30.1 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

‘Sa Ugoy ng Duyan ’ at ang mayamang ani ng mga hele mula sa rehiyon

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Unang Bahagi

NOONG nabubuhay pa si G. Lucio San Pedro, ang ating Pambansang Alagad ng Sining sa Musika, nagkaroon ako ng pagkakataong itanong sa kanya kung paano niya nagawa ang kanyang obrang ‘Sa Ugoy ng Duyan,’ isang awiting hele na may kurot sa dibdib. Nagawa raw niya ang musika nito nang balikan niya sa gunita ang madalas na inaawit ng kanyang ina sa kanya noong paslit pa siya. Lilipas pa ang limang taon bago tuluyang mabuo ang awiting ito.

Nakasakay raw siya sa barko galing Amerika pauwi ng Pilipinas nang mapagnilayan niya ang diwang ‘ano kaya kung makakabalik ako sa tiyan ng aking ina ngayong may isip na ako?’ Siyempre, noong nasa sinapupunan pa tayo ng ating mga ina, wala tayong malay na tayo ang ang sanggol na ipinagbubuntis nila. Pero paano nga raw kung may pagkakataong makakabalik sa sinapupunan ng ating ina at maramdaman ang ginhawang dulot nito. Paano rin daw kung makababalik tayo sa panahong ipinaghehele tayo ng ating mga nanay sa duyan habang sanggol pa tayo pero may kamalayan na ng isang adult? Pagbabalik sa pagkabata (childhood) at sa mga sandaling inuugoy tayo sa duyan ng ating mga ina ang paksa ng ‘Sa Ugoy ng Duyan.’

Ang aklat na ‘Himig Himbing: Mga Heleng Atin’ mula sa Cultural Center of the Philippines

Nang magkaroon ng stopover sa Hawaii ang naturang barko, sumakay naman daw doon si G. Levi Celerio, ang ating isa pa nating Pambansang Alagad ng Sining sa Musika, at doon ay napag-usapan nila ang tungkol sa awiting ito. Nilapatan ni Levi Celerio ang musika ni Lucio San Pedro at dito na nga isinilang ang klasikong awiting ‘Sa Ugoy ng Duyan.’ Dahil sa madamdaming melodiya at titik ng heleng ito, kadalasang ang mga umaawit nito, sa entablado man o sa mga videoke-han, ay napapaluha sa pagkaalala ng dakilang ina na naghele sa kanila noong bata pa.


Ilan sa mga pambihirang guhit ni Beth Parrocha na matatagpuan sa mga pahina ng aklat

Ang ‘Sa Ugoy ng Duyan’ ay isa sa 16 na hele o oyayi na isinama ng Cultural Center of the Philippines sa isang koleksyon ng mga heleng sariling atin. Ginawa itong aklat at nailathala kamakailan, ang ‘Himig Himbing: Mga Heleng Atin ( A Collection of Cradle Songs from the Philippines).  Ito’y sa pangunguna ng Arts Education Department ng CCP na pinamumunuan ni Eva Mari Salvador na siya ring Executive Producer ng Himig Himbing. Kasama niya sa Project Team sina Lino Matalang Jr (producer), Joshua Martin Tayco (project manager), Jazz Reformado (Asst project manager), Sol Maris Trinidad (Ethnomusicologist), at Krina Cayabyab (musical arranger). Ang pambihirang ‘art and book design’ ay pinamahalaan naman ng mahusay na children’s book author na si Beth Parrocha. Ang Aklat Mirasol Publishing House ang nagsilbing editorial consultant ng aklat. Mapalad din ang inyong lingkod na nahilingang sumulat ng ‘blurb’ para sa aklat na Himig Himbing.

Ang panel sa book discussion sa paglulunsad ng aklat: Dennis Marasigan (CCP Vice President), Beth Parrocha (book designer and illustrator), Michelle Nikki Junia (CCP President), Luis Gatmaitan (book consultant and children’s book author), and Sol Maris Trinidad (ethnomusicologist/book researcher)

Walong bagong hele ang idinagdag ngayong taon ito sa walong hele na inilunsad noong nakaraang taon. Kaya kung susumahin, naglalaman ng 16 na hele/oyayi ang buong aklat. Heto ang 16 na heleng atin:

  1. Dungdungwen Kan To. Isang awitin itong kinakanta sa kasal sa Ilocos region pero inaawit din bilang hele. Nangangahulugan itong ‘I will Love You Very Much.’
  2. Sa Ugoy ng Duyan. Isang heleng Tagalog tungkol sa paggunita ng isang nakatatanda sa isang sanggol na natutulog sa duyan habang inuugoy ng nanay.
  3. Katurog na Nonoy. Isang heleng Bikolano tungkol sa batang si Nonoy na gusting-gustong inuugoy sa pagtulog.
  4. Isang tradisyonal na hele mula sa Kalinga na tumatalakay sa isang di magandang panahon kung kaya’t maligalig at nagiging iyakin ang sanggol; pumapanatag lamang kapag niyayakap o binabalot ng kumot. Ang ‘wiyawi’ ay literal na nangangahulugang ‘hele.’
  5. Bata Alimahi. Nasa wikang Cebuano naman ang heleng ito. Tungkol ito sa ina ng bata na humihingi ng tulong o alalay sa kanyang sariling ina sa pag-aalaga sa bata dahil nais nitong muling bumalik sa pagkadalaga.
  6. Isang awiting Hiligaynon na parehong ginagamit na love song at hele. Tungkol ito kay Dansoy na pinapatulog kung saan ang malamyos na melodiya ay nagdudulot ng kakaibang ginhawa sa pakiramdam.
  7. Ili Ili Tulog Anay. Isang hele sa Kabisayaan. Tungkol ito sa isang nanay na umalis para bumili ng tinapay para sa anak. Inaawit ito ng nag-aalaga sa bata at sinasabing ‘Go to Sleep, Little One.’
  8. Ligliway Ateng. Isa itong awiting bayan (folk song) na nakasulat sa wikang Pangasinan. Tungkol ito sa mga sanggol o bata na nagsisilbing ‘pampaalis ng pagod’ ng kani-kanilang magulang.
  9. Gonon Klukab Tumabaga. Isang heleng B’laan. Ito’y literal na nangangahulugang ‘My Childhood Gong.’ Pampatulog na hele habang binabanggit ang mga pangalan ng mga musical instruments, ilog, bundok, at mga aral sa buhay.
  10. Tungas Kay Ta Sampaw. Hele ito sa wikang Manobo KInamigin. Nangangahulugang ‘Over the Hill We Go.’ Inaawit bilang hele, o pang-aliwan, o habang nasa trabaho.
  11. Aba-Aba. Isang hele ng mga Subanon sa Katimugang Mindanao. Ang ‘aba-aba’ ay nangangahulugang hele.
  12. Uyug-Uyug. Hele mula sa mga grupong Mansaka upang payapain ang batang umiiyak. Sinasabi sa linya ng kanta na huwag mag-alala sapagkat ang kanyang ina na may sakit ay gagaling din agad. Ang ‘uyog’ ay literal na nangangahulugang ‘rock to sleep.’
  13. Awiting-bayan mula sa Bohol. Nangangahulugang ‘Oras na ng Pagtulog.’ Binabanggit sa hele na ang inang umalis ng gabi ay babalik din kinaumagahan.
  14. Isang awiting Tagalog na ang mga linya ay tumutukoy sa pag-idlip sa hapon o sa nakaugaliang ‘siyesta.’
  15. O Matas A Banwa. Nangangahulugang ‘O Great Sky.’ Tinataglay ng heleng ito sa wikang Kapampangan ang mga alaala at kuwento ng mga bayaning nakipaglaban sa mga Espanyol.
  16. Lubi-Lubi. Sa heleng ito, makikita natin ang mga linyang nakasulat sa Bikolano, Waray, at Tagalog. Ano ba ang lubi-lubi? Ang lubi ay nangangahulugang ‘niyog’ at ang lubi-lubi ay ‘palm leaf fig.’ Maaaring ang sinasabi ng awitin ay laging available na anihin sa buong taon ang dalawang halamang ito. Popular ang melodiya nito sa maraming bahagi ng bansa kung saan ang bawat buwan sa isang taon ang mismong lyrics. Tingnan nga natin kung sasabay kang kumanta sa lyrics ng ‘Lubi-Lubi’ –

Enero, Pebrero, Marso, Abril, Mayo

- Advertisement -

Hunyo, Hulyo, Agosto

Setyembre, Oktubre

Nobyembre, Disyembre, Lubi-lubi

                 (May kasunod na artikulo: HALAGA NG HELE SA BUHAY NG MGA BEYBI)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -