personal kong kamulatan na sa pagitan ng dalawa, Tsina ang nagdadala ng kolektibong sistema ng kabuhayan na sa isang yugto ay aking halos pagpakamatayan kasama ng balana ng uring manggagawa sa rebolusyonaryong kilusang welga noong dekada sitenta.
***
Buhay sa akin ang ipinamamarali ng Tsina na “world community of shared future.” Ang buong sangkatauhan sama-sama sa payapa at maunlad na pamumuhay. Ganap na katunggali ito sa kayabangan ng Amerika na namutawi sa bibig ni Biden: “We are America, second to none.”
***
Tinanggap ko bilang hamon ang alok na sulatin ang kolum na ito. Maging ganap na marapat nawa ako sa hamon. Itakwil ang lahat na pagkukunwari. Pakatotoo sa kalidad ng pagsusulat na hinihingi ng titulo ng kolum: Ultimong Bigwas. Arangkada ng banat na ang pagkakataong gawin ay hindi na darating kung hindi gawin ngayon na.