O suguin mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan; patnubayan nawa nila ako; dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok, at sa iyong mga tabernakulo. Kung magkagayon, paparoon ako sa dambana ng Diyos, sa Diyos na aking malabis na kagalakan; at sa alpa magpupuri ako sa iyo, O Diyos, aking Diyos.
— Salmo 43:3-4
Tanda mo ba “Ang Liwanag”? Kung bagets ka noong Hulyo 2021, baka bumalik sa isip mo ang pinakasikat na awit nina Skusta Clee at Magnus Haven. Mahigit isang milyong nanood o page views ang nakuha ng kanta nila sa YouTube. At siyempre, tungkol sa pag-ibig ng magkasintahan “Ang Liwanag.”
Pero hindi lang sa pagmamahal ng mag-dyowa. Para sa relihiyoso o nananalig, puwede ring mapatungkol “Ang Larawan” sa pagmamahal ng Diyos. Halimbawa, sa unang bahagi ng kanta, ang sabi: “Sumandal, hindi hahayaang mag-isa. Palagi mong ilagay sa isip mo na malabo kitang iwanan, malabo kitang bitawan.”
Hindi ba ganon ang Maykapal? Hindi kailanman kakalas o bibitiw, kahit magkasala tayo sa Kanya, pasaway sa pangaral Niya, at magpako ng Anak Niya sa krus. At gaya ng naranasan ng daan-daang milyong tao sa buong daigdig noong pandemya at iba pang panganib at pahirap, pinatotohanan ng Panginoon ang huling linya ng “Ang Larawan”:
“Ako ang liwanag sa tuwing mundo mo ay madilim.”
Sana gayon din ang magawa ng pitak o kolum na ito para sa mambabasa ng Pinoy Peryodiko, lalo na sa ating pananampalataya at buhay Kristiyano. Maraming kadiliman sa ating daigdig, buhay at kalooban, at hangad ng mga artikulo natin ang magbigay ng liwanag, kaliwanagan, paliwanag, at iba pang pagliliwanag sa mga katanungan, agam-agam, pati sigalot at di-pagkakaunawaan.
Siyempre laging sa langit magmumula ang tunay na liwanag: sa Banal na Kasulatan, sa mga doktrina, pangaral at kautusan ng Inang Simbahan, sa mga obispo, pari at teologo; at lalung-lalo na, sa pangalangin para sa diwa, kaalaman at patnubay ng Panginoon.
Bukod sa mga nagaganap at tinatalakay sa ating relihiyon dito at sa buong mundo, tutukuyin din natin ang mga pangyayari sa ating bayan at mundo mula sa pananaw ng mga pinanaligan natin.
Interesado pa ba ang Diyos?
Pero sino ang babasa ng Ang Liwanag? Nananalig sa Diyos ang mahigit 90 milyong Pilipino, at puno ang mga simbahan tuwing Linggo. Pero ang tanong: Hanggang simba lang ba at dasal ang pananampalataya ng nakararaming Pilipino, o ibig ba nating magkaroon ng mas malalim at malawak na kaalaman, pang-unawa at tindi ng pagsamba at dalangin? At mahalaga ba sa ating magkaroon ng pananaw at pagkilos sa lipunan ayon sa mga itinuturo ng ating relihiyon?
Sana ganon nga: Dapat seryoso tayo sa ating pananampalataya at hindi lang sumusunod sa ugaling namana o sumasabay sa komunidad, bagaman hindi naman masama ang pagsunod sa tradisyon at pagsamba ng pamayanan.
At lalung-lalo na, mahalagang bahagi ng pananampalatayang tunay na tumugma o umayon dito ang ating asal, pamumuhay at palakad at pagkilos ng lipunan. Kung hindi, hanggang pinto ng simbahan lamang ang pagsamba at pagsunod natin sa Diyos. Sa gayon, hindi Panginoon ang turing sa Kanya, kundi bahagi lamang ng kostumbre o dekorasyon.
Halimbawa, ayon sa Kristiyanismo, hindi maaaring wakasan o buwagin ang kasal, sapagkat inihayag mismo ng Pangingoong Hesukristo: “Ang pinagsama ng Diyos, huwag paghihiwalayin ng tao” (Ebanghelyo ni San Mateo, 19:6).
Dahil dito, ipinagbabawal ang diborsiyo o ang pagbubuwag ng kasal na ayon sa tamang patakaran. (Iba ito sa pagwawalang-bisa o annulment dahil may depekto ang kasal.)
Subalit ilang dekada nang isinusulong sa Kongreso ang legalisasyon ng diborsiyo. Kung isulong na naman ito sa kasaluduyang legislatura, marapat muli itong tutulan at labanan ng Simbahan at ng mga Katoliko. May tututol na hiwalay ang Estado at Iglesya sa ating bansa. Ngunit karapatan at tungkulin pa rin ng nananampalataya na labanan ang pagsasabatas ng diborsiyo.
Kaloob ng Panginoon
Bilang pangwakas ng unang pitak ng Ang Liwanag, tukuyin natin ang nais ng Diyos sa bawat nananampalataya. Ayon kay Santo Tomas Aquino, ang pinakabatikang teologo ng Gitnang Panahon sa Europa, ang padron ng Unibersidad ng Santo Tomas, atas ng Panginoon na iayon ng kalooban natin sa Niloloob ng Diyos.
Sa madaling salita, dapat maging kaloob tayo ng Panginoon. Ang nais Niya siya ring dapat nating loobin.
Maging si Hesukristo, hinarap ang hamon at pagsubok na itugma sa Kalooban ng Diyos ang sarili niyang loobin. Sa Hardin ng Getsemane bago ang kanyang Pagdurusa at Pagkamatay, inihayag niya sa Diyos: “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayon man, huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Ebanghelyo ni San Lukas, 22:42).
Kung mismong ang Diyos Anak humarap sa ganitong hamon, gayon din tayong lahat. Lalo na sa panahon nating labis-labis ang pahalaga sa pagtupad ng sariling nais.
Nang yakapin ni Kristo ang kalooban ng Ama, may anghel na nagpatibay ng loob niya. Tumulad tayo kay Hesus, at makikita nating pagtalima sa Diyos ang pinakamagandang kaloob Niya sa atin. Amen.