32.2 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

Bakit kailangang i-deregulate ang downstream oil industry?

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ANO ang karanasan ng bansa sa ilalim ng downstream oil industry? Bakit pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang unang Downstream Oil Industry Deregulation Law?

Noong 1998, ipinasa ang Downstream Oil Industry Deregulation na siyang nagtanggal ng regulated pricing sa bansa. Maraming dahilan kung bakit ginawa ito.

Una, kailangan natin ng bagong investment sa industriya. Bago ang 1998, tatlong higanteng oil companies lang ang nasa Pilipinas — Petron , Caltex at Shell. Dahil tatatlo lang sila, may duda ang lahat na magkakaroon ng sabwatan kapag tinanggal ang regulation. Kailangan ng iba pang manlalaro sa industriya at dapat magkahalong refiner at importer ang papasok para may kompetisyon.

Ikalawa, ayaw nating lumaki ang depisit at utang ng pamahalaan. Bago ang 1998, ang pagtatalaga ng presyo ay ginagawa sa pamamagitan ng regulated pricing mechanism na sinusuportahan ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF) na unang binigyan ng badyet na P5 bilyon .  Ang OPSF ay itinatag noong 1984 sa pamamagitan ng Executive Order No. 1936 para hindi masyadong magalaw ang presyo. Kapag tumaas ang presyo sa pandaigdigang merkado, kukuha ang mga kumpanya ng langis ng pera sa OPSF at pag bumaba uli ito, sila ay magko-contribute sa pondo ng OPSF.

Ang problema ay naubos ang pondo ng OPSF dahil masyadong malaki ang pagsipa ng presyo at di na nakahabol ang bi-monthly adjustment sa presyo na dapat gawin.  Kapag sumipa pataas ang world prices, kabado ang regulator na itaas ang presyo dahil sa takot nila sa gulo ng strike at mga demonstrador sa harap ng kanilang gusali. Dahil sa bagal ng adjustment, lalong nagkaroon ng mas malaking galawan sa presyo na mas mahirap para sa mga players sa industriya. Ang dahilan kung bakit naitatag ang OPSF ay di nakamit at lalo pang tumindi ang sitwasyon.


Nagkaroon ng malaking depisit ang OPSF at lumaki ang utang nito sa mga kumpanya ng langis. Umabot sa P17.6 bilyon ang depisit na ito bago mabuwag ang OPSF.

Noong una, umutang ang pamahalaan para matustusan ito pero nang palaki na ang mga utang, kailangan nang magbawas ng ibang gastusin gaya ng salary adjustment ng mga empleado at ang inprastruktura. Isa pa, ang Pilipinas ay nasa mahigpit na pagsubaybay ng depisit sa consolidated public sector na siyang conditionality o kundisyon sa mga programa sa IMF. Kapag hindi natin nasunod ang depisit na nakatalaga sa programa, titigil ang pagdaloy ng pautang na foreign exchange galing sa IMF facility.  Maaapektuhan ang exchange rate na siyang lalong magpapataas ng inflation.

Ikatlo, mas malaki ang subsidiya na natanggap ng mga mayayaman dahil mas malaki ang konsumo nila kumpara sa mga mahihirap. Hindi ito progressive at lalong lalaki ang agwat ng mga mahihirap at mayayaman. Sa dulo, kailangang bayaran ng National Government (NG) ang utang na ito gamit ang badyet ng mga ahensiya. Ang pagbigay ng mas malaking subsidiya sa mga nakakariwasa ay taliwas sa layunin na nakatalaga sa development plan na dapat ang mga mahihirap lang ang bibigyan ng subsidiya.

Bago ang deregulation, kailangang mapanatiling ligtas ang mga buwis na kinokolekta ng pamahalaan sa mga produktong petrolyo. Nakabadyet na kasi ang mga ito at ayaw nating magbawas ng gastusin at ayaw din natin na lumaki ang utang ng pamahalaan. Pagtanggal ng P1 kada litro na petroleum levy na kinokolekta ng Bureau of Customs (BOC), inilipat ang buwis sa excise tax na kinokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Binabaan din ang 10% import duty sa oil sa 3% at inilipat ang duty sa excise tax. Ito ay kailangan para compliant tayo sa IMF program. (Table 1)

- Advertisement -

Ang unang Downstream Oil Industry Deregulation Law (RA 8180) na ipinasa noong Marso 1996 ay pinawalang-bisa  ng Korte Suprema. Ang dahilan nito ay may probisyon na kontra sa kompetisyon. May taripang 3 porsiyento ang krudo na siyang ginagamit ng mga refiners samantalang 7 porsiyento ang taripa ng finished oil products. Ang sabi ng Korte Suprema ay unfair ito at kailangang palitan. Isa pa ay may minimum inventory requirement sa lahat ng players sa industriya na nakakasama sa mga bagong players. Dehado raw ang mga bagong sasapi sa industriya kumpara sa mga higanteng kumpanya ng langis.

Kaya bumalik uli ang Kongreso sa drawing boards at tinanggal ang mga probisyong ito. Ginawang parehong 3 porsiyento ang taripa sa krudo at finished petroleum products gaya ng gasoline at diesel. Nagdagdag pa sila ng prohibisyon sa kartelisasyon at predatory pricing. Ang kartelisasyon ay ang sabwatan ng mga players para pataasin ang presyo. Ang predatory pricing naman ay ginagawa ng malalaking kumpanya na pababain ang presyo para matalo sa kompetisyon ang mga maliliit na player at malugi ang mga ito.   Sinabi rin ng Korte Suprema na hindi na kailangan ang transition period at puwede nang dumeretso kaagad sa full deregulation kaya nawala ang probisyon na ito sa bagong batas. Ayaw din ng Korte Suprema na magtagal ang regulasyon dahil sa kasamaang naidudulot nito.

Naipasa ang ikalawang batas bilang RA 8479 noong 1998 at dahil ditoý matiwasay na naisagawa ang deregulation. Gumamit tayo ng automatic pricing mechanism at ang mga presyo ay nagpalit mula subsidized sa free market sa loob ng dalawang taon .

Bago ang 1998, ang adjustments sa presyo ay bibihira — isa  o dalawang beses sa isang taon sa halip na bi-monthly na siyang dapat gawin. Noong 1997, unti-unting inadjust ang presyo para lumapit sa lebel ng Singapore kaya kaagad natanggal ang subsidiya.

Nang unang isinagawa ang deregulation (1998), ang presyo ay nagpapalit kada buwan ng mga kumpanya ng langis. Nang lumaon, itoý naging kada linggo. Noong unang taon ng deregulasyon, umakyat ang average na presyo ng mga produktong petrolyo ng 4-5 porsiyento, mas mababa kaysa ang  9.7 porsiyento na pagtaas ng consumer price index at 10.4 porsiyento na pagtaas ng GDP price index.

Noong 1999, kahit na tumaas ang presyo ng importasyon ng langis ng 29.7 porsiyento, mas mababa ang  pagtaas ng presyo ng domestic na produkto ng industriya —  9.0 porsiyento lamang (Tingnan ang oil sector GDP-based inflation sa Table 2). Ang mga produktong petrolyo ay tumaas lamang ng 4.8 porsiyento sa premium, 6.8 porsiyento sa diesel, 8.4 porsiyento sa regular gasoline at 21.5 porsiyento sa LPG.

- Advertisement -

Noong 2000, lalong tumindi ang pataas ng presyo ng langis sa pandaigdigang mercado noong 2000. Umakyat ang presyo ng langis sa Philippine peso ng 123.8 porsiyento ngunit ang presyo ng local na industriya ng langis ay umakyat lang ng 36.1 porsiyento. Gaya noong nakaraang taon, mas mababa ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, 17.8 porsiyento sa premium gasoline, 19.3 porsiyento sa LPG, 22.0 porsiyento  sa diesel at 22.7 porsiyento sa regular gasoline.

Ang mga mas mababang presyo ay dahil sa mas matinding kompetisyon sa industriya.

Table 1. TARIFF AND EXCISE TAX ADJUSTMENTS
DAHIL SA PETROLEUM DEREGULATION
Pre-1998 1999
Excise tax (Pesos per liter)
Regular gas 2.28 4.80
Unleaded gas 4.35
Diesel/LPG 0.00 0.00
Avturbo 2.38 3.67
Naphtha 4.50 4.50
Asphalt 0.56 0.56
Tariff rate (%)
Crude oil 10.00 3.00
Refined petroleum products 10.00 3.00
Source: DOF

Para mapagaan ang epekto sa mga mahihirap, pinanatili ng bansa ang preferential taxes para magkaroon ng cross-subsidy. Ang mga produktong kinokonsumo ng mga mahihirap gaya ng kerosene, diesel at LPG ay mas mababa o halos walang buwis kaysa mga produktong ginagamit sa mga kotse at eroplano. Kaya, napanatiling mas mababa ang presyo ng mga produktong ito.

Ang bansa ay gumamit ng mga targeted subsidy simula noong 2011, gamit ang mga sobrang koleksyon sa buwis para mabigyan ng subsidiya ang public transport kahit pansamantala lamang o isang beses lang.  Bilang pandagdag-tulong, ang mga pribadong kumpanya ng langis ay nagtayo ng special lanes sa mga estasyon ng gasoline para sa mga jeepney na ginagamit ng mga mahihirap at nagbigay ng espesyal na diskuwento na P1 kada litro para sa kanilang binibiling diesel gasoline. Ginamit ng Department of Transportation and Communication (DoTC) ang listahan ng mga nabigyan ng prangkisa para maipadala ang subsidiya. Sa mga sumusunod na subsidiya, binigyan ng Department of Energy (DoE) ang mga may-ari ng prangkisa para makuha sa Land Bank of the Philippines (LBP) ang subsidiya na nakadeposito roon.

Table 2. PRESYO NG MGA PRODUKTONG PETROLYO
1995-2000
1995 1996 1997 1998 1999 2000
Oil sector GDP-based price index, 1985=100 102.2 103.9 107.7 111.9 121.9 166
    Growth rate 1.70% 3.60% 3.90% 9.00% 36.10%
Crude petroleum import price, PHP/BBL 527.56 656.83 713.41 747.25 969.49 2,169.43
    Growth rate 24.50% 8.60% 4.70% 29.70% 123.80%
Gasoline, premium, PHP per li 9.06 9.77 11.61 12.16 12.74 15.01
    Growth rate 7.80% 18.80% 4.70% 4.80% 17.80%
Gasoline, regular, PHP per li 7.79 9.18 10.11 10.16 11.01 13.51
    Growth rate 17.80% 10.10% 0.50% 8.40% 22.70%
Diesel ,PHP per li 6.42 7.19 7.84 8.25 8.81 10.75
    Growth rate 12.00% 9.00% 5.20% 6.80% 22.00%
LPG, PHP 13.5 kg 129.09 145.15 175.74 157.07 190.89 227.82
    Growth rate 12.40% 21.10% -10.60% 21.50% 19.30%
GDP-based inflation 7.60% 7.70% 6.27% 10.40% 12.14% 4.79%
CPI inflation 8.00% 9.10% 5.90% 9.70% 6.70% 4.40%
Sources: National Statistical Coordination Board
              Department of Energy

Dahil gumagamit ang sektor ng elektrisidad ng produktong petrolyo, sumunod ang transisyon ng elektrisidad sa deregulated petroleum pricing. Nagsimula ito noong 2001 noong naipasa ang Electric Power Industry (Epira)  Act o Republic Act No. 9136 at tumuloy-tuloy ito hanggang 2005. Ang taripa ng elektrisidad ay itinaas sa 19.1 porsiyento noong 2001. Pagkatapos ng maliliit na pagbaba ng presyo noong 2002 at 2003, ang taripa ay itinaas sa 4.6 porsiyento noong 2004 at 11.4 porsiyento noong 2005. Nang matapos ang pag-adjust ng taripa noong 2005, nailipat sa National Government (NG) ang mga utang ng National Power Corporation (NPC), nawala ang pagkalugi ng NPC at nagkaroon ito ng positibong kita  na isa sa mga objectives ng Epira Act.   (Table 3)

Table 3. ELECTRICITY TARIFFS
 
2000-2005
1998 1999 2000 2001 2002 2003 2004 2005
Luzon power tariff, PHP/KWH 1.7797 1.9084 2.0729 2.4684 2.4148 2.3795 2.8627 4.2617
    Growth rate 15.60% 7.20% 8.60% 19.10% -2.20% -1.50% 4.60% 11.40%
NATIONAL POWER CORP Net Income/Loss, PhpM   -3,617 -2,100 -12,964 -10,400. -25,313 -113,232 -29,901 86,000
    % of Electricity sector GDP -5.10% -2.70% -14.80% -10.00% -23.40% -99.00% -23.30% 59.50%
   Power generation, GWH 24,541 39,257 40,978 42,302 38,269 39,385 41,958 40,497
Tariff  adjustment needed to cover NPC losses, Php/KWH
0.1474 0.0535 0.3164 0.2459 0.6614 2.875 0.7126                              –
Sources: DOF & NEDA

Sino ang nagpasan sa price adjustment ng produktong petrolyo at elektrisidad?

Ang upper middle class at pinakamataas na income groups na siyang komukonsomo  sa 70 porsiyento ng elektrisidad  at produktong petrolyo. Sa ganang lowest income groups, napagaan ang pasaning ito sa mitigating measures gaya ng mas mababang buwis sa produktong kinokonsumo nila, at mga diskuwentong ibinigay ng kumpanya ng langis. Sa elektrisidad, binigyan ng socialized pricing and konsumo na umaabot hanggang 50 kwh. Binabayaran ng mayamang consumer ang bahagi ng kanilang bayarin.

Ang pagtaas ng presyo ng enerhiya ay di nagresulta sa kawalan ng trabaho. Maliban sa taong 1998 noong kasagsagan ng Asian financial crisis na nagpababa sa real growth rate sa -0.5%, at 2000 nang pansamantalang political instability na kasabay sa pagpapatalsik kay Pangulong Estrada ang nagpababa sa  employment  growth sa -1.0 porsiyento, patuloy ang paglago ng ekonomiya at pagtaas ng employment. Kaya sa taong 2005, bumalik na ang GDP growth sa malapit sa 5.0 porsiyento at unemployment rate sa 8.7 porsiyento. (Table 4)

Table 4

ECONOMIC INDICATORS

1998 1999 2000 2001 2002 2003 2004 2005
Real GDP growth -0.5% 3.3% 4.4% 3.0% 3.7% 5.1% 6.6% 4.9%
Inflation rate 10.4% 6.3% 5.8% 12.1% 3.1% 3.1% 5.5% 7.6%
Employment growth 0.7% 3.8% -1.0% 6.2% 3.1% 1.9% 3.2% 2.2%
Unemployment rate 10.1% 9.7% 11.2% 11.1% 11.4% 11.4% 11.9% 8.7%
Source: Philippine Statistics Authority
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -