30.6 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Bise Presidente Sar bumisita sa mga pamilyang naapektuhan ng pagguho ng lupa sa Mt. Diwata, Monkayo Davao de Oro

- Advertisement -
- Advertisement -

DUMALAW si Bise Presidente Sara Duterte sa mga naulila ng mga nasawi sa nangyaring landslide noong Enero 18, 2024 sa Purok 20, Mt. Diwata, Monkayo Davao de Oro.

Kuwento ni Vice President Sara, “Taos-puso po akong nakikiramay sa mga naulila ng mga nasawi sa nangyaring landslide noong Enero 18, 2024 sa Purok 20, Mt. Diwata, Monkayo Davao de Oro.

“Napakalungkot pong isipin na dahil sa masaklap na trahedya na ito ay 11 inosenteng buhay ang nawala sa atin.

“Sa akin pong pagbisita noong Enero 20, nakausap ko po ang mga pamilyang nangungulila sa kanilang mga mahal sa buhay at ipinabatid ko ang aking taos-pusong pakikidalamhati at pinakinggan ang kanilang mga paghihinagpis at suliranin.

“Taimtim ko pong ipinagdarasal na sana hindi na mauulit ang ganitong pangyayari.”

Pinaalalahanan din niya ng mga Local Government Unit o LGU ng mga gagawin.

Sabi  niya, “Napakahalaga na paalalahanan ang Local Government Unit at mga residente sa mga kinakailangang aksyon na dapat gawin sa panahon ng malakas na pag-ulan, upang maiwasan ang mga karagdagang trahedya.

“Una, napakahalagang bigyang-tugon ang mga proactive measures tulad ng pre-emptive evacuation kung ang iyong tinitirhan ay nasa loob ng isang hazard-prone zone. Ang pangangalaga sa buhay at pangkalahatang kapakanan ng mga tao ay dapat na manatiling prayoridad.

“Pangalawa, nakikiusap po ako sa inyo na palaging makinig at sumunod sa mga tagubiling ibinibigay ng Local Disaster Risk Reduction and Management Response Team. Nandiyan sila para sa inyo, nakatuon sa pag-gabay at pag-iingat sa inyong kapakanan. Maglaan tayo ng oras upang maging pamilyar sa mga itinalagang evacuation center, tiyaking alamin ang eksaktong masisilungan kapag kinakailangan.

“Panghuli, buong puso kong itinataguyod ang pagpapatupad ng isang matatag na sistema ng robust mapping ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council. Ang mahalagang hakbang na ito ay makakatulong sa mga residente na makaiwas sa mga mapanganib na lugar sa panahon ng mga bagyo o malakas na pagbuhos ng ulan, kung saan sa huli ay sinisiguro ang kanilang kaligtasan.”

Ipinaliwanag din niya ang kahalagahan ng mapping.

Aniya, “Ang sistema ng mapping ay napakahalaga dahil ito ay nagbibigay sa ating mga komunidad ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga mapanganib na lugar at potensyal na panganib sa pagguho ng lupa. Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kamalayan at kaalaman maaari tayong magsanib-puwersa sa pagpapatibay ng ating mga komunidad at maiwasan ang mga trahedya sa hinaharap.”

Teksto at mga larawan mula sa Facebook page na Inday Sara Duterte

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -