Ikalawang bahagi
SA nakaraang kolum, tinukoy natin ang ilan sa nagdaang mga pangyayari na maaaring kasilipan ng pahiwatig kung saan patungo ang bansa.
Halimbawa, kung ultimong ang Kalihim sa Hustisya ay may anak palang drug pusher na pino-protektahan, di nga kaya patungo na ang Pilipinas sa pagiging narco state? O —kung ibabatay sa nakumpiskang may isang toneladang iligal na droga na nasa pag-iingat ng isang grupo ng kapulisan — hindi lang papunta kundi sa katunayan ay naroroon na ang Pilipinas sa pagiging narco state bago pa ang termino ng dating Pangulong Duterte.
Magugunita na sa pagpataw ng martial law noong 1972, ang kaisa-isang indibidwal na ineksikyut sa pamamagitan ng firing squad ay ang drug lord na si Lim Eng Seng.
Ang problema sa iligal na droga sa Pilipinas ay hindi bababa ang edad sa deklarasyon ng martial law ni Pangulo Ferdinand Marcos Sr. Malaking bahagi na ito ng mga sakit at kabulukan ng lipunang Pilipino na ang mabisang pagtugon ay sa pamamagitan na ng batas militar.
Ipinakita sa kasaysayan na wasto ang hakbang na ginawa ni Pangulo Marcos Sr. Umunlad ang kabuhayan ng bansa, na makikita sa paglago ng mga industriya: mining, steel, textile, automotive, at ayon sa mga eksklusibong impormasyon, isang papasulong nang programang pangkalawakan.
Ang mga nabanggit ay hindi mga propaganda kundi mga nakapamamayaning katotohanan: Jacinto Steel, Ysmael Automotive, General Textile; sa agrikultura, pinalago ang klase ng palay na IRRI (International Rice Research Institute) na sa ilalim ng programang Masagana 99 ay nakapag-paangat na sa Pilipinas bilang eksportador ng bigas. (May mga ulat na ang IRRI na klase ng palay ay napanghawakan ng Thailand upang paunlarin ang kanyang industriya sa bigas hindi lamang para sa internal na kasapatan ng Thai kundi bilang malaking eksportador rin ng cereal.)
Batas militar ang maliwanag na naging daan ng Pilipinas sa pagpailanlang sa kabuhayan upang sa Asya ay maging pangalawa na sa Hapon.
Samantala, sa larangan ng pulitikang pangmundo, sinimulan ni Marcos ang pagpihit mula sa isang-panig, mahigpit at di-pinag-iisipang pagkapit sa pundiyo ng Amerika tungo sa tapat at bukas na pakikipagkaibigan maging sa mga deklaradong kaaway nito sa panahong iyun ng cold war: Unyong Sobyet at China.
Unang nagbukas ang Pilipinas ng diplomatikong ugnayan sa China nang dumalaw doon si Pangulo Marcos Sr. kasama ang Unang Pamilya noong 1975. Sumunod ang pagbisita naman ng Pangulo sa Unyong Sobyet noong 1976 na nagbunga naman ng diplomatikong ugnayang Russo-Pilipino simula sa taong iyon.
Ipinakikita sa mga pagsusuri ng mga eksperto na ang pinakarurok na inabot ng pag-unlad ng Pilipinas ay simula sa taong 1976 (nang mabuksan ang Pilipinas sa mga ekonomiya ng China at Rusya at nagsimulang yumabong ang pagkakaibigang Pilipino sa dalawang sosyalistang bansa) hanggang sa taong 1979 nang ang renta na ipinataw ng pamahalaang Marcos Sr. sa mga US military bases sa Pilipinas ay muli na namang inisip ni Marcos na taasan. Nag-alok si Henry Kissinger ng $500 milyon, para sa 5-taon na panahon ng paggamit. Tinanggihan ni Marcos ang alok ni Kissinger at sa halip, ayon sa isang ulat, ay nag-demand ng $1 bilyon. Ito ang halagang adyenda ng panibagong negosasyon kaugnay ng renta sa mga base militar ng Amerika sa Pilipinas na nakatakdang gaganapin sa 1985.
Samantala, nakapagmagandang-loob ang Unang Ginang Imelda Marcos na payagang makapunta si Ninoy Aquino sa Amerika upang doon gamutin ang kanyang karamdaman sa puso. Bagaman sumang-ayon si Aquino na hindi siya magsasalita ng anumang masama tungkol kay Marcos habang nasa US, con todo banat pa rin kay Marcos ang ginawa ni Aquino oras na siya ay malaya nang nakakagala maging sa kalakhan ng Amerika o sa paligid ng mundo. Ginalugad ni Ninoy ang Europa, Gitnang Silangan at Southeast Asia, nangingilak ng mga kakampi sa planong pagpapabagsak kay Marcos.
Katwiran ni Ninoy sa kanyang pagtalusira sa pangako kay Imelda: “Ang kasunduan sa demonyo ay bale wala.”
At dumating nga ang pangyayari noong Agosto 21, 1983 na maliwanag na nagbadya sa kung ano ang mangyayari sa bansa.
Sa isang video ni Tina Munzon Palma, inihambing niya ang awayan sa pulitika nina Ninoy at Marcos sa isang larong chess.
Sa pagsasalarawan ni Tina, kada kilos ng dalawa sa laro, panalo si Marcos. Mas bata si Ninoy, kaya nauna si Marcos na maging presidente. (Maging sa puso ni Imelda, ayon sa tsismis, talo na mas maaga pa si Ninoy, kung kaya napilitan siyang magtiyaga kay Cory.) Sa nakatakdang eleksyon ng 1973, pwede nang tumakbong presidente si Ninoy. Kaya iyun ang kanyang pinakaaabangan. Pahayag nga ni Cory sa isang interbyu: “For Ninoy, everything was set for 1973.” Pero, ito ngayon ang siste. Isang taon pa bago ang 1973, ano ang ginawa ni Marcos? Nagdeklara ng martial law. Pinairal ang diktadura at namahala sa pamanagitan ng mga decree.
Hanggang sa huling sulong ng kanilang duelo sa chess, mate na si Ninoy.
Subalit hindi pa tapos ang laban. Sa salita ni Tina Munzon Palma, “Ninoy did the unthinkable. He sacrificed the King (Ginawa ni Ninoy ang di mo iisipin na kanyang gagawin. Isinakripisyo niya ang hari).”
Nang araw na iyun ng Agusto 21, 1983, isinagawa ni Ninoy ang henyosong euthanasia na umutas sa kanyang buhay upang sa gayon ay maluklok sa puwesto bilang pangulo ng Pilipinas ang balo na si Corazon C. Aquino.
Ang euthanasia ay salitang Griyego na ibig sabihin ay “good death (magandang kamatayan).”
May gaganda pa ba sa kamatayan ng isang taong dahil sa terminal na karamdaman sa puso ay wala nang kapag-a-pag-asa pang mabuhay, kung kaya pakanain na lamang ang sariling katigukan upang kahit ang balo man lang at ang kanilang mga supling ay maghali-haliling pagpasasaan ang panguluhan ng Pilipinas?
Pagtatakhan ba kung bakit sa kabila ng pagkaluklok bilang presidente ng bansa, una, ng ginang ni Ninoy, at pangalawa, ng anak na si Noynoy, wala ni katiting na pagsisikap na gamitin ang kagila-gilas na kapangyarihan ng presidencia upang tuklasin kung sino ang salarin sa pagpaslang kay Ninoy?
(May karugtong)