30.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

Pagkuha at pag-renew ng business permits sa Puerto Princesa, mas pinadali sa BOSS

- Advertisement -
- Advertisement -

MAS pinadali ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa ang pagkuha at pag-renew ng business permits sa pamamagitan ng Business One Stop Shop (BOSS) na nagsimula noong Enero 2, 2024.

Ang Business One Stop Shop (BOSS) sa New Green City Hall ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa. (Larawan mula sa City Information Office)

Tatlong hakbangin na lamang ang ipinapatupad ng BOSS at makukuha na agad ang business permit. Ito ay ang apply, pay at claim/release.

Ayon sa City Information Office, mabilis ang proseso ng pagre-renew at pagkuha ng bagong business permit basta’t kompleto lamang ang mga papeles at bayad sa mga bayarin sa iba pang mga ahensiyang may kinalaman sa pagnenegosyo tulad ng Social Security System, Bureau of Fire Protection at Philhealth.

Sa unang linggo ng pagpapatupad ng BOSS ay umabot na sa 1,041 business renewals at siyam na mga bagong negosyo ang nabigyan ng lisensiya na nagresulta ito upang makakolekta ng kabuuang P13.1M halaga ng buwis kung saan P77,642.25 ang nagmula sa mga bagong negosyo at P13,021,0041.71 naman mula sa mga renewal.

Hinihikayat naman ng pamahalaang panlungsod ang lahat ng may negosyo na samantalahin ang BOSS upang maiwasan ang multa.

Hanggang Enero 20, 2024 na lamang ang BOSS at magkakaroon na ng 25% quarterly surcharge at 2% na monthly surcharge kapag hindi nai-renew ang business permit.

Naglagay na rin ng Business Permit and License Kiosk ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng pamahalaang panlungsod sa SM City Puerto Princesa upang mas mapalawak pa ang maseserbisyuhan.

Maaari na ring mag-apply online, magtungo lamang sa website na puertoprincesa.ph. Maaari na ring mag-online payment kung may Landbank account ang negosyante.

Bukas din ang mga tanggapan ng pamahalaang panlungsod na may kinalaman sa pagpoproseso ng business permit tuwing Sabado upang makapagserbisyo sa mga nangangailangan. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -